Bungkalan: Mga Aral mula sa Hacienda Luisita at Negros

The book “Bungkalan” (Photo courtesy of Luisita Watch)

Binigkas noong Agosto 25, 2017 sa UP Diliman College of Education para sa MGA SUSING SALITA: Pambansang Seminar sa Pagbuo ng Diskurso sa Konseptong Filipino na inilunsad ng Sentro ng Wikang Filipino ng UP Diliman.

Ni Kerima Tariman-Acosta
Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)

BUNGKALAN ANG PAMAGAT NG ISA SA MGA AKLAT na inilunsad kahapon ng Sentro ng Wikang Filipino dito sa UP Diliman. Ang librong Bungkalan: Manwal sa Organikong Pagsasaka, ay binuo ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA batay sa ilang taon ng pakikiisa sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita.

Ganito ang mahabang paglalarawan na karugtong ng pamagat ng libro: Ang Karanasan ng mga Manggagawang-Bukid ng Hacienda Luisita sa Organikong Pagsasaka at Pakikibaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa. Sa pamagat pa lang, maraming bagay na ang nais sabihin.

Malaking hamon para sa UMA ang paglalathala ng librong Bungkalan. Paano nga ba ilalahad sa pinakasimple at pinakaepektibong paraan ang mga bagong ideya at buhay na aral mula sa karanasan upang ang mga ito ay maging kapakipakinabang sa buhay at pakikibaka ng masang magsasaka, hindi lang sa loob ng Hacienda Luisita kundi sa buong bansa? Malaki ang naitulong ng mga mananaliksik at editor mula sa Sentro ng Wikang Filipino. Nag-ambag din ng mga ideya, larawan at ilustrasyon ang mga kaibigang eksperto sa agrikultura, artista, at mamamahayag upang mabuo ang librong Bungkalan bilang payak na gabay na mauunawaan at magagamit ng ordinaryong magsasaka o ordinaryong Pilipino.

Mainam na pagkakataon ang kumperensyang ito upang makapagpalawig sa mga ideya ang aral na nilalaman ng aklat. Sipatin natin ang mga ito mula sa mapanuring lente o punto de bista ng pambansa-demokratikong kilusan na kinabibilangan ng UMA. Gamit ang susing salitang “bungkalan,” ilapat natin ang mga konseptong ito sa kalagayan ng mamamayang Pilipino, partikular ng masang magbubukid na naglulunsad ng mga bungkalan hindi lamang sa Hacienda Luisita kundi sa buong kapuluan.

‘Magbungkal’ ay di biro

ANG KARANASAN SA HACIENDA LUISITA ay patotoo sa ika nga ng isang awit, “magtanim ay di biro” – hindi lang dahil sa pisikal na hirap, kundi dahil sa masalimuot na pakikibaka para sa lupa at hustisya. Sa Luisita, ang pagpapalalim sa mga konseptong kaugnay ng salitang “bungkalan,” gaya ng pagsasapraktika ng organikong pagsasaka, ay hindi simpleng problema ng siyensyang pang-agrikultura, pagpapahusay ng teknolohiya sa produksyon at kultibasyon, pangangalaga sa kalikasan o di kaya ay pasya para sa malusog na dyeta.

BULATLAT FILE PHOTO: This pilot farm in Balete village was destroyed by the security guards of the Cojuangco-owned Tarlac Development Corporation (Tadeco) in December 2013. (Photo by Ronalyn V. Olea / Bulatlat)

Ang mga usaping ito ay dapat unawain sa konteksto ng problema sa lupa: ang monopolyong pag-aari at kontrol ng iilan sa malalawak na lupain, ang patuloy na pag-iral ng iba’t ibang anyo ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa masang magsasaka, at ang tunggalian ng mga uri sa lipunang Pilipino.

Ang “Hacienda Luisita,” ay walang ibang pinatutungkulan kundi ang pinakamalawak na haciendang tubuhan sa buong Pilipinas na sa mahabang panahon ay nasa kontrol ng pamilya Cojuangco-Aquino. Binubuo ito ng 11 magkakanugnog na barangay sa bayan ng Concepcion, La Paz, at syudad ng Tarlac sa probinsya ng Tarlac – 6,453 ektarya na sinlaki ng pinagsamang sukat ng Maynila at Makati.

Ang Hacienda Luisita ay siya ring lokasyon ng pinakamalaking asukarera o ilohan ng asukal sa Gitnang Luzon, ang Central Azucarera de Tarlac o CAT. Sa kasalukuyan, o mula 2014, kasosyo na ng pamilya Cojuangco-Aquino ang negosyanteng si Martin Lorenzo sa CAT. Si Lorenzo ay mula sa angkan na nagmamay-ari ng Lapanday Foods Corporation, na kumokontrol naman sa malalawak na plantasyon ng saging at iba pang prutas na pang-eksport sa Mindanao.

Hacienda Luisita ang bukal ng kapangyarihang pang-ekonomiya at pampulitika ng mga Cojuangco-Aquino. Ang angkan na ito, na sa loob ng hacienda ay nakatira sa Alto, isang 50-ektaryang villa na nakaangat sa kalakhang patag na kalupaan ng Luisita, ay nagluwal ng di iilang lokal na burukrata, kabilang na ang dalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas: si Corazon o “Cory”, na naupo sa poder mula 1986-1992 at itinuturing na “bayani ng demokrasya” dahil sa paghalili sa kinamumuhiang diktador na si Ferdinand Marcos; at siyempre, si Benigno “Noynoy” Aquino III, na naupong Pangulo bago ang kasalukuyang rehimen ni Rodrigo Duterte, o mula 2010-2016.

Ang lupaing ito ay sistematikong ipinagkait sa masang magsasaka sa pamamagitan ng karahasan at paggamit ng estado poder. Taong 1957 nang mabili ni Jose Cojuangco, Sr. ang CAT mula sa TABACALERA, isang kumpanyang Espanyol, sa pamamamagitan ng utang at seguro mula sa gobyernong Magsaysay. Ayon sa kasunduan sa pautang, dapat ay ibalik ang lupa sa mga magsasaka matapos ang sampung taon o noon pang taong 1967 o 50 taon na ang nakararaan.

Sa ilalim naman ng mga programa sa reporma sa lupa ng gobyerno, gaya ng Presidential Decree 27 ni Marcos, hindi kasali ang mga tubuhan sa saklaw ng repormang agraryo. Habang sa panahon ng mismong administrasyon ni Cory noong 1988, isinabatas ang Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na tahasang gumawa ng mga iskemang pabor sa haciendero, gaya ng Stock Distribution Option o SDO na naglalayong itakas ang Luisita at iba pang hacienda na tulad nito, mula sa pisikal na distribusyon sa mga magsasaka.

Sa panahon ni Noynoy Aquino, o noong Hunyo 30, 2014, matapos ang ilang ulit na ekstensyon at pagrerepaso gaya ng CARPER o RA 9700, tuluyan nang napaso ang batas at ang komponente nito para sa land acquisition and distribution o LAD. Samantala, laganap pa rin sa buong bansa ang kawalan ng lupa at lalo lamang tumindi ang pangangamkam at dislokasyon sa hanay ng masang magsasaka at mga katutubo o pambansang minorya. Higit na pinalala ng imperyalistang globalisasyon o mga patakarang neoliberal ang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa o land use conversion upang makapasok ang iba’t ibang “proyektong pangkaunlaran,” imprastraktura, at negosyong dayuhan gaya ng dambuhalang pagmimina, ekspansyon ng plantasyong agribisnes, megadam, at iba pa.

‘Demokrasya’

ANG KAPANGYARIHAN NG MGA ANGKANG HACIENDERO gaya ng mga Cojuangco-Aquino ay perpektong halimbawa sa pag-iral ng ilusyon ng demokrasya sa Pilipinas, samantalang hindi pa rin nakakamit ng nakararami, o ng uring magsasaka na nasa 75% ng populasyon ng bansa, ang kanilang demokratikong kahilingan na magkaroon ng sariling lupang mabubungkal. Umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan ang sistemang hacienda, isang pyudal na kalakarang ipinataw ng kolonyalistang Espanyol sa huling bahagi ng kanilang pananakop sa Pilipinas.

Sa unang bahagi ng 1900, sinakmal na ng imperyalismong US (Amerika) ang lumang pyudal na kalakarang pang-ekonomiya. Ang klasikong pyudal na ekonomiyang nakasasapat-sa-sarili ang naging baseng sosyal ng pandarambong ng bagong imperyalistang kapangyarihan. Itinayo ang mga asukarera at plantasyon upang tugunan ang pangangailangan ng US, gaya ng CAT na itinatag noong 1927 halos kasabayan ng pagsaklaw ng US sa malalawak na lupain sa Mindanao para sa mga plantasyon ng pinya. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, o mula 1946, nang magwakas ang tuwirang pananakop ng US at itatag sa gabay nito ang Republika ng Pilipinas, naging mala-pyudal at mala-kolonyal ang salansan ng lipunang Pilipino.

Mula 1946 hanggang sa ngayon, walang signipikanteng pangyayari sa ating kasaysayan – sa ekonomiya, pulitika o anumang larangan – na nakapagdulot ng pundamental na pagbabago, o mapagpasyang pagbaklas mula sa mala-pyudal at mala-kolonyal na kalakaran. Nanatiling atrasado ang agrikultura. Ang ekonomiya ay nakasalig sa pag-eeksport ng hilaw na materyales at pag-aangkat ng mga yaring produkto sapagkat walang mga batayang industriya ang bansa. Ang mga kinamumuhiang rehimen gaya ng kay Marcos at Estrada, ay hinalinhan ng mga lider na may basbas at sunud-sunuran pa rin sa dikta ng US, habang mabilis din namang nakababalik sa kapangyarihan sa pulitika ang mga pinatalsik na pangulo o ang mga kaanak nila. Paimbabaw at artipisyal ang nakikitang kaunlaran sa mga sentrong lungsod, habang ang kalakhang populasyon ng mga magsasaka ay lugmok pa rin sa pagdarahop na dulot ng iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala – mataas na upa sa lupa, pyudal at komersyanteng usura o pagpapautang, mababang presyo ng mga produktong agrikultural, mababa at mala-aliping pasahod sa mga manggagawang-bukid, at iba pa.

Ang tinatawag nating mga “magsasaka” ng Hacienda Luisita, sa mahabang panahong ay nagtrabaho bilang mga manggagawang-bukid na maituturing na aliping sahuran. Nahahati ang uring magbubukid sa mga saray: mayaman, panggitna at maralitang magsasaka, habang ang mga manggagawang-bukid at iba pang mala-manggagawa o mga walang permanenteng kabuhayan ang nasa pinakamababang katayuan sa kanayunan. Sa praktika ng pambansa-demokratikong kilusan, sinusuri ang uri at natitiyak ang saray na kinabibilangan ng mga partikular na indibidwal o pamilya sa kanayunan batay sa kanilang pagmamay-ari sa lupa at/o iba pang kagamitan sa produksyon; partisipasyon sa produksyon o inilaang produktibong paggawa; hatian sa produkto o bahagi na nakukuha mula sa produksyon; at paninindigang pampulitika.

Natitiyak, halimbawa, ang uri o katayuan ng mga Cojuangco-Aquino bilang malaking panginoong maylupa o haciendero sapagkat sila ang may-ari o may monopolyo sa lupain sa Luisita. Wala silang partisipasyon sa produksyon – ibig sabihin ay hindi sila kailanman nagbungkal o naglinang, o naglaan ng paggawa sa loob ng asukarera upang makalikha ng produktong tubo o asukal. Kinakamal nila ang higit na mas malaking parte o bahagi mula sa kabuuang produksyon, at naitatakda nila ito sa batayan lamang ng kanilang monopolyong kontrol sa lupa, at susog sa pang-ekonomiyang interes ng US.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang mga hacienderong gaya ng mga Cojuangco ay matagal na sumalig sa tinaguriang US Sugar Quota, na siyang pinakamalaking merkadong pinagsusuplayan ng lokal na industriya ng asukal. Sa lipunang Pilipino, di maikakaila ang katayuan ng mga Cojuangco-Aquino bilang isa sa pinakamakapangyarihang burukrata kapitalista o angkan sa pulitika, sapagkat dalawang beses silang nakapamuno sa estadong neokolonyal at nagsilbing pangunahing kinatawan ng interes ng lokal na naghaharing uri at ng imperyalismong US.

Ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, samantala, ay binubuo ng mga kauna-unahang pamilya na naghawan at naglinang ng lupa. arami sa kanila ang doon na mismo ipinanganak sa hacienda, ngunit sa mahabang panahon ay wala silang pag-aari kahit kapirasong lupa.
Wala silang karapatan, kaseguruhan o land tenure na gaya ng sa isang tenante o kasama na nasa saray ng maralitang magsasaka. Ang mga manggagawang-bukid sa Luisita ay binusabos at nagtrabaho ayon sa dikta ng haciendero at ng mga tauhang gaya ng kabo, kapatas o superbisor na namamalakad sa hacienda.

Sa halip na klasikong pyudal na pagsasamantala sa anyo ng mataas na upa sa lupa o buwisan, ang mga manggagawang-bukid ay pinagsasamantalahan pangunahin sa anyo ng mala-aliping pasahod. Umiiral din ang usura at pang-aalila na mas karaniwang tinatanaw bilang “utang na loob” sa ating kultura. Ito rin ang naging dahilan ng mga haciendero sa kanilang pagtanggi o pag-iwas sa reporma sa lupa – dahil na nga, diumano, sa “wala namang magsasaka o tenante sa Luisita.”

Bukod sa mga manggagawang-bukid na naninirahan sa mga barangay, ang mga haciendang gaya ng Luisita ay nag-aangkat din ng mga sakada o panahunang manggagawang-bukid upang gumampan ng pinakamabibigat na gawain sa panahon ng kabyawan, o panahon ng anihan ng tubo at gilingan ng asukal.

Ang kawalan ng sariling lupang mabubungkal ang nagtutulak sa desperasyon sa maraming magbubukid at kanilang mga kaanak, na nakikipagsapalaran o naghahanap ng mapagkakakitaan sa ibang lugar. Sila’y nagiging panahunang manggagawang-bukid sa iba pang sakahan o tubuhan, mga mala-manggagawa na bumubuo sa bulto ng mga maralita sa lungsod, o mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat o OFW.

Ganito ang katayuan, halimbawa, ng ama at lolo ni Mary Jane Veloso, isang migrante na kasalukuyan pa ring nasa death row sa Indonesia. Bagamat hindi taal na residente ng Luisita ang mga Veloso, sila’y nagtrabaho rito bilang mga manggagawang-bukid sa loob ng ilang henerasyon. Sa pagpasok naman ng taong ito, o ngayong 2017, nabunyag sa publiko na ang kalakaran ng paghahakot ng mga sakada ay ginagawa pa rin sa Hacienda Luisita, at halos 1,000 sakada mula sa Mindanao ang naging biktima ng sukdulang pang-aalila.

Welga at Masaker

SA “HACIENDA LUISITA,” agad ding masasaisip ang masaker ng mga manggagawang-bukid na naganap noong Nobyembre 16, 2004. Ang pamamaril ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ay isang dispersal – layon nitong buwagin ang piketlayn ng libu-libong manggagawa’t magsasaka na nagsasagawa noon ng welga. Ang welga o pagtigil sa trabaho bilang protesta ay sandata ng organisadong manggagawa upang ipaglaban ang mga usapin sa paggawa gaya ng pagpapataas ng sahod, kaseguruhan sa trabaho, benepisyo at iba pa. Sa Luisita, ang welga ng mga manggagawa sa ilohan sa pangunguna ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union o CATLU, at ng mga manggagawang-bukid sa tubuhan na organisado sa United Luisita Workers Union o ULWU, ay nagkaroon ng hugis ng pampulitikang pagbangon ng buong komunidad.

Noong panahong iyon, sa ilalim pa rin ng iskemang SDO, ang mga manggagawang-bukid na itinuturing na “stockholder” ng Hacienda Luisita, Inc. o HLI ay nakakatanggap na lang ng P9.50 kada sahuran. Ngunit higit pa rito, ang welgang bayan sa Luisita ay pakikibaka laban sa ilang dekada ng mapagsamantalang relasyon sa tubuhan at pagawaan na rumurok sa panawagan para sa pagbawi ng lupaing kinamkam at matagal na pinagpasasaan ng pamilya Cojuangco-Aquino.

A placard of the faces of the Luisita Massacre martyrs hang inside Ambala’s main hut in Balete, to remind the visitors and residents of the gruesome massacre that happened 12 years ago. (Photo by Karen Ann Macalalad/Bulatlat)

Ang suporta at paglahok sa welga ng iba’t ibang sektor gaya ng kabataan at estudyante, mga taong-simbahan, at mga propesyunal, ay naging bahagi, at sa isang antas ay naging makapangyarihang ekspresyon ng pagbangon ng buong bayan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at pambansa-demokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino.

Ang pagpapakita ng lakas ng libu-libong mamamayan sa welgang bayan at ang isinagot ng estado, ang masaker na naganap habang nasa ika-sampung araw pa lang ang welga, ay napakalinaw na manipestasyon ng krisis sa isang mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan — isang panlipunang bulkan na matagal nang nagbabantang sumabog at sumambulat. Kahit matapos ang masaker, tumangging sumuko ang mga taga-Luisita. Tumagal hanggang sa huling bahagi ng 2005 ang welga.

Bukod sa pitong welgista na namartir sa masaker, naging sunud-sunod ang pagpaslang sa mga lider at tagasuporta ng welga, kabilang na ang unyonistang si Ricardo Ramos, presidente ng CATLU; ang lokal na lider na si Abel Ladera, konsehal ng lungsod ng Tarlac; mga taong-simbahan gaya ni Fr. William Tadena, paring Aglipayan sa bayan ng La Paz; at maging isang obispo, si Bishop Alberto Ramento, na pinaslang noong 2006 sa kanya mismong simbahan.

Sa ganitong konteksto natin sinasabi na hindi biro ang magtanim. Hindi biro ang maglunsad ng bungkalan, bagamat praktikal lang naman ang pinagmulan nito. Kailangang tugunan ang pangangailangan sa pagkain na pangsuporta sa welga at buong komunidad habang tigil ang produksyon sa tubuhan at asukarera kaya naman binungkal at tinamnan ng gulay ang ilang bahagi ng piketlayn. Sa paglaon, ipinanawagan ng Alyansa ng mga Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita o AMBALA, ang okupasyon at paglilinang sa ilang bahagi ng hacienda na natiwangwang nang dahil sa ilang buwan ng tigil-trabaho.

Sa unang pagkakataon, sa loob ng maraming dekada, hinamon ng bungkalan ang monopolyo sa lupa sa pinakamalaking haciendang tubuhan sa bansa.

Bungkalan sa Luisita

LUISITA ANG MUKHA ng problema sa lupa na laganap pa rin sa buong bansa hanggang ngayon: nananatili ang monopolyong kontrol ng mga lokal na panginoong maylupa at dayuhang agribisnes, at bigo ang polisiya ng pamahalaan – o sa kaso na nga ng mga Cojuangco-Aquino – sadyang binalangkas at ginamit ang mga programa sa repormang agraryo upang mapanatili ang kanilang monopolyo. Kaakibat ng kapangyarihang ito ang paggamit ng armadong pwersa ng estado upang supilin at patahimikin ang masang naghahangad ng katarungan at pagbabago. Luisita ang mukha ng marahas at masalimuot na makauring tunggalian na tipikal sa kanayunan at buong lipunang Pilipino.

Ang bungkalan sa Hacienda Luisita ay bunga ng marahas na tunggaliang ito. Dapat halawin ang parehong positibo at negatibong aral mula sa karanasan upang maging matatag ang pundasyon ng bungkalan bilang isang kilusang masa.

Naganap ang bungkalan sa kasagsagan ng welga – bagamat may desisyon na ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC) sa pagbabasura ng SDO, wala pang atas o proseso para sa pormal na pamamahagi ng lupain, at lalong walang hawak na katibayang papel o titulo ang mga manggagawang-bukid upang okupahin at linangin ang lupa. Ang bungkalan ay hindi maaaring umiral kung wala ang militanteng paggigiit o sama-samang pagkilos ng masang magbubukid laban sa panginoong maylupa.

Pangunahing layunin ng bungkalan ang produksyon ng pagkain, habang tinutugunan sa isang antas ang pangangailangang pangkabuhayan ng masang magbubukid sa konteksto ng patuloy na pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Hindi dapat bitiwan ang kontekstong ito ng tuluy-tuloy na pakikibaka, lalo pa at nagpapakawala ang mga haciendero ng tahasang pandarahas at iba’t ibang tusong iskema upang hatiin ang organisadong lakas at pagkakaisa ng magbubukid, tungo sa rekonsentrasyon ng mga lupain pabalik sa kanilang kontrol.

BULATLAT FILE PHOTO: UMA secretary general Danilo Ramos points to the stretch of productive lands covered by the bungkalan in Balete village inside Hacienda Luisita. “These lands are yet to be distributed under CARP,” he said. (Photo by Dee Ayroso/Bulatlat)

Lumalabnaw at unti-unting mauuk-ok ang militanteng katangian ng bungkalan kung wala itong pagtanaw sa sistematikong pagpapahusay ng kooperasyon batay sa aktwal na kalagayan ng mga magsasaka, pagpapanday sa pag-asa sa sarili o self-reliance, at pangangalaga o pagdepensa sa mga tagumpay na nakamit sa mapait na pakikibaka.

Sa panahon ni Noynoy Aquino, o noong Abril 2012, halimbawa, makasaysayang tagumpay ng magbubukid ang paborableng desisyon ng Korte Suprema para sa kumpletong pamamahagi ng lupain sa Luisita. Ngunit ginawa ang alokasyon ng lupa sa pamamagitan ng tambiolo o palabunutan at nagpamudmod lamang ng mga papel na CLOA (certificate of land ownership award) bilang katibayan na pagiging benepisyaryo ng reporma sa lupa. Kasabay nito ang marahas na pagbuwag sa mga bungkalan – walang puknat ang pagpapalayas, pagsasampa ng kaliwa’t kanang gawa-gawang kaso at pagpapakulong sa mga magsasaka. Napatunayan na hindi mga papel na katibayan ang magpapatatag sa katayuan ng mga magsasaka, kundi ang patuloy na sama-samang pagkilos at militanteng paggigiit.

Mabigat ang tungkulin ng mga organisasyong magsasaka sa mahusay na pagsusuri at paggiya upang tuluy-tuloy na sumulong ang bungkalan sa batayan ng sama-samang pagpapaunlad ng produksyon para sa kapakanan ng nakararami. Sa aktwal, ang bungkalan ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng kolektibong pag-aari o kolektibong paglilinang. Katangian ng anti-pyudal na pakikibaka ang pagkilala sa demokratikong interes ng masang magsasaka – kung kaya hindi maaaring isantabi o maliitin ang kahilingan ng magbubukid na magkaroon ng sariling lupang mabubungkal o indibidwal na loteng sakahan para sa bawat pamilya o bubong (household). Sa bungkalan, tinitiyak ang mga indibidwal na posisyon na ito, habang matiyagang inoorganisa at minumulat ang masang magsasaka, at hinihikayat ang pagpapaunlad ng mga kolektibo o kooperatibang bungkalan at sakahang komunal.

Sa Luisita, ang dating manggagawang-bukid na lumahok sa bungkalan sa pamamagitan ng indibidwal na pagsasaka ay nakipagbuno naman sa mga suliraning dati nang dinaranas ng ordinaryong magsasaka sa balangkas ng mala-pyudal na ekonomiya – nariyan ang komersyanteng usura, mataas na gastos sa produksyon dulot ng mataas na presyo ng mga input gaya ng imported na abono at pestisidyo, mataas na renta sa mga kagamitan o makina, kawalan ng pasilidad para sa irigasyon – at kung ibebenta man ang produktong palay at gulay, nananatiling mababa ang presyo ng mga ito sa merkado. Huwag nang banggitin pa ang pagkalugmok na dulot ng mga sakuna at kalamidad.

Bukod dito, mas malalang sakuna ang dala ng sistematikong pangwawasak at ganting-salakay ng haciendero, gaya na lang ng pinakawalang iligal na aryendo o rentahan sa lupa; ang iskemang tambiolo na nagdulot ng alitan sa hanay ng mga nagbubungkal at benepisyaryo; presyur, pagbabanta at panunuhol sa mga lider-magsasaka at lider-komunidad; at ang tahasang militarisasyon, pamamaslang, panununog ng mga kubo, at pagbubuldoser o paninira ng mga pananim.

Kailangan ding pangibabawan ang mga kahinaan upang hindi ito humantong sa panghahati ng sariling hanay at pag-atras mula sa mga nakamit nang tagumpay, gaya ng paghahabol ng pansariling ganansyang pang-ekonomiya, pagkahumaling sa kapital o puhunan, at labis na pagpapahalaga sa papel ng makina o kagamitan sa pagpapaunlad ng produksyon sa halip na linangin ang pag-asa sa sarili o self reliance, at sumalig sa organisadong pagkilos at mulat na partisipasyon ng masa. Kung walang mahusay na paggiya ang organisasyong magsasaka upang harapin at lutasin ang mga kontradiskyong ito, mabubulid ang mga indibidwal sa kanya-kanyang suliranin at ang lupang dati nang saklaw ng bungkalan ay narerekonsentra sa kamay ng mga haciendero.

FILE PHOTO: Farmers block a bulldozer from destroying farm lots in Balete village, Hacienda Luisita, Dec. 21, 2013. (Photo courtesy of Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura)

Ang pagsasapraktika ng organikong paraan ng pagsasaka ay hindi rin awtomatikong katangian ng bungkalan sa Hacienda Luisita. Ang bungkalan ay yumabong sa kasagsagan ng welga noong 2004-2005, ngunit ang pagtatangka na sistematikong ilapat ang organikong pagsasaka sa balangkas ng kilusang masa ay nagsimula lamang sa nakaraang ilang taon, o sa karanasan ng UMA, mula lamang nitong 2013. Sa pagtuklas ng mga pamamaraan sa organiko at likas-kayang pagsasaka, sinusubukang lutasin ang suliranin sa malaking gastos sa produksyon at pagkatanikala sa komersyanteng usura, na ibinubunsod ng pagsalig sa kumbensyunal na paraan ng pagsasaka.

Ang ganitong praktikal na pagpapahusay sa syensyang pang-agrikultura, na inilalapat din ng mga progresibong sentro ng pagsasanay para sa mga magsasaka gaya ng SIBAT at MASIPAG, at itinuturo sa kabataan sa maraming progresibong paaralan ng mga lumad sa Mindanao gaya ng ALCADEV, ay maituturing na anti-imperyalista, maka-kalikasan at mabuti para sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan. Sa pagsasapraktika ng organiko at likas-kayang pagsasaka sa konteksto ng bungkalan, mulat na tinutunggali ang dominasyon ng mga binhi at input sa pagsasaka na nilikha ng mga imperyalista at dambuhalang korporasyong agrokemikal, na pinakikinabangan din ng mga panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador. Itinatakwil din ang paggamit ng mga nakalalasong agrokemikal dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan ng mga manggagawang agrikultural, sa latak ng lason na naiiwan sa mismong produktong pagkain, at sa dulot nitong polusyon at pinsala sa komunidad at kapaligiran.

Nasa aklat ang dokumentasyon ng UMA sa pagtatayo ng isang modelong organikong sakahan sa Hacienda Luisita noong 2015 – sa isang banda ay maaari itong ituring na maikli ngunit mabungang eksperimentasyon sa syensyang panlipunan at syensyang pangkalikasan. Habang binebreyktru ang paglalapat ng organikong pagsasaka, sinubukan ding hamunin ang sistemang sahuran sa pamamagitan ng kolektibong paggawa at paglalapat ng sistema ng work points upang matuos ang partisipasyon at karampatang hati sa produksyon ng bawat kalahok na magsasaka.

Itinuturo lamang ng karanasan sa pakikibaka na dapat magpupunyagi sa sama-samang bungkalan. Dapat maging tuluy-tuloy ang pagpapataas ng antas ng kamulatan at militansya sa hanay ng organisadong magbubukid sa harap ng umuusbong na bagong mga kontradiksyon.

Karanasan sa Negros

BUKOD SA HACIENDA LUISITA, mahalaga ring paghalawan ng aral ang karanasan ng mga manggagawang-bukid sa tubuhan sa Isla ng Negros, sa pangunguna ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), isang pambansang pederasyon ng mga manggagawa sa asukal na itinatag noong 1971. Kabilang ang NFSW sa mga tagapagtatag ng UMA nang itayo ito noong Enero 2005, dalawang buwan lamang makaraan ang masaker sa Hacienda Luisita.

Sa Negros nagmumula ang nasa kalahati ng kabuuang produksyon ng asukal sa bansa. Matatagpuan dito ang ilang ulit na replikasyon ng tipikal na Hacienda Luisita – sa relasyong pyudal na ipinataw ng mga panginoong maylupa, at mala-aliping pasahod at pandarahas laban sa abang manggagawang-bukid at sakada sa mga haciendang tubuhan. Sa Negros ay mayroon ding Cojuangco, may Roxas, Araneta, Marañon, Ledesma, Benedicto at iba pa.

FILE PHOTO: More than 40 sugar workers occupied Hacienda Ilimnan in barangay Sta. Rosa, Murcia town to plant food crops. (Photo courtesy of the National Federation of Sugar Workers)

Bago pa man ipatupad ang CARP, inilunsad na ng NFSW ang tinatawag nitong “farmlots program” o mga tipong-“bungkalan” na inisyatiba na ikinasa sa mga hacienda. Dito, ang mga lokal na unyon ng mga manggagawang-bukid, bilang bahagi ng pakikipagdayalogo, o di kaya ay sa kasunduan sa kolektibong pakikipagtawaran o CBA (collective bargaining agreement), ang naggigiit sa haciendero na maglaan ng isang bahagi ng tubuhan bilang loteng sakahan na kolektibong lilinangin para sa produksyon ng pagkain. Partikular na tinutugunan ng “farmlots program” ang taunang krisis o penomenon na tinatawag na “tiempo muerto” (dead season) o taggutom sa panahong tigil ang produksyon ng tubo at asukal.

Sa kalaunan, gaya na rin ng aral sa Hacienda Luisita, tinatanaw ng ganitong mga pagkilos ang pangkalahatang pagbubuwag sa monopolyo sa lupa o tuluyang pagbaklas sa sistemang hacienda. Ito ang katangian ngayon ng mga bungkalan o LCA (land cultivation area) na itinayo ng NFSW at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa iba’t ibang bahagi ng Negros mula 2008.

Gaya rin ng karanasan ng Hacienda Luisita, kahit nakasalang pa lang ang mga legal na rekisito gaya ng mga kaso o petisyon para sa pagpapasaklaw sa reporma sa lupa (petition for land reform coverage), ikinakasa na ng organisadong magbubukid ang mga bungkalan. Hindi na nila hinihintay pa ang mga katibayang papeles mula sa gobyerno. Sa karanasan ng Negros, usad-pagong o umaabot ng ilang dekada ang legal na prosesong ito. Kahit sa panahong ito na paso na ang CARP, ang bulto ng baklag sa reporma sa lupa ng gobyerno ay matatagpuan pa rin sa isla ng Negros.

Sa kaso ng Hacienda Sofia sa Hilagang Negros, halimbawa, taong 1995 pa nang magpetisyon ang mga manggagawang-bukid para sa reporma sa lupa. 14 taon muna ang lumipas, o noong taong 2009, nang magpasya ang mga manggagawang-bukid na okupahin ang lupa at ilunsad ang bungkalan. Isinagawa ang militanteng pagkilos at matapang na kumprontasyon sa panginoong maylupa at armadong alipures nito. Ang dating sistemang hacienda ay binuwag at ginawang komunal na taniman. Pinangibabawan din ang kawalan ng sariling makina at kagamitan sa pamamagitan ng pursigidong paggawa – ang pagbubukas ng palayan, halimbawa, noong una ay ginawa sa pamamagitan ng “lasak” o paglilinang sa lupa gamit lamang ang mga paa. Naglaan ng mga loteng sakahan para sa pagkaing mais, palay at gulay habang pinanatiling tubuhan ang malaking bahagi ng dating hacienda.

Sa pamamagitan ng organisasyong magsasaka, ang Panaghiusa sa Kalambungan, ipinatupad ang sistemang “bayanihan” na kinumbina sa isang antas ng kooperatibisasyon na nagtiyak ng mas mataas na pasahod at dibidendo para sa mga kalahok sa produksyon. Nagkaroon din ng sariling taniman ng gulay at halamang-ugat ang bawat pamilya para sa sariling konsumo. Bago ang bungkalan, ang bawat manggagawang-bukid ay sumasahod lamang ng nasa P35 sa bawat anim na oras na trabaho. Sa pamamagitan ng organisasyon, itinakda noong 2009 ang istandard na P255 arawang sahod para sa 8 oras na trabaho, na halos kapantay na ng takdang minimum na sahod para sa manggagawang agrikultural sa rehiyon sa kasalukuyan (P 256.50).

Matapos ang apat na taon, nakapagpundar na rin ang organisasyon ng sariling mga kagamitan gaya ng traktora, kuliglig, treser, sheler, at makinang patubig. Bukod sa sahod, mayroon ding taunang dibidendo mula sa kinita ng organisasyon sa pagtatanim ng tubo. Noong 2015, nakatanggap ang bawat isa sa 160 myembro nito ng P8,000 bilang dibidendo. Sa kalaunan, dahil na rin sa kanilang matibay na katayuan bilang mga magsasakang aktwal na nagbubungkal, naigawad na rin ang kanilang mga CLOA nito lamang 2012.

Libu-libong ektarya na ang saklaw ng mga bungkalan sa iba’t ibang bahagi ng Negros. Sa Hilaga at Gitnang bahagi ng isla, nasa 80 hacienda na ang pinaglunsaran ng bungkalan at nagbebenepisyo rito ang may 3,156 pamilyang magbubukid. Nahahati ang mga bungkalan sa mga indibidwal at komunal na sakahan. Sa Central Negros halimbawa, nasa 20% ng mga bungkalan ang nakalaan sa komunal o kolektibong pagsasaka habang ang kalakhan o 80% ay saklaw ng mga indibidwal o pamilya.

Trial farm of Buhi nga Aksyon para sa Kaaswagan kag pag-amlig para sa Seguridad sang Mangunguma kag Mamumugon (Bakas), an organization of organic farmers in Kabankalan, Negros Occidental. The trial farm is part of what used to be a 50-hectare Hacienda Florentino Galang, a foreclosed sugarcane plantation.

Isinasapraktika na sa mga bungkalan na ito ang paglilinang ng iba’t ibang uri ng pananim at patuloy na pinauunlad ang organikong pagsasaka. Bagamat may ilang suporta gaya ng binhi, input at paghahayupan mula sa mga NGO, ang mga bungkalan na ito ay walang natatamasang suporta mula sa gobyerno. Karamihan din ng mga magsasakang naglulunsad ng mga bungkalan ay nasasampahan ng sari-saring gawa-gawang kaso, ikinukulong, o nagiging target ng pamamaslang.

‘Buwagin’ at ‘Bungkalan’

BUNGKALAN ANG PAMAGAT NG AKLAT sapagkat salita ito na naging tampok sa nagpapatuloy na buhay-at-kamatayang pakikibaka ng mga magsasaka di lamang sa Hacienda Luisita kundi sa buong bansa. Sa unang malas, maaaring ikupot ang salitang “bungkalan” o ang ugat nitong “bungkal” sa nyutral o walang bahid-pulitikang proseso ng pagtatanim o produksyong agrikultural.

Ngunit ang pagbibigay-halaga o diin ng salitang ito sa mismong “pagbabanat ng buto” ika nga, o pag-aambag ng produktibong paggawa o productive labor ay mahalagang salik upang maging kargado ang salitang “bungkalan” ng militante at makauring tindig sa gitna ng marahas na tunggalian ng mga pwersa sa ekonomiya at pulitika sa lipunang Pilipino.

Sa pagbibigay ng diin o pangunahing kahalagahan sa produktibong paggawa, may antas ng maka-manggagawa o proletaryong kamulatan na pinapanday sa bungkalan. Hinihiling nito sa pangunahin ang pagbubuklod ng pinakaapi sa kanayunan, ang mga maralitang magsasaka at manggagawang-bukid, upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at demokratikong interes, at maisagawa ang mapangahas na pagposisyon sa lupa. Ginagagap ng magbubukid ang kanilang kapangyarihan bilang pwersa sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng aktwal na paghamon at unti-unting pagwasak sa lumang pyudal na relasyon at kapangyarihan sa kanayunan na nakabatay sa monopolyo at pribadong pag-aari.

Ang “bungkalan” ay mapangahas na pagposisyon at paglilinang sa mga lupaing kinokontrol ng mga panginoong maylupa o dambuhalang korporasyon. Dahil sa sama-samang pagkilos, ang simpleng inisyatiba sa pagtatanim o produksyon ng pagkain ay nagiging isang makapangyarihang kilusang masa.

Ang pagtatanim ng palay o gulay para sa konsumo ng pamilya o komunidad sa gitna ng malalawak na hacienda o plantasyong monokultura o iisa ang uri ng pananim, ay mapangahas na pagsuway sa “utos ng hari.” Ito ay seryosong hamon sa monopolyo at kapangyarihan ng haciendero. Kung kaya ang “bungkalan,” ay di na lamang simpleng pangibabaw na pantawid-gutom ng hikahos na magsasaka. Kakambal ngayon ng “bungkalan” ang kampanyang “buwagin” ang mga hacienda at tuluyan nang wakasan ang monopolyo ng mga panginoong maylupa.

Ang magsasaka ay dati namang nagbubungkal, ngunit ang kanyang pinagpawisan ay para lamang sa kapritso at pakinabang ng mapagsamantala. Ang pasya ng magbubukid na bawiin ang lupa – ang okupasyon at paglilinang upang maging ganap itong produktibo para sa kapakanan ng komunidad at kauri – ay bangungot para sa mga ganid at mangangamkam.

Kasaysayan ang magpapatotoo: ang masang magbubukid ay walang maaasahan sa estadong pinatatakbo ayon sa interes ng panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador at imperyalista. Paulit-ulit nang nilinlang ang magsasaka sa mga huwad na programa sa reporma sa lupa. Hanggang ngayon ay hindi rin pinalulusot sa Kongreso ang mga progresibong panukalang batas gaya ng Genuine Agrarian Reform Bill o GARB, na isang dekada nang paulit-ulit na isinusumite ng Anakpawis Partylist at Makabayan bloc.

Para sa mulat at organisadong magbubukid, dapat lamang na igiit ang karapatan sa iba’t ibang larangan, gaya ng mga petisyon, kasong legal, pagsusulong ng lehislasyon, at protesta sa lansangan. Ngunit magiging mabuway o mawawalan ng saysay ang mga tagumpay sa korte o mga papel na katibayan kung walang bungkalan. Wala nang mas matibay pang patunay ng kanilang karapatan sa lupa kundi ang mismong pagposisyon at paglilinang. Sa ganito, ang “bungkalan” ay itinuturing na muhon ng pakikibaka para sa lupa.

Sa erya ng Buffalo, Tamaraw, Limus o BTL sa loob ng Central Mindanao University (CMU) sa Bukidnon, halimbawa, ilang dekadang nakipaglaban para sa lupa ang mga magsasakang nagbubungkal. Marahas silang pinalalayas upang mabigyang-daan ang mga plantasyon ng pinya o saging, at planong rentahan ng malalaking korporasyon ang mga lupain ng unibersidad. Polisiya rin ng CMU ang paghahabol ng mapagkakakitaan, gaya na rin ng kalakaran sa iba pang state university gaya ng UP. Sa kabila ng mga pagkatalo sa legal na larangan, o kahit walang mga papeles o katibayan, sama-samang nilinang ng mga magsasaka ang may 400 ektaryang palayan. Ang maunlad na bungkalan na ilang dekadang namantini sa BTL ang siya na mismong magpapatunay na magsasaka ang siyang dapat na may karapatan sa lupa.

FILE PHOTO: The watch tower inside the RCBC compound topples down amid cheering farm workers inside Hacienda Luisita on April 24, 2017 (Photo by Amihan Mabalay/Bulatlat)

Ngayong taon, sa Hacienda Luisita rin inihudyat ng pagputok ng pambansang kampanya ng mga magsasaka upang “buwagin” ang mga hacienda at plantasyon, at kasabay nito ay ilunsad ang mapangahas na mga “bungkalan” sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Di na nakapagtataka kung marinig natin ang salitang “bungkalan” sa militanteng pagkilos ng mga magsasaka, gaya ng naikakasa na ngayon sa plantasyon ng Lapanday sa Madaum, Tagum City; sa Hacienda Roxas at Kapdula sa Batangas at Cavite; sa mga korporasyong ECJ ni Danding Cojuangco sa Negros; o di kaya ay sa mga ladyaw ng Masbate at Bikol, sa Palawan, Panay, Bohol, Samar at Leyte, at sa iba’t ibang panig ng Mindanao.

Digmang Magsasaka

HINDI MAKUKUMPLETO ANG PAGTALAKAY sa mga konseptong lakip sa salitang “bungkalan” kung hindi tatalakayin ang katotohanan ng digma. Sa kasaysayan, ang kalat-kalat na mga pag-aalsang magsasaka gaya ng tinawag na mga tulisanes, kolorum, pulahanes at mga milenaryan ay ilang ulit na sinupil – talamak ang pamamaslang at masaker sa kanayunan. Ang diwang mapaghimagsik ng masang magsasaka, samantala, ay pinakakalma sa pamamagitan ng mga buhong na pangako at iba’t ibang huwad na programa. Masaker din ang tugon sa ligal na pagkilos ng mga magsasaka, gaya na rin ng karanasan sa Mendiola, Hacienda Luisita at Kidapawan.

Sa gitna ng napakaigting na krisis panlipunan, di maikakaila na nariyan pa rin ang mga kondisyon para sa armadong pagbangon, at makatwiran lamang ang maghimagsik. Hindi pa tapos ang pambansa-demokratikong rebolusyon nina Bonifacio at ng Katipunan, na inilunsad upang bawiin ang ating mga lupain mula sa mananakop at ganap na palayain ang sambayanan mula sa dayuhang kapangyarihan.

Sa panahong ito, hindi na dapat maging lingid sa atin ang pag-iral ng dalawang gobyerno sa Pilipinas. Maaari na ring ipagpalagay na ang pinakamaunlad na pagsasapraktika ng mga tipong-“bungkalan” na anyo ng pagpawi sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala at kaakibat na pagpapaunlad sa ekonomiya ng kanayunan, ay kasalukuyan nang umiiral at pinangangasiwaan ng “kabilang gobyerno” – sa mga base at sonang gerilya na saklaw at ipinagtatanggol ng Bagong Hukbong Bayan o NPA – na kinakatawan naman ng National Democratic Front o NDF sa naunsyaming usapang pangkapayapaan o peace talks.

Mula pa noong maagang bahagi ng Dekada ’70, nakapagbalangkas na ang Partido Komunista ng Pilipinas o CPP ng isang rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa, na may minimum at maksimum na programa. Ipinagpatuloy ng CPP-NPA-NDF ang pambansa-demokratikong rebolusyon, sa bagong tipo nito na may sosyalistang perspektiba at may malinaw na pamumuno ng proletaryado. Inilulunsad nito ang armadong pakikibaka kaakibat ng pagbubuo ng baseng masa at rebolusyong agraryo. Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ang paglutas sa problema sa lupa ng masang magsasaka, kung kaya’t ang digmang bayan ay tinatawag din na isang digmang magsasaka.

Sa loob ng halos kalahating siglong pag-iral ng rebolusyonaryong kilusan, di na matatawaran ang impluwensya nito sa paghubog ng kasaysayan at lipunan. Nasa ubod ng militanteng katangian ng “bungkalan” ang proletaryong paninindigan at pamamaraan na tumatanaw sa sosyalismo, o sa mulat na pagsasaalang-alang sa kapakanan at pangangailangan ng mamamayan habang pinahuhusay o ginagawang maunlad ang produksyon. Ang sama-samang at organisadong pagkilos ay inaasahang magbunsod ng mas maunlad na resulta dahil nagiging konsentrado, episyente, at mas mataas ang kalidad at kantidad ng produksyon. Nililinang din nito ang prinsipyo ng pag-asa sa sarili o self reliance.

Isandaang taon na rin mula noong 1917, nang itatag ang unang sosyalistang estado sa daigdig sa Rebolusyong Oktubre ng Rusya, at ginugunita ito ngayon ng rebolusyonaryong manggagawa sa buong mundo. Ipinapaalala lamang nito ang posibilidad ng rebolusyonaryong pagbabago sa panahong napakaigting din ng krisis sa pandaigdigang larangan.

Kung tutuusin, bukod sa salitang “bungkalan,” nagkakaroon lamang ng progresibo o rebolusyonaryong pakahulugan ang di-iilang katutubong termino na tumutukoy sa mga kasanayan o tradisyong agrikultural sa Pilipinas nang dahil sa impluwensya at praktika ng pambansa-demokratikong kilusan. Ang “paluwagan” o kampanya sa pagtitipid at sama-samang pag-iimpok halimbawa, ay nagiging sandata ng magbubukid kung ito’y mulat na isasagawa upang labanan ang pyudal o komersyanteng usura. Samantala, bawat rehiyon ng bansa ay may katutubong salita para sa palitan ng paggawa (mutual aid), na naging kasanayan na ng organisadong masa upang mabawasan ang gastos sa produksyon sa mga indibidwal na sakahan. Ito’y tinatawag na “suyuan” o “batarisan” sa Tagalog; “ammoyo” sa Iloko; “saup-saup” sa Kapampangan;” “luyo-luyo” sa Bikol; at “tiklos,” “aglayon,” at “hunglunan,” sa iba’t ibang wikang Bisaya.

Gaya ng mahalagang aral sa karanasan ng rebolusyong agraryo at sosyalistang konstruksyon sa Tsina, hindi ang pag-aari o kontrol sa lupa ang ginagawang kolektibo sa unang hakbang na ito ng kooperasyon, kundi ang mulat at organisadong pagpapalitan ng paggawa o labor exchange. Mula sa ganitong praktika, nagiging madulas ang pag-unlad tungo sa mga kooperatibang bungkalan o pagbubuklod ng mga indibidwal na sakahan para sa mas malawak na produksyon at pagtutulungan. Nagiging malakihan din ang saklaw ng palitan ng paggawa, na di na lamang sa pagitan ng mga indibidwal na magbubukid o pamilya, kundi sa pagitan na ng iba’t ibang grupo sa paggawa o work teams ng mga kooperatibang bungkalan.

BULATLAT FILE PHOTO:Progressive leaders in formation while sowing mung bean seeds in Balete village, Tarlac City inside Hacienda Luisita (Photo by Dee Ayroso/Bulatlat)

Ang kolektibong diwa at iba pang anyo ng kooperasyon at sama-samang produksyon, gaya ng mga komunal na taniman ng gulay o halamang gamot, pagpaparami ng mga punongkahoy at bungangkahoy, pangangalaga sa mga tubigan o watershed, iba pang dagdag kabuhayan, at pati na rin mga pangkulturang aktibidad gaya ng kampanya sa literasiya at numerasiya, isports at paglilibang ay pawang lahat para sa kapakanan ng nakararami. Nalilinang ito sa komunidad sa balangkas ng tuluy-tuloy na pakikipaglaban para sa pambansang demokrasya, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Katumbas na rin ito, kung tutuusin, ng pagpupundar ng magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Sa kabilang banda, sistematiko rin ang tangka ng estado upang tuluyang baligtarin ang progresibong diwa na lakip sa mga katutubong salitang pinanday sa pakikibaka ng masa. Ang salitang “bayanihan” halimbawa na nabanggit nating isinasapraktika sa bungkalan sa Negros ay orihinal na tumutukoy sa tradisyon ng pagtutulungan sa nayon, o mas partikular sa sama-samang pagbubuhat ng kubo upang tulungang maglipat ng bahay ang isang pamilyang magsasaka. “Oplan Bayanihan” ang ginawang pangalan ng kontra-insurhensiyang plano ng militar sa panahon ni Noynoy Aquino.

Sa halip na tumukoy sa progresibong praktika sa produksyon na isinasagawa ng organisadong magsasaka, ang kooperasyon sa “bayanihan” ay ginawang singkahulugan ng kompromiso at kooptasyon. Ang pakikipagtulungan sa madugong Oplan Bayanihan ni Aquino ay naging katumbas ng panatikong anti-komunismo, militarisasyon, panunupil at pamamaslang na ang kadalasang biktima ay ordinaryong mga sibiliyan sa kanayunan, mga aktibista at iba pang mga tagasuporta ng mga pakikibakang magsasaka at kilusang masa.

Ang kasalukuyang kontra-insurhensyang plano ng rehimeng Duterte ay tinatawag namang “Oplan Kapayapaan.” Ngunit sa lungsod at nayon, nililigalig na ang mamamayan ng patung-patong na giyera at patayang walang kapararakan. May giyera kontra sa droga na kumitil na ng buhay ng libu-libong maralita, kabilang ang mga inosente at mga bata. May giyera kontra sa mga tinaguriang terorista sa di matapus-tapos na krisis sa Marawi at Batas Militar sa buong Mindanao. Nakaapekto na ito sa daang-libong sibilyan at lalo lamang nitong pinaypayan ang diskriminasyon laban sa mamamayang Moro, habang pinabubuwelo ang panghihimasok ng mga tropang Amerikano. Inilunsad din ni Duterte ang todo-giyera laban sa CPP-NPA-NDF sa gitna ng usapang pangkapayapaan na naglalayon sanang tumalakay sa mga batayang repormang sosyo-ekonomiko gaya ng tunay na reporma sa lupa na siyang tutugon sa mga ugat ng armadong tunggalian.

Aktibong sinuportahan at matamang sinubaybayan ng UMA at iba pang mga progresibong grupo ang takbo ng usapang pangkapayapaan. Bukambibig pa nga ng mga kinatawan ng gubyernong Duterte na pabor ito sa panukala ng NDFP para sa libreng pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka. Noong panahon ng eleksyon, bukambibig na rin ni Duterte mismo ang pangakong libreng serbisyong irigasyon. Ibabalik na rin diumano sa magniniyog ang coco levy funds. Ngunit hanggang ngayon ay nakabinbin ang lahat ng ito, maski na rin ang pagsasakatuparan ng dalawang-taong moratoryo o pagbabawal sa pagpapalit-gamit ng lupa o land use conversion, na inaprubahan noon pang nakaraang taon ng Presidential Agrarian Reform Council na pinamumunuan ng pangulo mismo.

Samantala, ang mahuhusay at sinserong lingkod-bayan na naitalaga sa gabinete gaya nina Gina Lopez at Judy Taguiwalo ay pinaglalaglag na, at ngayong darating na Agosto 30, sa sesyon ng Commission on Appointments, malalaman natin kung matatanggal o magtatagal pa ba si Ka Paeng o Sec. Rafael Mariano sa kanyang tungkulin bilang kauna-unahang magsasaka na naitalagang Kalihim ng Department of Agrarian Reform.

Ngayo’y mga neoliberal na tuta, militarista’t dating heneral ang namumugad at nagdodomina sa pamahalaan. Mahigit 70 na ang magsasakang biktima ng pagpaslang sa ilalim ni Duterte – kahapon ay may magsasaka na namang pinaslang sa Compostela Valley kung saan nakatala ang pinakaraming bilang ng magsasakang biktima. Ang banta ni Duterte na bobombahin ang mga paaralan ng mga lumad ay hindi na lamang banta, sapagkat ilang buwan na mula nang simulan ang pambobomba o air strikes sa mga komunidad ng magsasaka sa Abra, Bohol, Samar, at iba’t ibang bahagi ng Mindanao labas sa Marawi, bago pa man ipataw ang Batas Militar.

Ang bungkalan ng magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa ay patotoo na ang kilusang magbubukid at ang masa ng sambayanan ay puspusang nakikibaka para sa tunay na pagbabago. Ang mulat na masa ay hindi mga pasibo o tuod na naghihintay sa swerte o tagapagligtas, pawang nakahilata at nakanganga sa mahuhulog na bayabas – ang mulat ay hindi bulag o pikit-matang umaasa sa mga bukambibig o pangako ng mga tuso. Ang masa ang tagapaglikha ng yaman at kasaysayan. Nasa kamay ng sambayanan ang paglutas sa problema sa lupa, at sa katuus-tuusan ito ang maghahatid ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan.

Sa huli, hanggang salita lamang ang “kapayapaan,” “pagbabago” at “kaunlaran,” hangga’t hindi nalulutas ang pinakamalaking suliranin ng mga magsasakang siyang bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng ating lipunan.

A Dammak-Ba farmer clears the land to prepare for tilling during the May 17, 2017 bungkalan in the Sanggalang estate, Baloc,
Sto. Domingo, Nueva Ecija (Photo by Arrem Alcaraz/Radyo Natin Guimba)

Mga sanggunian:

“Bungkalan: Asserting Collective Land Ownership,” Ilang-ilang Quijano, mula sa Asserting and Defending People’s Rights, Exercising People’s Sovereignty, IBON International, 2017
BUNGKALAN: Manwal sa Organikong Pagsasaka, UMA, UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino, 2017
“Bungkalan campaign of Negros farmers, the concretization of the peasant struggle” mula sa http://kilusangmagbubukid.weebly.com/1/post/2010/10/bungkalan-campaign-of-negros-farmers-the-concretization-of-the-peasant-struggle.html
“Espesyal na Kursong Masa sa Kilusang Magsasaka, Kababaihan at Kabataan” mula sa www.padepaonline.com
“Hacienda Luisita workers reap gains from bungkalan” mula sa https://www.bulatlat.com/2005/10/15/hacienda-luisita-workers-reap-gains-from-bungkalan/
“LCA: Negros Situation and Struggles,” (powerpoint presentation), National Federation of Sugar Workers, 2017
Mga isyu ng ANG UMA, Opisyal na Publikasyon ng UMA, mula 2015-2017 www.umapilipinas.wordpress.com
Mga artikulo mula sa www.philippinerevolution.info
Mga pahayag at dokumento mula sa ika-8 Pambansang Kongreso ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Hulyo 2017, at www.kilusangmagbubukidngpilipinas.com
Mga ulat mula sa www.karapatan.org
Philippine Society and Revolution, Amado Guerrero, 1970, 2006
“Tug of War,” Lyn Pano mula sa Asserting and Defending People’s Rights, Exercising People’s Sovereignty, IBON International, 2017

Share This Post