Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VI, No. 50      Jan. 21 - 26, 2007      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

   

TULA (POETRY)

Kapirasong Dugo (Alay sa mga Nanay at Tatay)

 

NI AXEL PINPIN

Inilathala ng Bulatlat

 

I.                 Paano Binuo?

Pingkian ng pawisang katawan

habol ang halinghing ng digmaan

habang tinitiis ang gabing maalinsangan

at nang ang kapirasong dugo

ay hulmahin ng ulos at tuluyang mabuo.

Ito ang bunga ng inyong pagmamahalan

(At magkaminsan ay pagbubuntalan)

na may sangkap ng indayog ng balakang

at pagsasanib ng likidong hininga

ng nagsusuyuang sasapnan at sinapupunan.

Hindi ninyo iniinda ang pagod

mula sa maghapong pagkayod

dahil ang tanging nasa ng isipan. . .

mamaalam ang dalaw at obaryo’y mapunlaan.

 

II.             Paghihintay

Siyam na tatlumpung pagsikat at paglubog ng Haring Araw

Ang ipinag-alala, ikinaligalig, ikinabagabag, at ipinaghintay.

Inaalagaan, ipinagnu-nobena, pinaasiman at sa bitamina’y sinusuplementahan.

Pinakikiramdaman ang mumunting sikad at ipinagsusulsi ng baru-baruan

Ang nakakasabik na paghalik ng liwanag sa may bahid-laman n’yang balat.

At sa nakakainip na paghihintay ng pagkalagas

ng kumukupas, kumukupis na dahon ng kalendaryo,

ang kapirasong dugo ay nagpanibagong-anyo.

Hindi na lamang dugo – may kaluluwa, may laman at may buto.

 

III.         Mga Pangarap (Unang Bahagi ng mga “Sana”)

Sana’y maging inhinyero at magaling mag-Ingles

kailangang-kailangan ito sa mga bansang Middle East

Sana’y maging nars o doctor, o doctor na naging nars

upang syang gumamot sa inyong alta-presyon

Sana’y maging politiko, pinuno ng nasyon

Sana’y maging abogado, eksperto sa pagnonotaryo.

Sana’y maging pulis, sikat at laging laman ng dyaryo

Sana’y matupad itong pangarap at engrandeng balak

dahil di nais na kung saan lang masadlak

itong magiging pambato at paboritong anak.

Sana’y di magbubukid na bubungkal sa lupa

Sana’y di maging karpintero na sa mga pagawaa’y bubuo

Sana’y di obrero na laging madungis at mabaho

Sila ay mga amoy anak-pawis na nga ay hindi pa tanyag at martsang-langgam sa lansangan ng mga tiyang humpak.

 

IV.           Ang Pagdatal

Sumapit na ang oras na pinakaaasam

Paghihirapan, pagtitiisan ang tila Mayo Uno ng buhay

Iiiri, iiirap, ititiim, ibubukaka, halos matuyuan ng laway

Habang ikaw na nakapantalon ay nakapamay-awang

Sintayog na ng Smokey Mountain ang beha sa paghihintay

Ikaw man ay parang maiihi, mapapatai rin,

Kinakabahang tulad ng kabiyak, pinagpapawisan nang butil-butil.

Panalangin mo na sa mga misteryo ni Inay Mariang Magnificat

na sana’y sa pagitan ng hita lumabas at di sa tiyan

dahil malaking banta sa inyo ang gastos, strech mark at binat.

Operasyon . . .

Lagitikan ng gunting na pagulong-gulong

Sa pawisang gwantes na panay ang urong sulong

Walang pampangimay na sa kanya ay tumulong

heto’t hawak na ang natutunaw na sinulid at karayom.

Hay! Santo Niñong matibay! Hayun at nalagpasan

ang inahit na makipot na sipit-sipitan

nitong animo’y dagang bagong silang.

 

V.               Ang Pag-aalaga…(Ikalawang Bahagi ng mga “Sana”)

Sana’y ang pagkakakita ng liwanag

ay maging tanglaw sa karimlan.

Sana’y ang unang uha ay mga salitang matalinhaga

at sigaw ng katotohanan.

Sana’y ang pinutol na pusod na isinabit sa kisame

ay mag-akyat sa dingding ng maraming plake

Sana’y inunan ay maging unan ng Bayan.

Sana’y ang munting hininga.

Sana’y ang pinahid na lamad at dugo

ay handing ibuwis upang ang lipuna’y mabuo.

Sana’y ang donselya pang isipan na tulad ng matabang punlaan ay hindi mahasikan nitong binhi ng kapalaran.

At harinawa’y di magmana sa palasyong ugat ng kabuktutan.

 

Revised: 03January2007/1335/CVL

Unang isinulat: 20May’94/Nas, Bats

 

Inilathala ng Bulatlat 

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

© 2007 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.