TULA (POETRY)
Tatlong Retorika ng Pagkamakata
NI AXEL PINPIN*
Inilathala
ng Bulatlat
I. Pagkat May Dalang Halihaw ang Tula
Hindi humihingi ng paumanhin ang panulaan
Hindi nagpapasintabi, manapa'y nag-aalay
di lamang ng kulay
lumilikha ito ng buhay
na karanasan ng masa sa entabladong lupa
pagkat may dalang halihaw ang tula
di lamang kiliti
salaysay nito ang dalamhati
ng mga ginang at ginoong di nakakabigkas
ng tula
kaya't hindi mahika ang hated ng makata
di lamang pagkamangha
usal nito ang pagkaunawa
ng mga ale at mamasa hamonsa
pagba-banyuhay
dahil kung kagigiliwan lamang ang tula'y
anong saysay?
dili't palamuti
diwata sa guni-guni
ng matatakuting paslit na busog sa paksiw
ng ayungin
o ng obrerong mas pabigat sa tiyan ang
nilupak na saging
di tulad ng espasol
hatid nito'y hangin
Sa sikmura; kundiman pagtakap ng bibig sa
kawalang-lasa.
Pagka't may hatid na halihaw ang tula
di lamang sa diwa
bagkus ay sa praktika
II. Kapag Tumula ang Masa
Kapag tumula ang masa
agapan mo ang kanilang talinhaga.
Di bale na muna ang sukat
ngunit 'wag lilibsan ang tugmang maliligat.
Kagiliwan mo ang romansa,
laruin ang dulas ng awit at prosa
halukayin ang lalim;
may kahulugan pati ang kanilang tighim,
Dahil kapag tumula ang masa
bumabalong ang mga talata.
Kaya't aagapan mo ang kanilang
kabalintunaan,
rurok at imortalidad ng mga karanasan;
pagsasatao ng mga walang kaluluwa,
pagbibinyag, debate, pati litanya.
Punan mo ang mga pagitan ng mga linya
at 'wag kang pagagapi sa aliterasyon ng
dila.
Kapag tumula na ang masa,
damhin ang gaspang ng kanilang hininga,
dahil kapag tumula ang masa,
di sila naka-Barong Tagalog
at walang lawrel sa tuktok.
Kaya't higit na mahalaga ang retina,
pang-amoy, pandama, duda,
dahil kapag tumula ang masa,
marani'y hindi sila nagsasalita.
III. Ang Mapahiya at Magyabang
Sino ba ang hindi mahihiya
kung pagtaasan ka ng kilay at pagkibitan
ng balikat
ng kapwa mo makata?
Dahil ang tula mo ay kapos sa saliw
aliw
aliw-iw
at di nagmamaliw
na pagkabaliw sa teknika
Sino ba ang di magyayabang
kung pagtaasan ka ng kamao at matapik sa
balikat
ng pinaglingkuran mong magsasaka?
Dahil ang tula mo ay apaw sa awit
galit
at dalit
ng naghihimagsik
na katuturan ng praktika
Inilathala ng Bulatlat
*Si Axel Pinpin ay
kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio,
Aristedes Sarmiento, Enrico Ybańez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga
pulis at military noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga
“rebeldeng komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp
Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging
fellow siya para sa tula ng UP National
Writers Workshop noong 1999.
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.