Manggagawang Pangkultura*

Ni KERIMA LORENA TARIMAN
Bulatlat.com

Mga 20 taon na mula nang ilimbag ang una kong koleksyon ng tula, may pamagat na Biyahe, nang magtapos ako sa Philippine High School for the Arts sa Mt. Makiling, Laguna noong 1996. Pagpasok ko sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, naging fellow ako ng isang writers’ workshop, nakapaglathala ng pailan-ilang tula sa mga pahayagan, magasin at dyornal, nagpasali-sali sa mga patimpalak sa pagtula sa kolehiyo, at nagpatambay-tambay na rin kung saan nagsususuot ang mga tinaguriang artist. Dahil naging iskolar sa pagsusulat kahit na nga sa mura kong edad na iyon, at dahil na rin sa ang mga magulang ko ay mga manunulat din na kahalubilo ng mga makata, pintor, musiko, artista sa teatro at artista sa showbiz sa kani-kanilang mga sirkulo – ganito ang daigdig, at ninais nating magbiyahe para makita pa ang mas malawak.

Noong taong 2000, habang ako’y editor ng pahayagang pangkampus ng UP, ang Philippine Collegian o Kule at naghahanda para sa paglalathala – sana – ng susunod kong koleksyon ng mga tula, dinampot ako ng militar sa Delfin Albano, Isabela at ikinulong. Magkakalahating-taon pa lang ako noon sa Isabela nang maudlot ang pakikipamuhay sa mga magsasaka nang dahil sa engkwentrong iyon. Nagtagal lang ako ng kulang sa isang buwan sa bilangguan dahil sa maagap na kampanya para sa pagpapalaya, pero naroon na ang ilegal na aresto, detensyon, at kaso sa korte na tumagal nang mahigit dalawang taon bago tuluyang naibasura.

Lumipas ang mga taon, mawawala na ako sa sirkulasyon – dahil makakabalik at makakarating pa ako sa iba’t ibang lugar sa ating mga kanayunan para ipagpatuloy ang naudlot na pakikipamuhay sa ating mga magsasaka. Pero ang tuluyan na ngang naudlot ay ang paglalathala ko ng koleksyon ng mga tula, na kahit handa na ang manuskrito ay hindi ko lang talaga naipursigi. Ngayon, may mga makakasalubong ako na nagtatanong: “nagsusulat ka pa ba ng tula?” o kaya “maglalabas ka na ba ng libro”? Tumutugon ako minsan ng diretsahang “hindi,” at sila’y manghihinayang. Sayang naman anila.

Banggitin na natin ang nasa isip nila – “naging aktibista na kasi siya kaya siguro tumigil na siya sa pagsusulat.”

Ang totoo niyan, hindi naman ako tumitigil sa pagsusulat. At hindi na nga lamang tula o kaya pagsusulat. Hindi ako tumigil sa paggawa ng iba’t ibang anyo na malamang sa hindi ay nababasa, nakikita, naririnig at nababalitaan naman sa kung saan-saan. Ang kaibahan lang ngayon, mas madalas ay wala na sa isip ko ang paggamit ng sarili kong pangalan. Hindi ko na iniintindi na maglagay pa ng indibidwal na byline o pirma dahil kolektibo naman ang karaniwang paraan ng paggawa at pagpapalaganap ng mga pahayag, akda o likhang-sining. Para sa akin, nagsimula ang pagiging “manggagawang pangkultura” sa UP, nang maging myembro ako ng grupong Alay Sining. Pagkalaya ko, naging aktibo rin ako sa pagtatatag ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalaayan o KARATULA, na sa kasalukuyan ay organisasyong pangkultura sa hanay ng mga kabataan at estudyante sa buong bansa.

Pero ang mga aktibista sa pambansa-demokratikong kilusang masa, saan mang sektor o linya ng gawain nakatalaga o kumikilos, ay mga “manggagawang pangkultura” rin. Bawat aktibista ay cultural worker na nag-aambag sa pagpupundar ng bagong kulturang pambansa, siyentipiko at makamasa. Binabagbag ng mga aktibista ang dekadenteng kulturang kolonyal, pyudal, at burgis sa pamamagitan ng masikhay na gawain sa hanay ng masa, o sa pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa.

Ginagamit ng mga aktibista ang iba’t ibang malikhain at mapangahas na anyo ng pagpapahayag upang epektibong magpaaabot ng mga mensahe sa malawak na masa, maglantad ng mga kabulukan sa lipunan, magtalakay, manindigan, at maghapag ng pinakamatalas na posisyon sa mga isyung pandaigdigan, pambansa, lokal at sektoral. Ang pagpapanibagong-hubog o remoulding, pagwaksi sa masamang gawi at pagpapakita ng mahusay na halimbawa ng bagong kultura sa pamamagitan pa lang ng pang-araw-araw na kilos, salita, aktitud, pakikitungo sa kapwa at estilo ng paggawa ay mulat na pinapanday ng mga pambansa-demokratikong aktibista. Kahit sabihin pang hindi naging iskolar sa tula, o kahit na nga yaong hindi man lang nakatuntong sa eskwelahan, sinisikap ng mga aktibista na pag-aralan at isapraktika ang paggamit ng iba’t ibang malikhaing anyo ng pagpapahayag kabilang na ang sining at panitikan. Mabigat na hamon ito na sinisikap tugunan ng isang seryosong aktibista upang maging mahusay at epektibo sa paglilingkod sa sambayanan.

Sinasagot nito ang tanong na “para kanino”? Para kanino at kumikilos tayo? Para kanino at lumilikha tayo ng tula? Para kanino ang sining at panitikan? Partikular sa mga artista, manunulat, mamamahayag, at iba pang manggagawa sa midya at kultura sa bansa, sinabi ng kritiko at makata na si Gelacio Guillermo na ang panawagan para iayon ang kanilang mga likha tungo sa paglilingkod sa sambayanan ay dumating sa huling bahagi ng dekada ’60, sa paglaganap sa bansa ng sulating “Talks at the Yenan Forum on Literature and Art” na binigkas ng dakilang rebolusyonaryong Tsino na si Mao Zedong noong 1942, at ng mga pampublikong panayam o lecture ni Prop. Jose Maria Sison, tagapagtatag ng Kabataang Makabayan noong1964, at ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas o Communist Party of the Philippines (CPP) noong 1968.

Ang pagtalakay ni Sison sa gawaing pangkultura ay binigkas bilang mensahe sa kongreso ng pagtatatag ng mga organisasyong gaya ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA at Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto o NPAA at sa iba pang sulatin na nakalimbag sa koleksyong Struggle for National Democracy o SND, gaya ng “The Need for a Cultural Revolution” (1966) at “The Tasks of Cadres in the Cultural Field” (1971). Samantala, isa pang mahalagang sanaysay kaugnay ng paksang ito, ang “Literature and Commitment” na isinulat ni Sison noong 1983 para sa UP Writers Club “mula sa kanyang selda sa piitang maximum security kung saan siya idinitine ng pasistang rehimeng US-Marcos mula 1977 hanggang1986.”

Si Sison ay isa ring makata. Buhay niya ang paksa ng The Guerrilla is a Poet (2013), pelikula nina Sari Dalena at Kiri Dalena. Si Kiri, Keith Sicat, ako at si Ericson Acosta ang nagtulungan sa pagbubuo ng iskrip ng pelikula.

Sa mensaheng bidyo na ipinalabas sa isang panayam kamakailan sa UP College of Fine Arts, muling sinariwa ni Prop. Sison ang panahong iyon: “Nang pumutok ang First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, ang mga organisasyong gaya ng Panday Sining ng Kabataang Makabayan, Gintong Silahis ng Samahang Demokratiko ng Kabataan at Kamanyang ng Philippine College of Commerce (na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines) ay tumapok sa hanay ng mga organisasyon ng kabataan sa Maynila at naging huwaran sa mga probinsya.” Ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanan ay naging inspirasyon ng pinakamahuhusay na artista at manunulat sa panahong iyon, marami sa kanila ay naging myembro ng PAKSA, NPAA, Panday Sining, Gintong Silahis, Kamanyang at iba pang progresibong organisasyong pangkultura.

Ang pakikibaka ng sambayanan ay patuloy na paksa at inspirasyon ng napapanahon, makabuluhan at makapangyarihang mga anyo ng sining at panitikan hanggang sa kasalukuyan. Banggitin na lang natin ang mahahalagang isyung pambansa ngayong Nobyembre, at makikita natin ang iba’t ibang malikhaing pagsisikap ng mga aktibista para itambol ang mga ito. Nariyan ang paniningil sa kriminal na kapabayaan ng pamahalaan sa ikalawang taon superbagyong Yolanda. Katarungan para sa mga biktima ng Hacienda Luisita masaker at Ampatuan masaker. Protesta laban sa APEC meetings at imperyalistang globalisasyon. Panawagang #StopLumadKillings ng Manilakbayan ng Mindanao.

Bigyan natin ng tuon ang Manilakbayan: naglakbay ang mga lumad, sambayanang Moro at iba pang mamamayan mula sa Mindanao upang kondenahin ang mga pagpaslang, militarisasyon, at pandarambong sa likas na yaman ng isla na gawa ng sabwatan ng pamahalaan at mga dayuhan at multinasyunal na may interes sa dambuhalang pagmimina at ekspansyon ng mga agrikorporasyon at plantasyon ng mga pananim na pang-eksport. Isang mayamang cultural exchange – palitan ng karanasan, kultura, mga pananaw at paninindigang pampulitika – ang araw-araw na nagaganap ngayon sa mga kampuhan ng Manilakbayan simula sa UP Diliman at ngayon sa Liwasang Bonifacio. Bunga ito ng masiglang pakikisalamuha ng ordinaryong mamamayan, mga estudyante at maging mga artista at personalidad sa 700 “Manilakbayani” na apektado ng karahasan ng estado sa Mindanao.

Sa mga tampok na usaping pambansa at mga kampanyang inilunsad ng malawak na kilusang masa sa nakaraang ilang taon gaya ng mga protesta laban sa pork barrel at korapsyon, pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal, pakikibakang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at hustisyang panlipunan, pagtataguyod ng malayang pamamahayag, pagtatanggol sa pambansang kalayaan at soberanya, at iba pa—ang pakikisangkot ng mga artista at manunulat ay katumbas ng paninindigan at aktibong pagkilos.

Kahit sa lagim ng Batas Militar, ani Sison, hindi napigilan ng pasistang rehimen ang paglikha ng makabuluhang panitikan at sining: “Lumaganap ang panitikan sa hanay ng masa. Kahit sa mga sentrong lungsod ay ginanap ang mga dulang iglap. Ang graffiti, peryodikit, stiker at poster para sa protesta ay ipinaskil sa mga pader, waiting shed, bus at dyip.” Kahit ngayon, ang mga pahayag, akda, at likhang-sining na kontra sa dominanteng kaayusan, at pati na rin mismo ang mga aktibista at manggagawang pangkultura ay direktang target ng censorship at marahas na pagsupil at mga pagpaslang o tinatawag na extra-judicial killings.

Kaakibat ng panunupil ang hindi natin namamalayan pero napakagarapal at todo-largang opensibang pangkultura ng imperyalismo. Ayon kay Guillermo, ang proyektong ito ng mga naghaharing uri sa larangan ng kultura ay para sa “panibagong pagpapaigting sa neokolonyal at pyudal na kultura bilang ideolohikal na angklahan ng free trade globalization” o neoliberalismo. Sa madaling sabi, binubulag tayo sa pang-aapi at pagsasamantala na dinaranas ng masang anakpawis sa ilalim ng sistema na sumasamba sa pera, tubo at ganansya. Naging manhid na tayo sa korupsyon at kabulukan. Lutung-luto tayo sa pagtangkilik sa Hollywood at iba pang anyo ng pagtatambak at reproduksyon ng sangkaterbang eskapista at komersyalisadong produktong pangkultura gaya ng mga kanta, pelikula, babasahin, nobela, palabas sa radyo, telebisyon, at internet. Kumukulapol ang mga anyong ito sa mga latak ng atrasadong pananaw at gawi na makapangyarihan pa rin sa buong sistemang pang-edukasyon at iba pang dominanteng pangkulturang institusyon gaya ng Simbahan.

Makikita ang proyekto (tagong presensya o covert presence) na ito sa pamantayan sa sining na sa isang banda ay lubhang elitista samantalang sa kabila naman ay nagpapamudmod ng tinatawag ni Alice Guillermo na “artipisyal na kulturang masa.” Kahit hindi sa paraan ng tuwirang panunupil o pagsikil, ibinabasura ng dekadenteng kulturang ito ang kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanan at pinapatay nito sa bawat isa sa atin ang pag-usbong ng damdaming makatao na naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. Inililihis nito ang atensyon ng madla upang ipagsawalang-bahala na lang ang marahas na tunggalian sa pagitan ng naghahari at pinaghaharian sa isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Ngunit gaya na nga ng nabanggit, hindi nito lubusang masusupil ang paglikha at paglaganap ng makabuluhang sining at panitikan. Sa maraming pagkakataon, ang mga anyo ng dominanteng sining at panitikan ay nagiging behikulo pa nga ng mga progresibo at rebolusyonaryong mensahe – pero mahaba at kumplikadong usapan pa ito na maaaring palawigin sa hiwalay na talakayan, lalo na tungkol sa Yenan Forum ni Mao.

Sa panahon ng Batas Militar, halimbawa na lang, madalas banggitin ang tulang “Prometheus Unbound,” isang “subersibong pyesa” na nakalusot at nalathala sa isang magasin kahit na sa napakahigpit na sitwasyon ng Martial Law. Dahil sa alusyon nito sa mitolohiyang Griyego, parang wala namang bahid-pulitika ang tula ika nga – pero akrostik pala ito na may islogang “MARCOS HITLER DIKTADOR TUTA.” Kinailangan munang mapatalsik si Marcos sa pag-aalsang EDSA noong 1986, bago aminin ng makata, si Jose F. Lacaba – isang Atenista – na siya ang nagpakana at nagsulat ng naturang tula. Si Pete Lacaba ay kabilang sa tinatayang 70,000 bilanggong pulitikal na tinortyur at ikinulong sa panahon ng diktadura ni Marcos.

Huwag na rin tayong magpaliguy-ligoy pa at pag-usapan na rin natin ang kapatid niyang si Emmanuel Lacaba, isa ring Atenista at makata na naging myembro ng PAKSA at Panday Sining. Lumubog siya sa kilusang paggawa sa Kamaynilaan ngunit hindi rito nagtapos ang kanyang paninindigan at pakikisangkot. Sa gitna ng Batas Militar, pinili niyang mag-armas at kumilos sa isla ng Mindanao kung saan namatay siya bilang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA) sa Asuncion, Davao del Norte noong 1976. Isa pang Atenista, si Edgar Jopson, ay kasama nina Lorena Barros, Wilfredo Gacosta at marami pang ibang mga makata, manunulat, at intelektwal na lumahok sa armadong pakikibaka at nagbuwis ng buhay sa ngalan ng digmang bayan – hindi lang laban sa diktadura ni Marcos, kundi laban sa mga salot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo na sumasaklot pa rin sa buong bansa hanggang sa kasalukuyan.

Mahigit apatnapung taon na mula nang ipataw ang Martial Law, pero mayroon pa ring mga artista, manunulat, at mga mamamahayag na sinusupil, sinasampahan ng samu’t saring gawa-gawang kaso, ibinibilanggo, at pinapatay. Kung ang mga pangalan nina Jopson, Lacaba at Barros ay nakaukit na ngayon sa Bantayog ng mga Bayani, ang mga kakontemporaryo nilang mga manunulat na nanindigan laban sa Batas Militar ay nakabilanggo ngayon sa Kampo Crame, Bicutan, Bilibid at iba pang mga piitan o “libingan ng mga buhay.”

Kabilang sa mga makata at manunulat na ito sina Wilma Austria at Benito Tiamzon, Sharon Cabusao at Adelberto Silva, Concha Araneta, Eduardo Serrano, at Eduardo Sarmiento, pawang mga consultant sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Republika Pilipinas at National Democratic Front. Si Alan Jazmines — isa pang dating estudyante ng Ateneo mula prep hanggang kolehiyo – ay naglathala ng Moon’s Face, koleksyon ng kanyang mga tula sa bilangguan noong 1991. Dalawampung taon ang makalipas nitong Pebrero 14, 2011, muling dinampot ng militar si Jazmines. Ang pagkakabilanggo niya ngayon ay ikatlong beses na mula pa noong panahon ng Batas Militar. Ano ang kasalanan ng mga manunulat na ito kundi ang patuloy na manindigan para paglingkuran ang sambayanan?

Isang araw lang ang pagitan nang dakpin naman ng militar si Ericson Acosta (na hindi ninyo naitatanong, pero asawa ko nga pala) sa San Jorge, Samar noong Pebrero 13, 2011. Nitong 2013, matapos ang dalawang taon ng tuluy-tuloy na kampanya, ay ibinasura ang gawa-gawang reklamo laban sa kanya at siya ay pinalaya. Sa matagumpay na kampanyang ito para sa pagpapalaya kay Ericson Acosta, nakita ang kapangyarihan ng pagkakaisa ng mga artista, manunulat at iba’t ibang sektor sa likod ng islogang “Free the Artist, Free All Political Prisoners.” Sa kabilang banda naman, mayroon pa ring mahigit 500 bilanggong pulitikal sa bansa, kabilang na ang kabataang artista at manunulat na gaya nina Maricon Montajes, Voltaire Guray, Randy Vegas, Guiller Cadano at Juan Paolo Versoza. Sila ang nagpapatotoo sa marahas at walang habas na panunupil at pagsikil ng estado sa mamamayan, lalo na sa mg aktibista at mga kritiko nito.

May ikalawa o ikatlong salin na ng henerasyon ng mga aktibista, makabayang artista at manunulat na patuloy na lumilikha ng sining at panitikan sa layunin na paglingkuran ang sambayanan. Marami nang naging pag-unlad kapwa sa porma at nilalaman ng mga akda, tula, pelikula, bidyo, awit at iba pang likhang-sining. Humahalaw ang mga ito ng inspirasyon kapwa sa mayamang katutubong tradisyon at makabagong midya at mga porma – ang kapangyarihan, malawak na pagtangkilik ng masa at pagiging epektibo ng mga ito ang siya na mismong nagpapasinungaling sa mga sabi-sabi na ang “aktibismo ay lipas na,” o wala na itong lugar sa kasalukuyang panahon. Nilisan man tayo ng mga de-kalibreng aktibista, artista, manunulat at manggagawang-pangkultura ng pambansa-demokratikong kilusan, patuloy nating pinaghahalawan ng inspirasyon ang makabuluhang kontribusyon nina Alfrredo Navarro Salanga, Lino Brocka, Ishmael Bernal, Antonio Zumel, Romulo Sandoval, Monico Atienza, Behn Cervantes, Jocelyn Alarcon-Bisuna, Ave Perez Jacob, Marili Fernandez-Ilagan, Kim Nepomuceno, Gerry Albert Corpuz, at marami pang iba.

Sumunod sa landas nina Eman at Lorena ang mga kabataan o nakababatang artista na gaya nina Mary Gene Dumaplin, Mayang Algarme, Tanya Domingo, Ian Dorado, Daniel Imperial, Christine Puche, Recca Monte at si Marlon Caacbay, isang musikero na nitong Mayo lang ay napaslang sa engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP sa Timog Katagalugan. Hindi sila nagkasya sa sining, awit at tula. Ipinapaalala lamang nila sa atin na katulad noong panahon nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini at Antonio Luna, patuloy na nagaganap ang digmaan sa ating bayan at hindi pa tapos ang naudlot na rebolusyon.

* Binasa sa Kritika Kultura Reading Series, panayam at tulaan kasama sina Ericson Acosta at Kerima Tariman, Nobyembre 9, 2015 sa Rizal Library, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City. Handog ng Kritika Kultura sa tulong ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP), Fine Arts Program, at ng Rizal Library. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post