Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. IV,  No. 33                             September 19 - 25, 2004                     Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

POETRY

Walang Katapusan ang Hibik ng Filipinas

Sa tulang ito’y kausap ni Macario Sakay, habang siya’y nasa bibitayan, si Andres Bonifacio – ang nagtatag ng Katipunan. Ang tula’y isang pagpaparangal kay Sakay, na nagpatuloy ng himagsikang sinimulan ni Bonifacio sa panahon ng pananakop ng Estados Unidos, at sa iba pang limot na bayani ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Si Sakay ay isa sa pinakapinupulaang rebolusyonaryong lider sa kasaysayan ng mga kilusang mapagpalaya sa Pilipinas. Sila ng kanyang kasamahang si Lucio de Vega ay binigti bilang diumano’y mga bandido ng mga tropang Amerikano noong Setyembre 13, 1907.

Ni Richard R. Gappi
Bulatlat  

I.

Kung hindi sa iyong

erehe’t filibusterong hibik

hindi namin narinig ang dalit 

na kipkip rin sa dibdib

ng mga Katagalugan mong kapatid .

Tayo nga’y magkapatid;

kapwa nakaugat ang ating pusod

sa likaw na landasin ng Tondo.

Tadtad ng mga sugat

itong nagisnan nating tahanan.

Sa gabi at araw, pinagnanaknak ito

ng riple ng mga Guardia Civil;

ng reglamento, sedula, at espada;

ng Malacañan at Royal Audiencia;  

Macario Sakay and other freedom fighters 
of the Fil-Am War

at ng estampita, rosaryo’t sutana.

May nangahas sa ating mga kapatid

na itambuli ang yaring mga sakit.

Nagpunta pa sila sa Barcelona at Madrid,

sa ibayong dagat,

upang kay Inang España’y

umamot ng habag --

nagngitngit ang panulat ng La Solidaridad

sa mga hagupit ng latigo at kura;

hinubdan at sinaling ng Noli at Fili

ang bundat na mga fraile.

Ngunit lumawit na ang kanilang dila

ay nag-tengang-kawali lamang si Ina.

II.

Kaya nang itatag mo ang Katipunan

isa agad ako sa nag-ingat ng lihim.

Dapitan ang siyang ginamit na bansag,

pangalang kaylan ma’y ‘di mabubuwag

sa pingkian ng katwiran at tapang.

Bangungot sa amin ang pagdalo mo

sa pugad ng mga ‘di magkasundo.

Yaring gusot ng Magdiwang at Magdalo

ay siya rin palang mag-uunat

ng iyong katawan

sa hukay ng pagkakanulo.

“Don” kung tawagin si Kapitan Miong,

at ang taguring ito’y

naging etiketa ng kanyang pamumuno.

Samantala, ano’t kanilang sinino

ang talino mong itinuro ng pawis at dugo?

Ang iyong pagpaslang ay nag-iwi ng hiwa:

kapatid sa kapatid ang pumatid ng iyong hininga.

III.

Samantala, nang maharuyo

sa ilang tagumpay ng pakikihamok,

iwinagayway ni Aguinaldo

sa kanyang balkonahe

ang dating layang nakalugmok

at lukob ng bandilang dayo.

Ngunit kung paglaya man ito,

ito’y ningning at hindi liwanag,

gaya ng habilin sa atin ni Pingkian.

Sa kanyang pahayag,

Kasamang Supremo,

isinandig ni Aguinaldo sa Estados Unidos

ang laya nating matagal na tinuos.

 

IV.

Tuso ang mga dayo, Kasamang Supremo.

Nakipagkasundo ang España na sumuko sa Amerika.

Sa halagang $20,000,000,

binili ng Amerika ang ating lupa at laya.

Katugunan iyon, samakatwid,

sa propesiya ni Laong-Laan sa kanyang

“Filipinas Dentro de Cien Años.”

Agilang mula sa Kanluran

ay lumapag sa ating bandila

matapos ang moro-morong digmaan

sa Lawa ng Maynila.

Kung paano nangyari iyon

ay sadyang mapanloko

ang mga Amerikano.

Nakapalibot na tayo sa Intramuros

ngunit pinigilan tayong

umatake sa sentro.

Nang dumating ang 15,000 sundalo

mula sa Estados Unidos, saka nila

sinalakay ang moog. Kasamang Supremo,

itinaboy tayo ng mga Amerikano

sa pusod ng ating pagka-Pilipino.

V.

Kinubkob tayo ng mga bagong dayo

Upang gawin daw tayong sibilisado.

“Mapagkandiling pananakop”

ang pangakong pagkupkop.

Ipinatikim nila ang mansanas;

ikinuwento ang lamig ng niyebe.

Ngunit ang pagkukunwari’y

‘di naitagong lihim; ginamit nila

ang ating lupa, dagat, at hangin.

Kaya sa ika-4 ng Pebrero 1899,

hahantong sa pingkian

ang dahas at katwiran

ng dati raw magkaibigan.

Tila dagang tinugis si Aguinaldo

hanggang masukol at manikluhod

sa mga bagong mananakop.

Gayunman,

habang nangyayari ito,

nakikipagkasundo na ang mga ilustrado

sa grupo ni Schurmann.

Wika nina Benito Legarda at Felipe Buencamino,

“Wala tayong kakayahang maging isang bansa;

kailangan natin ang patnubay ng Amerika.”

VI.

Samantala, ang mga nanatiling lumaban

para sa kalayaan ay tinaguriang

insurecto,

ladrones,

at bandolero.

Mahigpit na ipinagbawal

ang pagwagayway ng bandila.

Sinunog at minasaker,

O kundi maý ni-reconcentrado

ang Batangas, Laguna,

Balangiga sa Samar, Albay, Kabite,

Kudarangan at Laksamana sa Kotabato,

at ang Bud Dajo sa Sulu. 

Ngunit gaya ng iyong habilin,

panata ang dugong nahiwa sa bisig:

hanggang sa huling sandali

ng pakikitunggali ang layang minimithi.

Itinayo ko sa Bundok ng San Cristobal

sa pagitan ng Tanay at Laguna

ang ating Republika ng Katagalugan.

(Gayong batid ko rin naman

ang halaga sa pagtatatag

ng Union de Impresores de Filipinas

at ng Union Obrera Democratica

nina Ka Belong.)

Naging matapat na kasama sina

Lucio de Vega,

Francisco Carreon,

Faustino Guillermo,

Benito Sta. Ana,

Ciriaco Contreras,

Cosme Caro,

Briccio Pantas,

Valentin Diaz,

Pio Valenzuela,

Apolonio Samson,

Hernogenes Bautista,

Tomas de Guzman,

Julian Montalan,

Cornelio Felizardo,

Aniceto Oruga,

Leon Villafuerte,

lahat sila’y mula sa hanay

ng uri nating pinagmulan.

VII.

Dumating ang panahong

kailangan kong isalong ang aking armas.

Kasamang Supremo, kapalit nito’y

pagpapalaya sa tatlumpong libong

rebolusyonaryong nakakulong.

(Na sa lihim na pakikipagpulong ay handa namin

muling isulong ang panata ng panahon.)

Ngunit tuso ang Amerikano.

Habang nasa Kabite, hinuli nila kami.

hanggang sa litisin

ng sedisyon

ng bandolerismo

ng pagtataksil

At saka hinatulang mamatay sa garote.

VIII.

Kasamang Supremo,

sa araw ng aming pagbitay,

naisigaw namin ang ating dangal.

“Sa malaot madali,

ang lahat ng tao’y mamamatay,

kaya’t haharap ako nang mahinahon

sa panginoon. Subalit gusto kong

sabihin sa inyong lahat na hindi ako

bandido at magnanakaw tulad

ng ibinibintang ng mga Amerikano.

Rebolusyonaryo akong nagtatanggol

sa ating inang bayan, ang Pilipinas!

Paalam! Mabuhay ang Republika!

At nawa’y muling isilang ang ating kalayaan

sa hinaharap! Paalam!

Mabuhay ang Pilipinas!”

Sa aming pagkamatay,

Kasamang Supremo, ipinagkait ng mga Amerikano

na saplutan kami ng bandila ng Katipunan.

IX.

Kung nakita mang sadyang pait

ang sinapit nitong Republika ng Katagalugan,

sadya ring dapat mabatid kung paanong

ang pagkabigkisbigkisbigkis-ng- bisig

ay tumamlay at lumuwag

hanggang sa magka-

hiwalay-

hiwalay.

Sapagkat sa gitna ng risiris na ito,

tumitingkad ang krisis

sa pingkian ng ningning at liwanag;

naiguguhit ang lunggati at layong

naghihiwalay sa gitna

ng uri at ‘di kauri,

ng mga bundat at salat,

ng mahina at malakas,

ng totoo at nagbabalatkayo.

At ito ang totoo, kasamang Supremo:

walang katapusan ang hibik ng Pilipinas

hanggang ang mga manggagawa’y

kinakain ng makina; hanggang ang mga kamay

ng magsasaka’y nakatanikala sa lupa;

hanggang ang laya ng bayan

ay lukob ng dayong bandila;

hanggang ang mga namumuno

na kahit Filipino ay may maskarang

kamukha ng imperyalista.

Walang katapusan ang hibik ng Filipinas…

At walang katapusan ang pakikitalad.

Sapagkat sa lupang dinuhagi,

pulang rosas na nag-aapoy,

nagliliyab sa silong ng araw

ang bawat patak ng dugo;

Bumubukad sa matikas

na paninindigan at pakikihamok.

Bukal din ang lahat ng pook

na habang tanod natin ang libong sulo,

‘di matutuyo ang langis na masasalok*.

Sapagkat magkaisa tayo sa nais.

Hanggang hindi nagliliyab

ang laya at dingal ng pulo --

Walang katapusan ang hibik ng Pilipinas.

Walang katapusan ang pakikitalad.

Walang katapusan.

Wala…!

*Halaw sa isang tula ni Lamberto Antonio

Bulatlat

Back to top


We want to know what you think of this article.