Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts Volume IV, Number 8 March 21 - 27, 2004 Quezon City, Philippines |
Commentary
in Filipino: There
are articles better written in the national language (Filipino) especially when
the objective is to analyze signs and symbols in the struggle for change and the
dichotomy of light and darkness amid turbulent times. Ni
DANILO ARAÑA ARAO
Light
against darkness of war: Photo by Arkibong Bayan Bandang alas-seis ng gabi noong Marso 19, hindi nagpasakop sa gabi ang may 100 estudyante, guro at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City. Sa pagsisindi ng kandila bilang pag-alala sa paglusob ng Estados Unidos sa Iraq isang taon na ang nakalipas, pansamantalang nagambala ang kadiliman para ipakita ang ilaw ng katotohanan. Simboliko
ang mga kandilang sinindihan para alalahanin ang mga nasawi sa giyera ng
agresyon ng Estados Unidos at ang global na manipestasyon ng hegemonya sa
kasalukuyang panahon. Habang
nakasindi, may ilang kandilang inilagay sa may damuhan para ipakita ang mga
katagang “No to War.” Sa pamamagitan ng mga kandila, malinaw na naihatid ang
mensahe ng okasyong ginanap sa Sunken Garden. Sa
kabila ng unti-unting pagdilim, kita pa rin ang mga nagsalita dahil sa tanglaw
ng mga kandila. Kinondena nilang lahat ang giyera ng agresyon sa Iraq at
ipinaliwanag ang mga abstraktong konsepto ng imperyalismo at pasismo. Simboliko
ang paggamit ng kandila bilang tanglaw sa kadiliman. Ipinakita ang agresyon
bilang instrumento ng mga kampon ng kadiliman at ang mga kandila bilang salik sa
pagkakaroon ng kaunting liwanag. Sa
puntong ito, nararapat ding suriin ang esensya ng liwanag at apoy sa ating
pagkilos para sa pagbabago. Katotohanan Itinatago
ng kadiliman ang katotohanan, kaya nga ang mga nasa kapangyarihan ay ginagawa
ang lahat para ipakita lang ang isang realidad na pabor sa kanilang patuloy na
panunungkulan. Tulad
ng isang maluwag na silid na wala sa gitna ang ilaw, kaunti lang ang nasisilayan
ng liwanag. Samantala, madilim ang kalakhang bahagi kaya ang mga naroon ay
kailangang mangapa at magpunta sa lugar na maliwag para malinaw na makakita. Sa
ating pagsilay sa liwanag, nakikita natin ang realidad ng lipunang ginagalawan.
Sa malalimang pagsusuri, napapansin ang umiiral na kontradiksyon at ang
nangyayaring opresyon at eksploytasyon. Kaya nga ang pagkondena sa umiiral na
kalagayan at ang panawagan para sa pagbabago ay unti-unting naiintindihan. Subalit
ang pagkilos ng mas nakararami ay mangyayari lamang kung makikita at
mararamdaman ang apoy na pinagmumulan ng liwanag. Ang init ng apoy ay
nagpapaliyab ng damdamin, at ang sakit ng pagkapaso ay nakakapukaw sa natutulog
na pandama. Kailangang
suriin nang mabuti ang apoy para mapansing nangingibabaw ang kulay na pula sa
dilaw at asul. Sa pagkilos ng isang grupo o indibidwal, kailangang malaman ang
ang iba’t ibang kulay sapagkat ito ang batayan ng antas ng paglahok. Tulad
ng sinabi sa isang kanta, totoong walang magagawa ang isang maliit na kandila
para magbigay-liwanag, pero ang pinagsama-samang mga kandila ay kayang
pansamantalang gambalain ang opresyon ng kadiliman. Hindi
inaasahan ang okasyon ng paggunita sa pamamagitan ng pagsisindi ng maraming
kandila na maghahatid ng kaukulang pagbabago. Ito ay sapat lamang para magbigay
ng simbolikong pagtutol sa nangyayari sa lipunan, at ang pangako ng mga naroon
na ipagpatuloy ang pagkilos. Pero
maaasahan nating hindi lang simbolo ang apoy at liwanag sa ating pakikibaka. Sa
kasaysayan ng pag-aalsa laban sa mga kolonyalistang Kastila at Amerikano, hindi
kandila ang ginamit kundi ang sulo. Ang huli ay mas matagal ang liwanag, bukod
pa sa mas maalab ang apoy na nanggagaling rito. Hindi
lang simbolo ng pagkilos ang sulo kundi isang sandata. Sa pamamagitan ng apoy
mula rito, matagumpay na sinunog ang ilang institusyong ginamit para masiil ang
demokratikong karapatan ng mamamayan. Hindi lang ito nagsilbing simbolikong
tanglaw sa dilim, ito ay ginamit para literal na durugin ang kaaway. Sa
ating pagninilay-nilay sa kasalukuyang panahon, mahalagang malaman ang gamit ng
apoy at liwanag hindi lang bilang simbolo, kundi bilang instrumento. Bulatlat.com Editor’s Note: This essay will also be published in a newly established alternative community paper, Alam ng Cagayan Valley, where the author currently writes a column. Bulatlat.com congratulates the Alyansa ng Alternatibong Mamamahayag (ALAM) for this worthy cause. We want to know what you think of this article.
|
|