Ka Zola: Biag Ti Banwar

Leonardo Manahans portrait by Max Santiago
Leonardo Manahans portrait by Max Santiago

Ni TONY BORIAGA

Naaalaala mo ba
Ang mga ngiti at saya
Noong tayo’y mag-aaral pa?
Naaalaala mo ba
Na nilunod ito ng galit at himagsik
Dahil kumislap sa ating mga mata?
Ang mga paang nakakadena sa parang
At ang puting hawla
Na nagkulong sa ating kalayaan
Naaalaala mo?
Kaya mas pinili natin
Ang bayan at masa
Para alayan sila ng ngiti at saya?
Naaalaala mo ba, kasama?
Maging buong buhay man ang kapalit?
Naaalaala mo ba
Nang tahakin mo ang kabundukan
Para tuparin ang pangako sa sambayanan: lupa at kalayaan?
Ang pagtalikod sa uri’t pangarap?
Ang pagtipa sa armas?
Ang gawing dapo
Sa iyong maapoy na dibdib ang sosyalismo?
Naaalaala mo ba ang lahat ng ito? Naaalaala mo?
Hindi. Hindi na.

Tulad mo’y hamog
Sa mga uhaw na damuhan.
Tulad mo’y malayang hangin, bumagtas
At magiting na humaplos sa mga bulaklak
Na nangangalirang sa parang.
Agimat mo’y hindi ang nganga,
Kundi ang lakas at kalinga ng masa,
Ang pulang tala at baril,
Ang gubat at kabundukan.
Sumaksi sa iyong kadakilaan
Ang makitid na kulungan,
Ang mga bakas ng bala sa iyong katawan,
Ang iyong karamdaman,
Ang mga higanteng tulad ni liddawa.
Ang mga ito ba’y pumigil sa rubdob ng iyong pakikibaka?
Hindi. Hindi.

Ang kamatayan?
Ang kamatayan lamang…

Pero bakit sa kabila nito,
Ang kaaway ay umiiyak?
Pagkat maraming banna at gassingga
Ang iniwan mong sandatahan.
Batid mo ba ang kanilang dalamhati
At pinakamataas na pagsaludo?
Ang mga pagluha?
Hindi. Hindi na.
O kasama! Bakit kay aga mong lumisan?
Pwede bang bumalik ka sa aming piling?

Bago ang huling hininga mo,
Batid ko ang tibok ng puso mo:
Sa magiting na kapasyahan
Ng maraming araw sa katanghalian
Sa lunsaran ng armadong labanan,
Daluyong ay higit na lalapit
Sa maaliwalas na dalampasigan…

At kung ako ma’y buhay na makarating,
Pangako,
Ihahalik kita sa sosyalismo.

Doo’y mabubuhay ka nang walang hanggan…

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post