Hiling sa kapatid

Ni Ma. Cecilia de la Rosa

Turuan mo akong magtanim, Kapatid
Sapagkat hindi ako magbubukid;
Hindi ko kayang bungkalin ang karagatan
Upang magpunla ng kinabukasan.
Hindi ko kilala ang lupa
Sa paraang kilala mo ito.

Sa akin, lahat ng lupa ay pampang—
Daungan ng itinaboy na mga buhay,
Takbuhan ng mga paang hinahabol
Ng pangamba. Sa akin, lahat ng lupa
Ay kalsadang walang katapusan;
Lakbayan ng walang dulong paglalakbay.
Sa akin, lahat ng lupa ay tunguhin
Ng walang layuning mga talampakan.

Batid mo bang magkangalan tayo?
Aeta at Sama. Ikaw at ako ay Tao.
Pinamana rin sa akin ni Ama at Ina
Ang dagat. Ngunit sinong mapaniniwala
Sa kasunduang sa tubig din nakasulat?
Tulad mo, umasa ako sa bisa ng kabutihan,
At pagkilala sa pagkatao at katauhan.
Ngunit tulad mo, sino raw ba ako,
Sabi ng Kaunlaran. Sino raw ba ako,
Sabi ng Digmaan. Sino raw ba ako?

Turuan mo akong mapanatag ang puso
Sa bagong kanlungan; maging tulad
Ng Pinatubo—may bigat at tindig.
Nais kong kilalanin ang lupa
Sa paraang kilala mo ito: lunsaran
Ng paglaban at hindi ng pagtakas.
Ikaw man ay ninakawan din.
Ngunit tulad ng puno, kaya mong umugat.
Higit sa lahat, ikinuyom mo sa palad ang lupa,
Bagay na hindi ko nagawa sa dagat.

Nais kong hiramin ang ilog
Upang dito ituro sa mga anak
Ang paglangoy—ang natitirang
Alaala ng laot sa gunita ng paglimot.
Hayaan mo ring sa pampang nito’y
Muli kong itatag ang mga haligi
Ng pagsisimula.

Salamat sa pakikipagkaibigan.
Nawa’y mapalitan ko nang sapat
Ang inihapag na saba, kamote at mais.
Paano nga ba magpasibol ng luntian, Kapatid?
Paumanhin kung hihiling ako nang higit pa.
Turuan mo sana akong magtanim ng pag-asa.
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post