Kung sakaling mahal mo ako

kung sakaling makita mo ako
sa tabi ng binti ng poste ng MERALCO
sa ibabaw ng nilatag kong
karton ng donut at sako
o habang sinasalansan ang naani kong abubot:
plastic cup, taeng-bakal, o dyaryong lukot
o kaya’y malungkot na ninanamnam
ano mang tirang
pagkaing naulila sa daan
(na minsa’y premyo ko mula sa pakikipag-agawan
sa galising asong laging halik ang lansangan)

basta, kung makikita mo akong nakasuot sa basahan

‘wag mo akong lalapitan.
‘wag mo akong ngingitian, o kakamayan
sa panahong ang kulay mo ay
kulay ng mga sumusunod sa’yo
(gaya ko dati).

ni ‘wag mo kong titignan.

pagkat, kung sakaling
muling maglandas ang ating tingin
kung makikita mo akong
gaya ng isang barong-barong na tumubo
sa binti ng poste ng MERALCO

ako nang tatapos sa pagkukrus ng ating malas
ako nang puputol sa iyong palabas

gamit ang kamaong galit ang nagpatalas…

Ni Marvin Lobos
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post