Kay Wendell/ Waquin*

Ni JOI BARRIOS-LEBLANC
Bayan Women’s Desk

Ipinanganak ka’t lumisan na magkaiba ang pangalan.
Wendell. Ka Waquin.
Kung paano tinatalikuran
ang uring pinagmulan
para yakapin ang paninindigan.

Maging pulang mandirigma.
Wendell. Wanda. Wak-wak Queen ng Bundok Diwata.
O ang kuwento,
kung paano ang isang tao
ay sabay na naging totoo sa sarili
at tapat sa layon at mithi.
Ang kamay mong may tangan na armas,
ay kamay ring pumitas
ng mga bulaklak sa gubat.
Ang talino na kayang magplano
ng taktikal na opensiba,
ay may puso na buong pagmamahal
ding naghanda para sa kasal
ng mga kasama.
Tunay, isa kang guro, manunulat, at rebolusyonaryo,
At higit pa, higit pa riyan,
dahil mandirigma kang nagsasadiwata.

Kaya’t heto kami, kasama.
Sanlibo’t isang saludo
Sa iyong tapang at ganda.
Ipinagluluksa ka,
habang sabay na naninibugho
na hindi umabot sa kalingkingan
ng iyong sakripisyo
at kagitingan.
Mabuhay ka, Wendell, Wanda,
Ka Waquin, Wak-wak Queen ng Bundok Diwata.
Kayrangal mong anak ng bayan.
Bayani kang ngayon, at kailanman,
ay dapat, dapat pagpugayan.

Agosto 2, 2016, Haverhill, MA

* Nasulat ko ito matapos mabasa ang Liham: In Memory of Wendell “Ka Waquin” Gumban” ni Ka Ben na nalathala sa Pinoy Weekly. http://pinoyweekly.org/new/2016/08/in-memory-of-wendell-ka-waquin-gumban/. Naiyak ako habang nanonood ng mga ibong pula at asul, at binibisita ng mga pabong naligaw sa aking bakuran.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. salamat joi barrios sa iyong nagsasabuhay na tula

Comments are closed.