#BigasHindiBala | Bullet Points

'RICE NOT BULLETS.' Visual artists of the group Bleep of Davao City sit by their mural. (Photo by Kilab Multimedia)
‘RICE NOT BULLETS.’ Visual artists of the group Bleep in front of their mural in Davao City . (Photo by Kilab Multimedia)

Ni TILDE ACUÑA
Bulatlat.com

1. Batayang pangangailangan ang bigas sa bayang agrikultural.
2. Kapag natuyo ang sakahan, magkakaroon ng kakulangan sa bigas.
3. Magsasaka ang nagtatanim, ang nagbabayo, ang nagsasaing.
4. Panginoong maylupa at usurero ang labis kung kumain.
5. Kapag El Nino, tag-tuyot. Kapag tag-tuyot, tag-gutom.
6. Kapag krisis, dapat tulungan ng gobyerno ang mamamayan.
7. Kalakhan ng populasyon ng bayang agrikultural, magsasaka.
8. Kapag hindi ginawa ng gobyerno ang tungkulin, mag-uusap muna.
9. Kapag hindi pa rin umaksyon ang gobyerno, mag-po-protesta ang magsasaka.
10. Kapag kongkreto ang kapal ng mukha ng gobyerno, mag-ba-barikada.
11. Tungkulin ng gobyernong tugunan ang pangangailangan ng sambayanan.
12. Gobyerno lang ang nakapaniningil ng buwis at nagpapasya sa paggastos ng bansa.
13. Kung gayon, dapat iasa sa gobyerno ang batayang serbisyo para sa taumbayan.
14. Tungkulin ng gobyernong alalayan ang mamamayan sa panahon ng crisis (see #6)
15. Prayoridad dapat ng gobyerno ang mga vulnerable sa crisis tulad ng El Nino (see #5#6#7)
16. Kusang-loob dapat ang prayoritisasyong ito ng gobyerno.
17. Kundi magkusa ang gobyerno, dapat paalalahanan (see #8#9#10).
18. Kung pinaalalahanan na (see #8#9#10), dapat umaksyon ang pamahalaan.
19. Kung pamamaril ang aksyon ng mga pulis na hinudyatan ng gobyerno, kundenahin.
20. Sa ulan ng bala, sumilong sa tahanan ng mga kasama at kaibigan, bawiin ang lakas.
21. Kung pinalibutan pa ng mga pulis ang silungan ng sugatang mga magsasaka
22. Kung nag-banta ang gobyerno sa kaibigang nagpasilong sa mga magsasaka
23. Kung nag-isyu ng warrant ang gobyerno para damputin ang magsasaka
24. Kung ang namaril pa ang magtatanim-bala ng ebidensyang laban sa dinahas
25. Kung ikinordon ng mga pulis ang simbahang kumupkop sa mga magsasaka
26. Kung pinutulan ng kuryente ang simbahang kumupkop sa mga sugatang magsasaka
27. Kung hinaharangan ang mga relief para sa sugatang magsasaka
28. Kung hindi nila tatantanan ang mga magsasakang nakikibaka, pagdidiskitahan pa ang mga inang nagdala ng anak na hindi maiwan sa bahay o sa ekswelang sinunog ng paramilitar
29. Kung hindi ibibigay ang ayudang responsibilidad ng gobyerno (see #15)
30. Kung hindi uugatin ang tunay na ugat ng barikada
31. Kung hinawi o i-dinisperse ang barikada para magbigay-daan (tuwid) sa red (duguan) carpet ng mga liberal na nangangampanya
32. Kung isisisi na naman sa mga nagprotestang una raw nambato at namalo
33. Kung isisisi na naman sa tamad na hampas-lupang na pala-asa raw sa gobyerno
34. Kung isisisi ang pagdadala ng bata sa barikada at hindi ang pagdadala ng bala
35. Kung isisisi na naman sa komunismo at hukbong bayan ang barikada ng mga magsasaka
36. Kung nananawagan sa “balanced reporting” at pakikiramay sa mga pulis na “biktima”
37. Kung kinakailangan pa ng sandamakmak na ebidensya para sa #1 to #36 t0 #47
38. Kung ang mga nagtatanim ng pagkain ang walang makain
39. Kung ang mga lumilikha ng yaman ng daigdig ang walang natatamasang yaman
40. Kung tambalang matapobreng imperyalista-haciendero-komprador ang namamayagpag
41. Kung ang bantay ang sumalakay at mga alagad ng batas ang lumalabag sa batas
42. Kung ligal na ariin ng iilan ang lahat at pagkaitan ang lahat ng iilan
43. Kung iligal ang pakikibaka nang walang pormal na pahintulot ng iilan
44. Kung ibabalita ng korporate media na heat stroke ang ikinamatay ng mga duguang magsasakang bumulagta matapos paulanan ng bala ng pulis at militar
45. Kung papatayin sa iba’t ibang paraan ang mamamayan para sa kaginhawaan ng iilan
46. Kung bala, hindi bigas, ang ipalalamon sa mga nananawagan para sa katarungan
47. Kailangan panagutin ang mga may pananagutan sa hukuman ng bayan. (http://bulatlat.com)

Share This Post