Kay Nanay Celia

Kagabi, habang nakikinig sa iyong pananalita
ang mga nagmartsa tungong Mendiola,
binuo ng pangamba, dalamhati
at katatagan ng loob

ang aming diwa.

Binanlawan ng mga palakpak at hiyaw
ang hinagpis na pasan ng iyong pamilya.
Habang ang bawat mong kataga
ng pasasalamat at tapang

ay naghunos sa aming mga
pagal na paa upang magpatuloy

sa paglakad tungong hustisya.

Hindi na kami magtataka sakaling
sa iyo ipukol ang sisi at bala
na marapat sanang dumuro
sa mga pabayang opisyal

ng bayan nating sawi.

Hindi pa man gumagaling nang tuluyan
ang sugat na likha ng hirap at dusa.
Sa iyo naman ngayon nakatutok
ang mga pang-aalisputa.

Dala iyon ng kamangmangan
at yabang ng mga hindi
nakakaunawa’t manhid
ng iyong pinagdaanan.

Hahayaan ka naming lumuha
bilang pahiwatig na ika’y tao
na nakadarama
ng lungkot, ng hapdi.

Nandito kami nakikiisa,
kahit hindi mo pa kami kilala.

Sapagkat ang tulad mong
may layon na isiwalat ang katotohanan
ang siya naming pinaghahawakan.

Na hindi maaaring magmula ang lunas
sa mismong pinanggalingan ng sakit.

Sa ating nagkakaisang tinig manggagaling
ang pagtapos sa mga pasakit.

Ni Rommel Rodriguez
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post