Babae, Hawak mo ang Kalahati ng Kalangitan

Ni KRISELLE CARTALLA

Babae ka.
Pero hindi lang isang ordinaryong babae.
Isa ka ring manunulat, makata, mangingibig at madirigma.

Sumusulat ka hindi lang para sa mag-ingay
Dahil sa bawat paglathala mo’y kalakip nito ang mga kwento at sanaysay mong may saysay.

Tumutula ka hindi lang para magpasikat
Dahil ang boses mo ang iyong puhunan sa pagpukaw sa atensyon ng mga nagbibingi-bingihan at bulag sa mabubulak na salita.
Bawat binibitawang salita ay siguradong may kurot
Kurot na nanunuot, sasapat para ika’y magpuyos.

Umiibig ka hindi lang para sa sarili mo.
Dahil alam mong ang tunay na pag-ibig ay walang hinihintay na kapalit.
Gaano man kasakit ay iindahin.
Pag-ibig na hindi lamang umiikot sa mga makamundong bagay.
At higit sa anupaman ay nangangahulugang ang pag-ibig ay walang hanggang pakikibaka.

Lumalaban ka hindi lang para manggulo
Dahil ang pagbalikwas sa kabalintunaan ang nararapat
Handang ialay ang buhay para kay Inang Bayan
Ng walang bahid ng pag-aalinlangan.

Tandaan mo, babae ka.
Pero hindi lang isang ordinaryong babae
Dahil hawak mo ang kalahati ng kalangitan.

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post