Pahayag sa Pagtanggap ng Gawad Marcelo H. del Pilar
Maraming manunulat mula sa aming henerasyon ang nagsikap at nagsakripisyo,
buhay man ang kapalit, sa pagsusulong ng pakikibaka at ng kanilang panulat.
Marami rin ang nabigo. May mangilan-ngilang hindi na nga natuto’y
ipinagpaparangalan pang ang kanilang panitikan ay sadyang sumasalungat sa
“mahabang tradisyon ng panlipunang pakikisangkot ng panulaang Filipino.”
NI
GELACIO GUILLERMO*
Inilathala ng Bulatlat
Sa pagsusuma ng aking nagawa sa
larangan ng makabayang panitikan sa loob ng halos 50 taon, na sa tantya ng
mga opisyal at kasapi ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)
ay sapat na para parangalan ako sa pamamagitan ng Gawad Marcelo H. del
Pilar, kinukumpirma ang sa kanilang pasya’y ambag ko sa pagsusulong ng
panitikang nagsusulong sa pakikibaka ng mamamayan para sa isang
makatarunga’t malayang lipunan.
Kapurit man ang aking nagawa,
ikinatutuwa kong ang pagkilala ay magmula sa hanay ng mga militanteng
kabataang peryodista at manunulat na aking hinahangaa’t sa pana-panaho’y
nakakapanayam sa kanilang mga palihan. Isa pang dahilan ng aking tuwa ay
ang pag-uugnay ng kabuluhan ng aking hamak na nagawa sa mga dakilang gawa
ng naunang mga makabayang propagandistang tulad ni Marcelo H. del Pilar.
Pinasisigla ako ng mga ito para magpursigi pa sa aking gawain.
Hindi naging madali para sa aming
kabilang sa unang henerasyon ng mga manunulat na pumaloob sa kilusang
pambansa-demokratikong bagong tipo ang iakma ang aming panulat, paraan ng
pag-iisip at paggawa, at istilo ng pamumuhay sa pangangailangan ng isang
bago’t mapagbagong kilusang masa sa pangunguna ng mga manggagawa at
magbubukid. Batbat ng pagpapahalagang hanggang ngayo’y pinaiiral ng mga
naghaharing uri, kinailangang muli kaming dumaan sa isang matagalan, sa
katunaya’y panghabambuhay, na edukasyon para ang aming abang likha’y
makapaglingkod sa pakikibaka ng masang anakpawis.
Maraming manunulat mula sa aming
henerasyon ang nagsikap at nagsakripisyo, buhay man ang kapalit, sa
pagsusulong ng pakikibaka at ng kanilang panulat. Marami rin ang nabigo.
May mangilan-ngilang hindi na nga natuto’y ipinagpaparangalan pang ang
kanilang panitikan ay sadyang sumasalungat sa “mahabang tradisyon ng
panlipunang pakikisangkot ng panulaang Filipino.”
Kayong kabilang sa ikalawang
henerasyon ng mga makabayang peryodista’t manunulat, marami-rami na rin
ang inyong maipagmamalaki at mapaghahanguan ng mahahalagang karanasan at
aral, at totoong higit na marami pa ang dapat dumaan sa pagkatuto sa buhay
at pakikibaka ng masang anakpawis.
Hindi ko palalampasin ang ironya ng
sitwasyon. Tinatanggap ko ang Gawad sa mismong sentro ng pagsusulat batay
sa panuntunan ng New Criticism, na ang pinakabuod ay ang pagbaklas sa
ugnayan ng panitikan at pulitika (na isang layuning pulitikal) at ang
pagdidiin sa panitikan bilang belles-lettres sa halip na isang
praktikang panlipunan. Kapuri-puri ang kapangahasan ng CEGP sa pag-uk-ok
sa makapal na pader ng reaksyon sa pulitika, peryodismo at panitikan!
Tinatanggap ko rin ang Gawad sa
panahong ang pandarahas ng rehimeng Estados Unidos-Arroyo laban sa
mamamayang kumikilos para sa kanilang karapatang itayo ang isang lipunang
makatarungan at malaya ay walang katulad sa ating kasaysayan makaraan ang
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalong sinususugan ang dahas-pang-estadong
ito ng imperyalistang globalisasyon at ng batas laban sa terorismo batay
sa doktrinang pandaigdig ng Estados Unidos.
Ngunit natuto nang manindigan at
lumaban ang mamamayan, at kasama nila ang mga peryodista’t manunulat na
mapagsiwalat ng katotohanan. Kasama nila ang mga kabataang peryodista’t
manunulat na pinauunlad ng CEGP sa gitna ng pakikibaka ng sambayanan.
Muli, maraming salamat sa CEGP sa
Gawad Marcelo H. del Pilar. Padayon! Inilathala ng Bulatlat
Silliman University, 16 Abril 2007
*Si Gelacio Guillermo ay naging
patnugot sa panitikan ng Philippine Collegian,
opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas(UP), noong
1963-64. Naging guro siya ng panitikan sa UP Los Baños at Diliman,
gayundin sa Mapua Institute of Technology at University of the East (UE).
Makata at kritiko, may-akda siya ng mga aklat na Azucarera at
Ang Panitikan ng Pambansang Demokrasya, at patnugot naman ng mga
antolohiyang MUOG: Ang Naratibo ng Matagalang Digmang Bayan sa
Kanayunan at STR, Mga Tula ng Digmang Bayan. Siya ang nagsalin
sa Pilipino ng Prison and Beyond, antolohiya
ng mga tula ni Jose Maria Sison. Nag-iisa siyang Pilipinong napabilang sa
talaan ng pinakamahuhusay na makata sa mundo sa Poezie Centrum na inilabas
ngayong taon -- kahanay nina Pablo Neruda, Emily Dickinson, at Bob Dylan.
Isinilang siya noong 1940 sa
Hacienda Luisita, kung saan siya lumaki’t naging manggagawa nang kanyang
kabataan.
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.