Kwento ng ina

Ni RAYMUND B. VILLANUEVA

Matagal akong naghintay kay Kamatayan
Hindi ko man siya ninais dumalaw
At kung sakaling siya’y dumating
Ipipinid ko ang pinto at sasandal ako sa likod nito
Hindi ako tutugon sa kanyang mga tawag
Baka sakaling mapagod siya sa pagkatok
At lumisang walang bitbit na kaluluwa.

Anak ko ang siya niyang sadya
Ang aking mabait at masayahing anak
Sinong ina ang payag saklutin
Ang kanyang sinta, ang kanyang ligaya?
Hindi ako. Hindi ako.

Higit na matapang ang aking kabiyak
Dalawang beses nagtangkang magpatiwakal
Inuntog ang ulo sa posteng semento
Wikang siya na lamang ang sasama
Sa bisitang hindi namin imbitado.

Nanaghoy ako’t humingi ng saklolo
Sa gubyerno ng dati naming among asyendero
Paikot-ikot, pabalik-balik, paulit-ulit
Lulan ng aming hiram na dyip.
Matilisik ang tugong hagis:
“Papatayin na iyan. Walang duda.”

At sa madaling araw ng pagsasakatuparan
Sa matagal nang banta ni Kamatayan
Tumambad sa bayan ang kanyang pananagumpay
Nauna pa ang mga pahayagan sa pagbitay

Subalit buhay ang aking anak.
Humihinga pa ang ina ng aking mga apo.
Isang libo’t walong daan dalawampu’t anim na araw
Ang aking paglilibing ng anak
Dalawang daan at animnapung linggo ang paglalamay
At animnapung buwang pagluluksa
Dalawang daan at animnapung milyong pagtigil
Ng pagtibok ng puso
Ang kapalit ng dugtong ng buhay ng aking bunso.

Nangahas akong maningil sa mga nagpabaya
Kagitla-gitla, ang naniningil pa ang lumabas na masama
Wala silang pananagutan, marapat pa nga raw pasalamatan
Ipinagpapasalamat na pala ang aming walang patid na luha.

–5:29 n.h.
4 Mayo 2015
Barangay Central, Lungsod Quezon

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post