TULA (POETRY)
Pasyon para sa
Pagbabago
Ni Roberto Ofanda Umil
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa mga bagay na uso,
Mula paa hanggang ulo
Ang lahat ay retokado,
Nasasanay na ang mundo.
Lahat-lahat ng sapatos:
De goma't balat na suot,
Ang konsepto'y di raw laos.
Pero, naku, pag tinuos
Ay galing pa sa
Olympus.
Maging damit at pantalon
Na proteksyon sa panahon
Ang disenyo'y prinoduksyon.
Ay, kay raming nalululong
Na nagsisibili sa mall.
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa mga bagay na uso,
Mula paa hanggang ulo
Ang lahat ay retokado,
Wala nang bago sa mundo.
Tuwing may balitang showbiz
Ay 'sang damakmak na aktres
Ang kumumpirmang di tsismis
Na nagpatangos ng dibdib,
Ilong at saka ng puwet.
Iyang pagpalit ng kulay
Ng buhok na parang buhay,
Tugma ba sa inasahang
Paggaan ng pakiramdam
Sa bagong itsurang hiram?
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa mga bagay na uso,
Mula paa hanggang ulo
Ang lahat ay retokado,
Nasasanay na ang mundo.
Marami'ng nakakaladkad
Ng kagandahang panlabas.
Pero kapag may sumunggab,
Pumupusyaw ang pagtingkad
Ng husay ng kanyang utak.
Ang konsumer ay ugaga
Sa kung ano'ng hindi luma
Sa lahat ng panukala,
Habang negosyante'y dakma
Ang materyosong pakana.
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa mga bagay na uso,
Mula paa hanggang ulo
Ang lahat ay retokado,
Wala nang bago sa mundo.
Ang bago lang ay ang sidhi
Ng pagkamkam na palagi
Ng hindi nagmamay-ari
Ng paglikhang di sakali,
May sistemang ngiwing-ngiwi.
Subukin din nating masdan
Sa eskala ng lipunan,
Kung kaninong kapakanan
Ang bineybi at 'dinuyan,
Parang balawis managpang.
Buong pamilya ni Peping
Ay negosyanteng exporter,
May-ari ng sugar milling
At may kontak na importer,
Monopolistang foreigner.
Pagtakda ng Amerika
Na pababain ang
kota,
Buhay sa azucarera
Ay pumait daw nang sobra,
Tiim-bagang ang sakada.
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa paraan ng patakbo,
Patakaran at gobyerno
Ay bulok na ang istilo,
Nasasanay na ang mundo.
Silang manggagawang bukid
Na salinlahi nang gahis
Ay sumagad ang pagtiis,
Nang tumutol sa pasakit,
Minasaker pa't tinikis.
Maging kalihim ng DOLE
Na nag-utos sa PNP
At sa back-up na AFP,
Hugas-kamay na kumampi
Sa asenderong nanisi.
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa paraan ng patakbo,
Patakaran at gobyerno
Ay bulok na ang istilo,
Nadadamay na ang mundo.
Ang buhay ng mahihirap
Sa bayan ng Pilipinas,
Kung ituring parang libag,
Pag krisis ay kinakaskas
Pero may donasyong habag.
Kagaya ng mayayamang
Pulitiko at upisyal
Na kasosyo ng dayuhan,
Maglilimos o papasyal
Na lang kaya ikaw sa b'wan?
Kahit ano'ng tingnan ninyo
Sa paraan ng patakbo,
Patakaran at gobyerno
Ay agnas na ang istilo,
Nagbabago na ang mundo.
Ang luma lang ay ang sidhi
Ng pagkaganid palagi
Ng mga nagmamay-ari
Ng poder na ngiwing-ngiwi
Masdan ngayo't bungi-bungi.
The poet has won
several literary awards, such as the Gawad Ka Amado and the Carlos Palanca
Memorial Award for Literature. He is the author of a collection of poems,
Oda sa Kaldero at Iba Pang
Tula,
published by the University of the
Philippines
Press.
BACK TO TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2004 Bulatlat
■ Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified. |