Para sa dating Pangulong Marcos

Ni GLEN SALES

Ngayong malapit nang ilibing ang
Iyong katawan sa Libingan ng mga Bayani.

Ngayong nagpapalakpakan, naghahalakhakan
Ang iyong mga tagasuporta sa kanilang tagumpay.

Alalahanin ang mga Ama at Inang nawalan ng Anak.
Alalahanin ang mga anak na nawalan ng mga Ina.

Alalahanin ang mga Inang nawalan ng asawa.
Alalahanin ang mga Ama , Ina at Anak na nawalan ng mga kaanak .

Nagnanaknak ang mga sugat , sumbat sa hangin , sibat sa dibdib

Muli’t muling nanariwa ang mga sugat ng panahon
Na hindi naghihilom , mapaghihilom .
Lagi’t laging maiaahon ang katotohanang may halimaw na gumalaw
Tumunaw sa pag-asa

Silang naghahangad lamang ng makatarungang lipunan
Silang mga taas- kamaong may bayag
Silang nagsisindi lamang ng ilaw sa gitna ng karimlan
Na tinugon sa pagpapakain sa kanila ng bala, gahasa, paglunod , paglibing ng buhay
Alalahanin ang awit ng kanilang mga kalansay
Alalahanin ang kanilang saysay
Alalahanin ang saysay ng kanilang pagkabuhay .

Mga dila ng apoy
Mga pangalang hindi malulusaw , hindi dapat malusaw sa isipan.
Muli, sa nalalapit na paglilibing ng iyong katawan
Sa libingan ng aming mga bayani.

Alalahanin ang mga martir,
Sila, silang mga hindi marapat ilibing sa mga lumot ng paglimot

Silang mga tunay na bayani. (http://bulatlat.com)

Share This Post