Ni ROMMEL PIPOY LINATOC
Maraming simbulo ang Kaalaman.
Sinusukat ng gradong Iyong kinalugdan,
Itinatak sa pirasong papel ang pangalan.
Ngunit, kulang ang mga ito sa karunungan.
Ang sinaulong katuruan , madali ang paghiwalay
Babansutin ang sarili, mauupos ang iyong malay.
Pagsusunog ng kilay ay ganap ang saysay
Kung sa bawat aralin, kaliwanagan ang pakay
Kakayahang pinanday sa kalagayan ng sangnilikha;
Lalim ng kaisipan ay lalaya sa sambayanan may pagkalinga.
Kapag sa sarili ang sipag at tiyaga ang panata,
Iyong namang buksan ang diwa sa malawak na balana.
Kaisipan, Karunungan , at Kamalayan
Magkakaug-nay ang kahulugan tungo sa Kaliwanagan
Ibahagi ang kakayahan,tumugon sa panawagan
Talino ay may katuturan kung kaakibat ang paglaya ng bayan.
Si Rommel Pipoy Linatoc ay mandudula, mananaliksik at isang ecumenical development worker; Isa din siyang Propesor sa University of the Philippines at Philippine Women’s University.