Tigsik para kay Mary Jane Veloso

Ni ABET UMIL

Tigsik para kay Mary Jane Veloso,
Mula Talavera naghanap ng trabaho,
Saudi, Indones salitang mga amo,
Inalipin sa komunidad na imahinaryo.

Tigsik kay Mary Jane,nangarap na magsasaka,
Naniwala sa kapitbahay na si Maria Cristina,
Isang recruiter na may senyales ng pera sa mata,
Sa bawat transaksyon ang singil ay kaluluwa.

Tigsik kay Mary Jane at sa tapang ng loob!
Na-set up ng sindikatong mahina ang tuhod,
Hamig ang midya sa sunog na sanhi ng usok,
Patalastas at kumahog ng gobyernong baog.

Tigsik sa buhay ni Mary Jane at sa tumal ng suporta,
Balita ang tungkol sa rali sa embahada ng Indonesia,
Malasakit at militansya ang tindig ng mga raliyista,
Tanggol-pader ng embahada ang lokal na pulisya.

Tigsik para sa buhay ni Mary Jane!
Lokal na amo paghinga pati jingle
Habang iniisip ang sunod na tingle
Sa subo ng sopas sa spoon na golden.

Tigsik sa buhay ng OFW na anak-magsasaka,
“Milagro” na lamang ang magliligtas sa kanya,
Bukambibig ni Dinky, ang Diyosa ng burukrasya,
Tapat sa mayroon at hunyango sa walang asyenda.

(Ang Tigsik ay isang anyo ng panitikang Bikol na ang ibig sabihin ay toast o tagay. Ginagawa raw ang pagbigkas ng mga Bikolnon nito bilang aliw ng patutsadahan sa ano mang okasyon.)

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post