This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. V, No. 44, December
11-17, 2005
culture
Ibahin ang Paksa? Ang
halaga ng tula ay sinusukat sa sugpungan ng rebolusyong pangkultura at sistemang
malakolonyal at malapyudal, ng rebolusyong pangkultura at digmang bayan, ng
rebolusyong pangkultura at sosyalistang konstruksyon; sa maikling salita, sa
sugpungan at ugnayan ng kultura at pulitika. At alam na natin kung alin ang
mapagpasya.
BY Gelacio Guillermo Sa pandaigdigang
kumperensya tungkol sa globalisasyon at terorismo na inisponsor ng National
Council of Churches of the Philippines noong 2002, sinabi ng isang progresibong
Amerikanong intelektwal na sa pamamagitan ng gera laban sa terorismo, tangka ng
Estados Unidos na “ibahin ang paksa.” Anya: “Sa halip na mag-usap tungkol sa
hustisyang panlipunan at pang-ekonomiko at kung paano itayo ang pandaigdigang
pakikipagkapatiran sa mahihirap at dinudusta, ang mga gobyerno sa daigdig ay
hinihila sa krusada laban sa masasamang gobyerno, yaong itinuturing ng White
House na mga rehimeng hindi katanggap-tanggap. Ang ibig sabihin nito, ang
pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay kailangang maging pakikibaka rin
laban sa pagpapatindi ng militarisasyon at paggamit ng dahas para ipataw ang
isang bagong kaayusang pandaigdig na nasa kontrol at gabay ng Estados Unidos.”
(William K. Tubb, “Globalisasyon: Pagkamkam sa Yaman at Kapangyarihan ng Mundo”) Sa ating bansa, ang
“pag-iiba ng paksa” ay nangangahulugan hindi lamang ng pagtalikod kundi ng
pursigidong pagdurog ng mga naghaharing uri sa mga pambansa at demokratikong
kahilingan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng Medium-Term Development Program (MTDP)
(1993) na inilatag ng noo’y Presidenteng Fidel Ramos, sinasagkaan ang panawagan
para sa pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa (“makitid na
nasyunalismo” ang turing in Ramos sa panawagn) para ipa-lapa ang pambansang
ekonomya sa imperyalistang globalisasyon. At ikalawa, sa pag-apruba ng Visiting
Forces Agreement (VFA) at ACSA ng rehimeng Joseph Estrada noong 1999, ng Mutual
Logistics Support Agreement (MLSA) noong 2002 at ng Anti-Terror Bill sa malapit
na hinaharap bilang pagsunod ng rehimeng Arroyo sa doktrina ng Estados Unidos,
mangangahulugan ng direktang panghihimasok ng mga Amerikanong militar at ng
Coalition of the Willing sa gerang sibil o pambansang kilusang mapagpalaya sa
ngalan ng imperyalistang gera laban sa terorismo. Ibinabadya ito sa
pagkakategorya kay Jose Ma. Sison at ng PKP/BHB bilang mga “foreign terrorist
organization/individual” ng State Department, at sa paglilista ng mga
militanteng organisasyong masa, party list at NGOs bilang kaaway ng estado sa
video documentary, “Know your Enemy” (2004), na inihanda ng Armed Forces of the
Philippines bilang gabay sa pagkilos ng mga pwersa nito laban sa naturang mga
organisasyon at indibidwal. Ang Paksang
Pambansa-Demokratikong Bagong Tipo Mahigit 40 taon na nang
itakda ng rebolusyonaryong kilusan ang paksa o programa o adyenda para sa
pundamental na pagbabago sa ating lipunang malakolonyal at malapyudal. Ang
pagharap sa ganitong paksa ang ikinaiba nito sa mga kilusang rebisyonista at
reaksyunaryo at sabihin pa’y sa lahat ng instrumento ng kapangyarihang pang-estado
at ng naghaharing sistema. Mula’t sapol at hanggang sa kasalukuyan, ang
pagsusulong sa paksa ay hindi isang madaling gawain dulot ng maraming
kadahilanan; sapat nang sabihing ang mga sagkang ito ay hindi lang mula sa labas
ng kilusan kundi maging sa loob nito, tulad ng paglihis sa batayang linya at
malalaking kamaliang nakapinsala sa takbo nito noong dekada otsenta ng nakaraang
siglo. Gayunman, noong taong nakaraan (2004), buong kumpyansang ipinahayag ng
pamunuan ang pag-iral ng “the other government” sa mismong tungki ng ilong ng
kaaway. Ang kawastuhan at
kahalagahan ng paksa ng rebolusyong pambansa-demokratiko at kasunod na
rebolusyong sosyalista para sa mamamayan ay pinatutunayan araw-araw sa kanilang
buhay at pakikibaka sa ilalim ng nangakaraang rehimen at kasalukuyang rehimeng
US-Arroyo. Sukatan ang matatag, malalim at malawak na pag-unlad ng digmang bayan
at hayag na kilusang masa sa lunsod at nayon ng kanilang paglahok at pagsuporta
sa rebolusyong pulitikal. Rebolusyong Pangkultura Ang rebolusyong pulitikal
ay praktika ng pag-agaw sa kapangyarihang pang-estado para pagsilbihin sa
pagsusulong ng interes ng mamamayan sa lahat ng larangan ng paggugubyerno at
buhay panlipunan. Kaagapay nito at may sariling kaangkinan ang rebolusyong
pangkultura. Sa karanasan ng kilusang pambansa-demokratikong bagong tipo,
inumpisahan ang rebolusyong pangkultura sa anyo ng kilusang propaganda bago pa
man ilunsad ang rebolusyong pulitikal sa anyo ng matagalang digmang bayan, at
nagpapatuloy at nakapakat sa kondukta ng digmang bayan at hayag na kilusang masa
na kaipala’y hindi nawawala ang kaangkinan ng rebolusyong pangkultura bilang
isang malawakang kilusan sa buong lipunan sa loob at labas ng organisadong
pormasyon. Totoong kumplikado ang rebolusyong pangkultura batay sa teorya at
praktika nito sa dating Unyong Sobyet at dating sosyalistang Tsina, kung kaya
marahil ipinanukala ni Sison sa kanyang artikulo, “Ang Ating Tindig tungkol sa
Sosyalismo” (1992) na masinsing pag-aralan ang proyektong ito dito at sa ibang
bansa. Para sa layunin ng
talakayang ito, sapat nang tiyakin ang katangian ng rebolusyong pangkultura
sang-ayon sa praktika ng rebolusyonaryong kilusan, una, bilang instrumento sa
paghahanda sa kalooban ng mamamayan para sa pagbabago at maging bahagi ng
pakikibaka tungo sa pagbabagong ito. Ikalawa, sa mauunlad na lugar sa mga
larangang gerilya, kung saan nakatatag na ang mga lokal na organo ng
kapangyarihang pulitikal ng mamamayan, tungkulin ng rebolusyong pangkultura ang
pag-aayon ng kalagayang suhetibo o ang paraan ng pagtingin sa realidad, at ng
kalagayang obhetibo, o ang pagbabagong material sa kapaligiran. At ikatlo, sa
isa namang mas malawak na pagtingin, ang rebolusyong pangkultura ay ang
suhetibong proseso ng pagbaklas sa mga gawing burges at pyudal para tanggalan ng
suportang kultural ang lumang kaayusan sa ekonomya at pulitika. Halimbawa nito
ang tinatawag ng mga makata ng KM 64 na “pagdurog sa pader ng kabulaanan” (Manipesto
2004) Panulaang Progresibo,
Rebolusyonaryo Nakapusisyon ang progresibo
at rebolusyonaryong panulaan bilang partikular na aksyong pangkultura sa anumang
antas ng pagpapahalaga sa rebolusyong pangkultura. Taglay ng seksyong ito ng
panulaang Pilipino ang paksa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya mula pa
noong dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan sa harap ng mga pagbabago sa
timbangan ng rebolusyon at kontrarebolusyon at sa pangkalahatang kalagayan sa
pulitika, ekonomya at kultura ng lipunan. Tulad ng mga nauna, ang mga bagong
makata ay mula sa hanay ng mga kadre, Pulang mandirigma, organisadong manggagawa
at magbubukid, kabataang aktibista, at kaalyado mula sa panggitnang pwersa.Ang
kanilang mga likha ay nalilimbag sa mga sentral na publikasyon ng kilusan at
pahayagang masa sa rehiyon, sa mga tsapbuk, polyeto, website at blog at sa mga
seksyong pangkultura ng mga alternatibong ahensya sa pagbabalita. Malaganap ang
paggamit ng Pilipino at mga wika sa rehiyon, samantalang mangilan-ngilan na
lamang ang mga tulang nasusulat sa Ingles. Binabasa nila ang kanilang mga tula
sa mga pagtitipon, halimbawa’y sa mga piketlayn, rali at iba pang pagtitipon.
Sa ilang hayag na babasahin, hindi na kakatwa ang pagsasama-sama ng mga tula
mula sa mga sonang gerilya at kalunsuran, ng mga organisado at di organisado, at
paminsan-minsa’y ng mga kabataan at matatandang makata. Ang porma ng mga tula’y
maaaring sa malayang taludturan o may tugma’t sukat, may parikala o wala,
humihiyaw o mapaglimi. Ginagamit nila ang kolektibong pagsusulat tulad ng
rengga (Indonesia) o ang kaparaanan ng pangkaraniwan nilang gawain, tulad ng
pagtuturo ng alpabeto o political economy o ng pagtatala ng datos sa panlipunang
pagsisiyasat. Sa mga makabayang makatang
nakabase sa lunsod, katangi-tangi ang mabilis nilang pagtugon sa maiinit na
usaping hinaharap ng mamamayan sa araw-araw. Katulong sa pagbubuo ng kanilang
mga tula ang mga impormasyong nakakalap sa masmidya, sa mga organisasyong
pulitikal, pagmamasid sa kapaligiran at sa kanilang sariling karanasan sa
pagkilos. Dagdag na init sa damdamin at pagkilos ang kanilang mga tula sa
malawakang mga kampanya sa mga unang taon ng siglong ito, tulad ng kampanya
laban sa pambobomba at okupasyon sa Iraq ng mga pwersang militar ng Estados
Unidos at ng Coalition of the Willing, kasama na ang Pilipinas; sa pamamaslang
ng mga lider at kasapi ng mga militanteng organisasyon at unyon ng mga
manggagawa at magbubukid (tulad ng sa Nestle at Hacienda Luisita), at mga
peryodistang nagsisiwalat ng katotohanan; sa ilihitimong paghahari ni Gloria
Arroyo; sa gang rape sa isang Pilipina ng mga sundalong Amerikano sa Subic, at
sa VFA na muling nagbibigay-laya sa mga dayuhang sundalo na yurakan ang
pambansang soberanya; sa imposisyon ng E-VAT, at iba pang mga problemang
iniuugat sa pamumuno ni Arroyo. Tugong Taktikal ng
Panulaan Ang ganitong pagtugon ay
maaaring tawaging TPR (Tactical Poetry Response o tugong taktikal ng panulaan)
sapagkat umaayon sa layunin ng mobilisasyon ng mga pwersa sa aktwal na kampanya.
Ang panulaang ito ay nakaakma sa aksyong masa, diretso sa paksa at panawagan,
palasak at malawak ang mga imahen, idea, damdamin at diwa. Pangunahing
halimbawa nito ang matatawag na mga tula ng lansangan sa lunsod at nayon, tulad
ng “Kalatas sa Nag-uumulul na Tanda ng mga Panahon” ni Noel Sales Barcelona para
sa kampanyang “Oust Gloria,” at ng “Mga Bukas na Liham sa Hacienda Luisita” ni
Alexander Martin Remollino para sa kampanya ng mga manggagawa at magbubukid sa
Hacienda Luisita. May iba rin namang mga katangian ang ibang mga tula sa TPR,
tulad ng pamamayani ng ironya sa mga tula in Rustum Casia (“Posterized,” “Luisita”)
at Ronalyn Olea (“Hacienda Luisita”), o ng pagkonsentra sa isang detalye sa
“Masaker” ni Usman Abdurajak Sali, o ng malawig na pagbubuo ng parikala sa “Mga
Paru-paro sa Azucarera” ni Kristian Cordero. Tugong Istratehiko ng
Panulaan Ang isa pang tipo ng
pagtugon ay maaaring tawaging SPR (Strategic Poetry Response o tugong
istratehiko ng panulaan). Ang mga tula sa kategoryang ito ay tumutugon sa
pangangailangan ng malawakan at matagalang paghahanda at pagpapaunlad ng lahat
ng pwersa para tiyakin ang kaligtasan at tagumpay ng kilusan. May kagyat na mga
okasyong nakapaloob sa malalaking proyekto tulad ng armadong pakikibaka,
rebolusyong agraryo, paggugubyerno, o hayag na kilusang masa, o kaya’y mga
okasyon sa pagdiriwang sa mahahalagang araw ng kilusan, o kaya’y sa pulong-masa,
iskuling, kasalan, luksang-parangal, sesyon sa pagpuna-at-pamumuna-sa-sarili at
iba pa. Nagbibigay-daan ang mga okasyong ito para makalikha ng mga tulang ang
kahalagaha’y lumalampas sa pangangailangan ng partikular na okasyon at
mangyaring may paulit-ulit na paggamit sa mahaba-habang panahon. Alam natin ang nilalaman at
porma ng ganitong panulaan mula pa sa umpisa: ito ang mga tula nina Andres
Bonifacio, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez, Jose Ma. Sison, Wilfredo
Gacosta, Emmanuel Lacaba at iba pa, mga tulang hanggang ngayo’y nananatiling
makahulugan para sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan. Ang ganitong mga
tula ay nakatuon sa pagpapatatag at pagpapalawak ng mga pwersa para sa
matagalang pakikibaka. Sa kasalukuyang siglo, mababanggit ang mga bagong likha
sa nayon at lunsod, tulad ng “Binabago ng Partido ang Lahat” ni Ka Dario, ang
“Paglingkuran ang Sambayanan” ni Ka Joven o ang “Tres/Otso sa Ikatatlumpu” ni
Mario Ruso. Ang iba namang tula ay
nakabatay sa indibidwal na karanasan at pagmumuni-muni ng mga makata.
Karaniwa’y likha ng mga pwersa mula sa uring burgis at petiburgis: matalas ang
pakiramdam sa kanilang bagong kapaligiran at karanasan, laging handang matuto at
magbago at sa tuwina’y sinusukat ang sukdulan ng kanilang pagmamahal at
paninindigan. Nasa kategoryang ito ang mga tulang “Pag-aaral sa Oras,” “Ang
Pakikipagkamay” at “Wika” ni Ting Remontado, ang “Tula’t Awit” at “Pasalubong”
ni Sonia Gerilya, ang “Datos ng Buhay” ni May Amor, at ang “To my first-born” ni
Ka Pinay; at sa kalunsuran, ang simponya ng pamimighati at pananagumpay, ang
“Kasama” ni Oliver Ortega. Isinasama rito bilang
eksibit ang teksto ng dalawang tula, ang “Walang Pag-aari” ni Sikhay Laya at
“Datos ng Buhay” ni May Amor bilang halimbawa ng SPR. Kapwa sila tungkol sa
pag-aaral/pagtuturo sa hanay ng mga manggagawa at magbubukid, mga tulang
naglalarawan ng pedagodyi at pagsusuring panlipunan para sa edukasyon at
pagkilos ng mga uring api para sa isang maaliwalas na kinabukasan. Sa labas ng paradaym ng TPR
at SPR ay umiiral ang dalawang uri ng panulaan. Sa isang dulo ay ang
misterium tremendum ng panulaang hermetiko, at sa kabilang dulo naman ay ang
mga tulang sumasalipawpaw sa sub specie aeternitatis! Patay na ang Panulaan? Noong Agosto 24 ng taong
nakaraan (2004), sa isang simposyum para sa Buwan ng Wika tungkol sa panulaang
Filipino na itinaguyod ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
at Oragon Poets Circle, sinabi ng panauhing tagapagsalitang Fidel Rillo na patay
na ang kontemporaryong panulaan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Sinang-ayunan ito ni Virgilio Almario, at sinisi ang mga kritiko dahil hindi
nila ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang tagapamagitan sa makata at
odyens. Marahil, ang ganitong
panggugulantang ay isa lang probokasyon dahil sila mismo’y sikat na mga makatang
patuloy na naglalabas ng kanilang obra. Hindi naman siguro lingid sa kanila,
halimbawa, na noong 2002, ilandaang makatang Amerikano ang nagsumite ng
ilanlibong tula sa US Congress na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa
pambobomba at okupasyon ng kanilang gobyerno sa Iraq. Sa ating bayan, hindi rin
kaila sa kanila ang ilandaang tulang nalikha, nalimbag at naitanghal bilang
ambag sa mga kampanyang masa (na sa ilang pagkakataon kamakailan ay nilahukan
nila). Noong 2002, 2003 at 2004, idinaos ang malalaking pagtatanghal tungkol sa
buhay at panulaan nina Amado V. Hernandez at Jose Ma. Sison. Noong 2002,
pinamunuan mismo ni Almario ang Asia-Pacific Conference-Workshop on Indigenous
and Contemporary Poetry bilang pagkilala sa umiiral na panulaan sa rehiyon.
Pero sa hindi sinasadya’y
natukoy nila ang isang epekto ng rebolusyong pangkultura, na walang iba kundi
ang unti-unting pagpawi ng mga gawi sa pag-iisip at pagkilos na humahadlang sa
pagsusulong ng mga pagbabago sa lipunan. Tinangkang salungatin ni Almario ang
ganitong pagsulong ng rebolusyong pangkultura noong 1982 (“Ang Makata sa Albanya:
Isang Pagsusuri sa Tulang Makabansa”) at inulit noong 2000 (“Kapag Isinangkot
ang Pagtula: Ang Panulaang Filipino tungo sa Bagong Milenyo”). Sa panulaang
Pilipino, si Almario ang tagabandila ng “pag-iiba ng paksa.” Hindi lang iyan:
siya ang pangunahing tagatuligsa ng kasalukuyang panulaang bahagi ng
tinatalikuran/pinagtataksilan niyang “mahabang tradisyon ng panlipunang
pakikisangkot ng panulaang Filipino.” Ano ba ang halaga ng tula
sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong
Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo
Galeano, na nagwika: “Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang
ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog. Sa palagay ko, isa ring
kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.” Ang halaga ng tula ay
sinusukat sa sugpungan ng rebolusyong pangkultura at sistemang malakolonyal at
malapyudal, ng rebolusyong pangkultura at digmang bayan, ng rebolusyong
pangkultura at sosyalistang konstruksyon; sa maikling salita, sa sugpungan at
ugnayan ng kultura at pulitika. At alam na natin kung alin ang mapagpasya.
Ganito, sa palagay ko, ang ibig iparating ng rebolusyonaryo-makatang Ting
Remontado sa kanyang awit:
Kaya nga’t buhay mismo ay alay
Di lang luha, sigaw, tula at
awit
Himala at pangako’y wala ang
langit
Sa harap ng dahas buhay
makakamit
Kaya nga’t alay mismo ang buhay
Ngayo’y di na kaila sa akin kung
bakit
(“Dahil”)
Posted by Bulatlat
Binasa noong 18 Nobyembre 2005 sa “Asintado: Ang
Makata sa Panahon ng Krisis” sa Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center.
Inisponsor ang simposyum ng KM64.
Ang mga tulang binanggit ay matatagpuan sa:
Ulos, Antolohiang 40: Mga tulang alay
sa mga martir na kabataan, tsapbuk at manipesto ng KM 64, at Anahaw,
mga tula, salin at awit nina Sonia Gerilya at Ting Remontado. © 2005 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Ang
Kasalukuyang Panulaang Makabayan
sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon
Posted by Bulatlat