This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 12, April 29-May 5, 2007
Pahayag
sa Pagtanggap ng Gawad Marcelo H. del Pilar Maraming
manunulat mula sa aming henerasyon ang nagsikap at nagsakripisyo, buhay man ang
kapalit, sa pagsusulong ng pakikibaka at ng kanilang panulat. Marami rin ang
nabigo. May mangilan-ngilang hindi na nga natuto’y ipinagpaparangalan pang ang
kanilang panitikan ay sadyang sumasalungat sa “mahabang tradisyon ng panlipunang
pakikisangkot ng panulaang Filipino.” NI
GELACIO GUILLERMO* Sa pagsusuma ng aking nagawa sa larangan ng
makabayang panitikan sa loob ng halos 50 taon, na sa tantya ng mga opisyal at
kasapi ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ay sapat na para
parangalan ako sa pamamagitan ng Gawad Marcelo H. del Pilar, kinukumpirma ang sa
kanilang pasya’y ambag ko sa pagsusulong ng panitikang nagsusulong sa pakikibaka
ng mamamayan para sa isang makatarunga’t malayang lipunan. Kapurit man ang aking nagawa, ikinatutuwa
kong ang pagkilala ay magmula sa hanay ng mga militanteng kabataang peryodista
at manunulat na aking hinahangaa’t sa pana-panaho’y nakakapanayam sa kanilang
mga palihan. Isa pang dahilan ng aking tuwa ay ang pag-uugnay ng kabuluhan ng
aking hamak na nagawa sa mga dakilang gawa ng naunang mga makabayang
propagandistang tulad ni Marcelo H. del Pilar. Pinasisigla ako ng mga ito para
magpursigi pa sa aking gawain. Hindi naging madali para sa aming kabilang
sa unang henerasyon ng mga manunulat na pumaloob sa kilusang
pambansa-demokratikong bagong tipo ang iakma ang aming panulat, paraan ng
pag-iisip at paggawa, at istilo ng pamumuhay sa pangangailangan ng isang bago’t
mapagbagong kilusang masa sa pangunguna ng mga manggagawa at magbubukid. Batbat
ng pagpapahalagang hanggang ngayo’y pinaiiral ng mga naghaharing uri,
kinailangang muli kaming dumaan sa isang matagalan, sa katunaya’y panghabambuhay,
na edukasyon para ang aming abang likha’y makapaglingkod sa pakikibaka ng masang
anakpawis. Maraming manunulat mula sa aming henerasyon
ang nagsikap at nagsakripisyo, buhay man ang kapalit, sa pagsusulong ng
pakikibaka at ng kanilang panulat. Marami rin ang nabigo. May mangilan-ngilang
hindi na nga natuto’y ipinagpaparangalan pang ang kanilang panitikan ay sadyang
sumasalungat sa “mahabang tradisyon ng panlipunang pakikisangkot ng panulaang
Filipino.” Kayong kabilang sa ikalawang henerasyon ng
mga makabayang peryodista’t manunulat, marami-rami na rin ang inyong
maipagmamalaki at mapaghahanguan ng mahahalagang karanasan at aral, at totoong
higit na marami pa ang dapat dumaan sa pagkatuto sa buhay at pakikibaka ng
masang anakpawis. Hindi ko palalampasin ang ironya ng
sitwasyon. Tinatanggap ko ang Gawad sa mismong sentro ng pagsusulat batay sa
panuntunan ng New Criticism, na ang pinakabuod ay ang pagbaklas sa ugnayan ng
panitikan at pulitika (na isang layuning pulitikal) at ang pagdidiin sa
panitikan bilang belles-lettres sa halip na isang praktikang panlipunan.
Kapuri-puri ang kapangahasan ng CEGP sa pag-uk-ok sa makapal na pader ng
reaksyon sa pulitika, peryodismo at panitikan! Tinatanggap ko rin ang Gawad sa panahong ang
pandarahas ng rehimeng Estados Unidos-Arroyo laban sa mamamayang kumikilos para
sa kanilang karapatang itayo ang isang lipunang makatarungan at malaya ay walang
katulad sa ating kasaysayan makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalong
sinususugan ang dahas-pang-estadong ito ng imperyalistang globalisasyon at ng
batas laban sa terorismo batay sa doktrinang pandaigdig ng Estados Unidos.
Ngunit natuto nang manindigan at lumaban ang
mamamayan, at kasama nila ang mga peryodista’t manunulat na mapagsiwalat ng
katotohanan. Kasama nila ang mga kabataang peryodista’t manunulat na pinauunlad
ng CEGP sa gitna ng pakikibaka ng sambayanan. Muli, maraming salamat sa CEGP sa Gawad
Marcelo H. del Pilar. Padayon! Inilathala ng Bulatlat Silliman University, 16 Abril 2007 *Si Gelacio Guillermo ay naging patnugot
sa panitikan ng Philippine Collegian, opisyal na
pahayagang pangmag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas(UP), noong 1963-64. Naging
guro siya ng panitikan sa UP Los Baños at Diliman, gayundin sa Mapua Institute
of Technology at University of the East (UE). Makata at kritiko, may-akda siya
ng mga aklat na Azucarera at Ang Panitikan ng Pambansang Demokrasya,
at patnugot naman ng mga antolohiyang MUOG: Ang Naratibo ng Matagalang
Digmang Bayan sa Kanayunan at STR, Mga Tula ng Digmang Bayan. Siya ang
nagsalin sa Pilipino ng Prison and Beyond,
antolohiya ng mga tula ni Jose Maria Sison. Nag-iisa siyang Pilipinong
napabilang sa talaan ng pinakamahuhusay na makata sa mundo sa Poezie Centrum na
inilabas ngayong taon -- kahanay nina Pablo Neruda, Emily Dickinson, at Bob
Dylan. Isinilang siya noong 1940 sa Hacienda
Luisita, kung saan siya lumaki’t naging manggagawa nang kanyang kabataan. © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Inilathala ng Bulatlat