Hahayaan at Hindi* sa Halalan

File photo
File photo

Ni TILDE ACUÑA
Bulatlat.com

Ang mga may-ari ang nagsasabi kung ano ang maaari at ang hindi, ang kanilang papayagan at pipigilan, ang kanilang hahayaan, hihiyain, ipahihinto, itutuloy, yayariin, wawasakin. Ganito sa pambansa at pandaigdigang antas. Inaangkin ng mga hayok magkamal ng yaman maging ang mga salita; nasa kamay rin nila ang pamamahagi ng mga ito at ng iba pa, pagtukoy kung sinong makikinabang sa mga ito, pagpili kung sinong maeetsapwera sa alin. Bagamat nasa kamay ngayon ng iilan ang lahat, nasa bisig nating lahat ang pagbawi.

Halimbawa, mas madaling maisakatuparan ang kanilang OO at HINDI, samantalang kinakailangan pa ng daan, libo, daanlibo, milyong pirma, pakikilahok, pagkilos upang irehistro ang hinaing laban sa pagsasakatuparan o hindi nila ng batas; dagdag pa, sa hawak nilang mga institusyon, mas mabilis maipalaganap at maipatanggap ang nais nilang ipabatid, nais ipakahulugan, nais ibigay at bawiin, nais ipahintulot at ipagbawal. Mapabubulaanan ang monopolyo nila sa katotohanan ng pagpapakahulugang muli sa mga salita:

Boto. Maaaring makaboto ang taumbayan, pero hindi sila maaaring makapagluklok ng pangulo. Sa pamimili (salitang ugat: bili at pili) pa lang ng makatatakbo sa pagka-anuman, malapad na ang papel ng mga makapangyarihan sa negosyo at burukrasya: ang sinusuportahan nila ang magwawagi at makapapanatili hanggang matapos ang termino. Kundi kaibigan sa politika, kamag-anak at iba pang nasa sirkulo nila ang makauupo sa napagkasunduang pwesto. Teritoryong minana ng iilang angkan ang mga lupain at mga taong naninirahan sa mga ito: ang mga taong maaaring makaboto, pero hindi maaaring makapagluklok ng pangulo.

Bangko. Maaaring mangampanya ang taumbayan, maaaring magwagi ang ikinampanya nila upang maging mambabatas, pero hindi madaling maipapatupad ang panukalang batas ng mga kinatawan nila. Hindi lang sa lokal na may-ari nakasalalay ang kahihinatnan ng halalan at ang pamahalaang ibubunga ng “demokratikong proseso.” Mayroong mas malalaking mga may-ari sa mga lokal na may-ari at ito ang kapitapitagang mga bangkong namamahala sa sanlibutan at nagtatakda ng mga maaari at hindi ng sino at ng alin: ang International Monetary Fund at World Bank, ang mga may-ari ng demokrasya at huwaran ng soberanya. Hindi totoong walang nakatataas sa batas—o sa bibliya. Negosyo ang batas, neoliberalismo ang bibliya, bangko ang panginoon. Erehe ang sinumang magtatanong kung bakit.

Batas. Maaaring maipatupad ang panukalang batas ng nailuklok na kandidato kung pabor ito sa interes ng dayuhang kapital at adyendang neoliberal; samantala, ibibinbin ang panukala o ibabasura ng mayora ng mga mambabatas (o di kaya’y i-ve-veto ng presidente) kung kokontra, direkta man o di-direkta, sa interes ng IMF-WB. Hindi maaaring payagan ang mga panukalang batas tulad ng nasyunalisasyong industriyal, repormang agraryo, edukasyon para sa lahat at iba pang islogang makabuluhan para sa 99% ng mamamayan pero abstrakto sa 1% na nagsasabing lipas na ang mga panawagan dahil sa kasosyo sila sa negosyo ng mga korporasyong multinasyunal at panginoon sila ng ilang ektraryang asyenda. Maaaring lumabag sa batas, depende sa perang nakaimbak sa bangko at rekursong handing ibayad upang makabili ng laya.

Bago. Maaaring mangampanya ang taumbayan, maipanalo ang kanilang kandidato, magpanukala ng batas ang kinatawan, pero hindi maaaring maging sapat ang elektoral na tagumpay upang baguhin at baliktarin ang sistemang nakasandig sa relasyong panginoon-alipin na pinagtitibay ng kontrata ng Pilipinas sa IMF-WB. Maaaring lumahok sa halalan, anila at ng mga kasapakat nila, pero hindi maaaring hayaang guminhawa ang mamamayang may-utang sa amin, maliban na lang katuwang sila sa pang-aalipin. Sapat na ang bagong mukha, dagdag nila at ng mga kasapakat nila, upang masabing mayroong pagbabago at maaring muling mangarap—pero may hangganan ang pangangarap, hanggang doon lang sa itinakda nilang maaari mong makamit.

Sa kanilang mga itinakdang maaari at hindi, maaari tayong pumayag, maaari tayong pumalag, pero hindi maaaring wala tayong hakbang na gawin, dahil ang hindi natin paghakbang, paurong man o pasulong, ay nangangahulugan ng pagpayag na mapanatili ang kasalukuyang kalakaran: sila ang nagtatakda ng maaari at hindi. Maaaring hindi muna humakbang, paurong man o pasulong, upang magnilaynilay, pero hindi maaaring habambuhay magmatyag at maghintay sa kapalarang isinakatuparan, isinasakatuparan at isasakatuparan ng mga humirang sa mga hari, nagluklok sa mga presidente at nagbasbas sa mga diktador.

Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan ng lipunang ito, maaari tayong bumoto, pero hindi tayo makapagluluklok ng pamunuang lulutas sa sistemang pinagbabawalan tayong magluklok. Pero lalahok tayo sa halalan dahil maaari, at hindi dahil doon magsisimula ang pagbabagong inaasam; lalahok tayo sa halalan dahil hindi natin hahayaan lamang sa mga kawatang mapanlamang ang larangang ito. Lalahok tayo sa halalan dahil hinahayaan tayong bumoto upang patikimin tayo ng patak ng demokrasya at kalayaang nilalanguyan ng mga korporasyon at mga tagapamahala nitong burukrata; lalahok tayo sa halalan nang isinasaisip ang kasabihang Aprikano: tuyong damo ang magpapasilab sa basang damo. Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, sa ilalim magmumula ang pagbabago ayon sa ating pakahulugan.

*Ilang dekada na nang bigkasin ang talumpating pinaghalawan ng pamagat ng aklat ni Eduardo Galeanong “We Say No” (1992), pero nangungusap pa rin ito sa ating panahon at espasyo. Karamihan ng kaisipang nasa sanaysay na ito ay igib sa naturang libro na tiyak na inigib ng Latino Amerikanong awtor sa sambayanang kanyang nakasalamuha. Iniangkop na lamang sa kamalayang Pilipinong inakala at sinasapantaha ng may-akda. (http://bulatlat.com)

Share This Post