TULA (POETRY)
Bawat Butil ng Palay ay Buhay
Ni
Victor Bisperas
Inilathala ng Bulatlat
Nanghahalina ang
hiwaga ng tinapay
Ang kanyang
halimuyak ay kumakaway,
Nakapagpapa-ibig
ang kanyang matipunong bisig
Katakamtakam ang
kanyang matikas na tindig.
Siya ang
nagpanday sa kamao ng magsasaka ng trigo,
Silang ninakawan
ng kalayaan sa kanilang bayang
sinilangan
Ngayon ay
panadero sa makulimlim na bansa ng Holland.
Ngunit
nakapananabik ang kasimplehan ng kanin,
Ang kanyang puti
ay ang budhi
ng magsasakang
walang dungis;
Buong tiyaga na
nag-alay ng pawis sa palay
Buong tapat na
kumalinga sa lupa
Para sa susunod
na henerasyon.
Ang bigas na
nagdurugtong sa aking pusod
Sa bayang
Pilipinas, aking pinag-ugatan
At sa
kinabukasan ay paghihimlayan.
O gintong palay,
halaga mo‘y walang kapantay
Ilang sikmura ng
henerasyon ang iyong binuhay,
Ilang
hapag-kainan ang dinulugan ng iyong linamnam.
Nakapananabik
ang iyong hinahon
Sa kundimang
awit mo sa mga pilapil
Ang marikit na
pag-indak sa mga pitak,
At ang halimuyak
ng iyong kabuwanan
Ay nagpapaalala
sa aking lupang sinilangan.
Ang aking
pagka-destiero sa lupang banyaga
Ay dahil sa
pagnanais na kalingain ang lupa
At dito ipunla
ang lipunang walang timawa
Sariwa sa
habambuhay, baon ko sa hukay.
Nakapangangamba
sa bawat pamamahinga
Ang pag-aalay ng
buhay na sa iyo dinadahil
Ng mga kapatid
kong magbubukid sa Lupao
Nag-alay ng
sustansiya sa lupang sinusuyo.
Nakapag-papaigtad
ng bughaw kong dugo
Ang mga ala-ala
ng bisig at talampakang nangaupos
Sa makasaysayang
tulay ng Mendiola
Sa tarangkahan
ng tanggapan ng panginoon.
Nakapag-ngitngit
ang halakhak ng balita,
Na dinilig ng
dugo ang Hacienda Luisita
At ang hayok na
makina ng kanyang Asukarera
Ay ginatungan ng
laman ng aking mga magulang.
O palay, o bigas, o kanin ng aking buhay,
Sa ibutod ng
iyong sinapupunan isisilang
Ang mga kamaong
babaklas at dudurog
Sa kaharian ng
panginoong sa iyo naglugmok.
Babaha ang mga
dugong sa lupa idinilig
Kakalusin ang
berdugong sa magbubukid sumibasib.
Ang kaganapan mo
ay magluluwal
Ng isang
lipunang kakalinga
Sa naghahasik ng
buhay
At nagbubungkal
sa lupa.
Ang minimithing ating muling
pagniniig
Ay aking
pakaaabangan sa silangan
Upang dito
hintayin ang hudyat
Ng pagsilang ng
iyong mapagkalingang lipunan
Upang akoy
permanenteng humimlay sa kandungan
Ng
pinaka-iibig nating inang bayan.
(Tula para sa mga martir ng Hacienda Luisita Massacre
buhat sa isang kasama)
Nobyembre 23, 2004
Bulatlat
BACK TO TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2004 Bulatlat
■ Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified. |