Tula para kay Aldrin*

Si Nanette Castillo at si Aldrin. (Litrato mula kay Nanette Castillo)

Ni NANETTE CASTILLO

16 years old ako nang ikaw ay aking ipagbuntis,
Ang sabi ng iba ako’y bata pa at walang alam, baka ako’y mahirapan
Subalit nang ikaw ay sumipa sa aking sinapupunan,
Agad agad ramdam kong ako’y handa nang maging nanay.
Agosto 24 ikaw ay aking isinilang,
Tuwa’t galak nadama ko nang una kang nasilayan,
Sa iyong unang pag-uha ako ay napangiti,
At mula sa aking dibdib ikaw ay aking binusog,
Galak ko’y ‘di masukat nandiyan ka na aking anak.
Natuto kang gumapang, lumakad at tumakbo,
Sa bawat hakbang mo ako ay nakaantabay,
Pag ikaw ay nadarapa kagyat akong nakasaklolo,
Tanong ko kaagad “nasaktan ka ba aking anak?”
Mga taon ay dumaan, ikaw ay nagbinata, ‘lumaking masaya at ubod ng lambing,
Ikaw ang buddy ko, tropa ko at best friend ko,
At minsan pa nga ikaw ang aking kritiko,
O aking Aldrin kay sarap maging nanay mo.
Ang panahon ay lumipas at ikaw ay nag-asawa,
Ginusto mong bumuo ng sarili mong pamilya,
Ako’y binalot ng lungkot isip ko ikaw ay lalyo, ngunit ang sabi mo sa akin ay “nandito lang ako mama di kita tatalikuran bagkus bibigyan ka ng apo.”
Ang dami mo’ng ambisyon, ikaw ay puno ng pangarap,
Ngunit lahat ng ito’y biglang naglaho,
Pighati at lumbay ang sa akin ay bumalot,
Sa isang iglap anak ikaw ay naglaho,
Gabi ng Oktubre 2 ikaw ay pinaslang,
Mga salaring naka-motor at walang mga plaka,
Mga mukha’y nakatakip wari’y ayaw makilala, mga mukha nilang sugo ng berdugong si Duterte.
Limang bala ang dagliang sa’yo ay kumitil s autos ng demonyo at pasistang si Duterte,
Kanyang fake war on drugs na layon ay patayin,
User, pusher, inosente’t walang malay, lagyan ng baril para wari sila’y nanlaban.
O anak ko, sakit mo’y dama ko,
Limang baling sayo’y tumapos sa akin na lang sana tumagos,
Pagkat araw araw din akong binabaril ng katotohanang di ka na magbabalik.
At sa iyong huling hantungan, inusal ko ang isang pangako, mga salarin ay tutugisin pati si Duterte ay uusigin,
Di ako mapapagod, di ako matatakot, hanap ko’y katarungan para sa iyo’y maihandog,
Pangako ‘yan Aldrin, pangako.
Hindi kita bibiguin.

#JUSTICEFORALDRIN CASTILLO!

*Alay para sa kanyang anak na biktima ng kampanya kontra iligal na droga.

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post