|
Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to
search, probe, investigate, inquire; to unearth facts
Vol. VI, No. 46
Dec. 24 - 30, 2006 Quezon City, Philippines |
|
HOME
ARCHIVE
CONTACT
RESOURCES
ABOUT BULATLAT
|
READER FEEDBACK
(We encourage readers to dialogue with us.
Email us
your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
|
|
|
DEMOCRATIC SPACE
(Email us your
letters statements, press releases, manifestos, etc.) |
|
|
For
turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded
the Golden Tornillo Award.
Iskandalo
Cafe
|
|
Copyright 2004 Bulatlat bulatlat@gmail.com |
|
|
|
|
DEMOCRATIC SPACE
Ang Paskong Mahal ng
Unibersidad ng Pilipinas
Ni Mykel Andrada
Inilathala ng Bulatlat
Nung nagsisilbi pa ako bilang Vice-Chairperson ng University Student
Council ng U.P. Diliman (2001-2002), dalawang palisiya ng administrasyon
ng U.P. laban sa mga estudyante ng unibersidad ang naipatupad. Dalawang
bagay ito na umukilkil sa akin ng matagal dahil para akong
ginulpi-de-gulat sa pagpapatupad nito. Isa rito ang Revitalized General
Education Program (RGEP). Ang isa naman ay ang pagtataas ng matrikula sa
gradwadong lebel. Ang Tsanselor ng U.P. Diliman noong panahong ito ay si
Emerlinda Roman, na ngayon ay ang pangulo na ng U.P.
Ngayong guro na ako sa parehong unibersidad, katulad pa rin ang naramdaman
ko nang ipataw ng administrasyon ni Roman ang humigit-kumulang 300%
pagtaas ng matrikula sa U.P. Pag pinag-aralan ang "pag-aaral" na ginawa ng
komiteng binuo ni Roman (ang De Dios Committee), mahihibo roon ang malinaw
na paghahati sa hanay ng mga mag-aaral. Mapanlinlang na panghahati. Ang
maaapektuhan lamang diumano ng pagtataas ay ang mga papasok na
fresh(wo)men sa darating na akademikong taon 2007-08. Kaya tila may
hinihirayang nosyon ng "apathy" at "pagpayag" sa hanay ng mga mag-aaral;
dahil kung tutuusin, ano nga ba naman ang pakialaman ng mga nauna nang
nakapag-enrol at kasalukuyang nag-aaral sa unibersidad, e hindi naman sila
sakop ng pagtataas ng matrikula. Paano na ang mga kapatid nating nais
mag-aral sa U.P.? O ang mga anak ng kapitbahay natin? Ang mga kamag-anak?
Ang 80% ng populasyon sa Pilipinas?
Sabi ni Roman sa mga "praise release" ng kaniyang administrasyon hinggil
sa pagpapatupad ng pagtaas na matrikula, "unanimous" raw ang botohan ng
Board of Regents (BOR). Pero ang katotohanan ay pito lamang sa
labindalawang rehente ang dumalo sa nasabing pagpupulong; at lahat sila ay
maka-administrasyon at appointed ng Malakanyang (lahat naman ng nakaupo sa
BOR, maliban sa Faculty Regent at Student Regent na ang mga guro at
mag-aaral, respectively, ang pumipili; at ineendorso na lamang ng gobyerno).
Totoong lahat ng pitong dumalo ay bumoto para aprubahan ang tuition fee
increase (TFI); ngunit mayroong dalawang hindi pinadalo sa nasabing
pagpupulong noong Disyembre 15, 2006. Sila ay sina Faculty Regent Roland
Simbulan at Student Regent Raffy Sanchez. Bago pa ang nakatakdang
pagpupulong para aprubahan ang pagtataas ng matrikula, batid na ng mga
mag-aaral na sa Quezon Hall (Administration Building) gaganapin ang BOR
meeting. Alam rin ng administrasyong Roman na magbabarikada ang mga
estudyante't guro at iba pang miyembro ng komunidad ng U.P. (mula Los
Banos hanggang Mindanao) para tutulan at pigilan ang pagtataas. Ngunit
tuso't garapal ang administrasyon ni Roman. Huli na nang pinasabihan ang
Faculty Regent na inilipat sa College of Law ang lugar ng pagpupulong ng
BOR. At hindi sinabihan ang Student Regent na inilipat ang lugar ng pulong.
Malinaw na taktika ito ng administrasyong Roman upang magmistulang
"unanimous" ang pagbobotohan, gayung alam na alam na ng kaniyang pamunuan
na tutol ang dalawang rehente sa pagtataas ng matrikula at iba pang
bayarin.
Nakatatawa ring isipin na ginagaya ni Roman ang sikolohikal na taktika ng
kaniyang idolo't kachokarang si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Sa
kauna-unahang pagkakataon sa mahabang kasaysayan ng Lantern Parade sa U.P.,
hindi natuloy ang nasabing parada. Naglabas ang Executive Committee ng
administrasyon na nagkakansela ng naturang parada, diumano'y dahil raw sa
"takot na magkagulo at mawalan ng pag-aari ang U.P. dahil sa banta sa
seguridad ng mga raliyista." Ano raw? Noong Disyembre 14 pa lamang,
nakasagap na kami ng balita na pinulong ni U.P. Diliman Chancellor Sergio
Cao ang lokal na ahensiya ng seguridad sa U.P., at diumano'y humihingi pa
ng back-up mula sa Philippine National Police (PNP) dahil sa banta raw sa
seguridad. Ganitong-ganito ang mantra ng administrasyong Arroyo tuwing may
nakaambang protesta ang mamamayan -- naghahanda ang Armed Forces of the
Philippines (AFP) at PNP dahil nakakuha raw sila ng reliable tip na
magkakaroon ng "destabilisasyon," "banta ng terorismo" at iba pang
kamukhang senaryo. Pero tulad ng delusyong ito ng administrasyong Arroyo
ang delusyon ng administrasyon ni Roman. Malinaw na pananakot lamang ito,
at walang ibang nakinabang dito kundi ang kaniyang administrasyon.
Kung tradisyong makulay ang Lantern Parade bilang pagpapahayag ng
kasiyahan tuwing pagsapit ng Pasko, mas tradisyon ng Lantern Parade ang
maging lunsaran ng tradisyong protesta't progresibo. Tulad ng Oblation
March ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity, nalalangkapan ng pulitikal at
panlipunang isyu ang Lantern Parade. Ilang beses nang naging larang ito ng
panunudyo at pag-asinta sa mga anti-mamamayan at anti-estudyanteng
palisiya ng mga rehimeng lokal at pambansa at maging ng imperyalismo. Kaya
nang lumabas ang memo mula sa Executive Committe, nalungkot at nagalit ang
mga mamamayan ng komunidad ng U.P., laluna ang mga mag-aaral ng College of
Fine Arts na literal na ikinulong ng kanilang dekano at ilang mga propesor
sa kanilang mga klasrum. Kahit na nagpasiya na ang karamihan ng mga
mag-aaral ng Fine Arts (na gumastos ng humigit-kumulang P2,000 to P4,000
kada estudyante para sa kani-kanilang mga lantern), sinabihan sila ng mga
maka-Roman na guro na kung ipipilit nilang ituloy ang Lantern Parade ay
ibabagsak sila. Hinarang pa ng mga tusong gurong ito ang mga mag-aaral na
gustong magparada. Hinarangan ang tarangkahan ng kolehiyo, at humarang sa
mga pinto ng mga klasrum. Bitbit din ng maraming mag-aaral ng College of
Fine Arts ang pagtutol sa pagtaas ng matrikula.
Kung hindi ito malinaw na panlilinlang at pagsikil sa karapatan ng mga
miyembro ng komunidad ng U.P., baka tama ang Tang Grape na gawing violet
ang kulay ng Pasko at hindi ang nag-aalab na pula. Pula pa rin ang
pinakakulay ng pasko. Nakakuyom na pula! Sabi nga ni Student Regent Raffy
Sanchez sa kaniyang text message kay Roman matapos aprubahan ang TFI, "Masaya
na kayo?! Humanda kayo sa January!" Ayan, masaya ka na, Roman, may
ipangwawaldas ka na sa taunang paskong mahal sa U.P. dahil sa mga ilaw mo.
Sa susunod na Pasko, gawin mo nang krismas tree, lagyan mo ng maraming
burloloy at ilaw ang napakalaki mong buhok. Gastusin mo ang pagtataas ng
matrikula para sa pagkukulot mo ng katotohanan.
Inilathala ng
Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
|
|
|
|
|