Pangibabawan ang agam-agam: Makakalikasan, mangahas makibaka!

KALIBUTAN
By CLEMENTE BAUTISTA

Bulatlat.com

kalibutan

Second of two parts
First Part: Aquino Resign: Isang Sangandaan

Sabi ng ilang makakalikasang grupo at environmentalist, hindi pa dapat ipanawagan ang pagbibitiw ng Pangulo. Anila, kung titingnan ang rekord ni Aquino sa pangangalaga ng kalikasan, hindi ito ganoong maganda o lubusang masama. At dahil alanganin ang performance, alanganin rin kung pabababain o pagbibitiwin sa pwesto si Aquino.

Kalibutan Earth Day 2 survey

Kung paniniwalaan ang mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Station nitong unang kwarto ng taon, minorya ng taumbayan ang pabor sa pagbibitiw ni Aquino (29% at 32%) habang halos kalahati ng mga Filipino (42% at 50%) ang tutol sa pagbibitiw ni Aquino.

Tila kasama sa mga hindi pa kumbinsido na dapat nang bumaba si Aquino ang mga makakalikasang grupo na tinanong ng Kalikasan PNE nitong nakaraang buwan.

Magkakatulad ang dahilan ng mga nag-aagam-agam.

Sinasabi nila na wala namang mangyayari dahil ‘mahina’ naman ang nananawagan ng pagbibitiw. Ayaw rin ng karamihan sa diumano’y mas korap na si Bise Presidente Jejomar Binay, na nakatakdang humalili kay Aquino batay sa konstitusyon. Umaasa naman ang ilan na mapapalitan si BS Aquino sa 2016 Presidential Election, tutal ilang buwan na lamang ang kanyang ipapanatili. Sa ilang mga nakausap na manggagawang pangkalikasan, advocates at green groups, halos ganito rin ang tinakbo ng mga usapan.

At ngayon babalik ang iniwan kong tanong: bakit bantulot pa rin ang hanay ng ibang mga tagapagtaguyod ng kalikasan sa panawagan ng pagre-resign o pagpapatalsik kay BS Aquino?

Ang mga tagapagtaguyod ng kalikasan o mga environmentalist ay karaniwang nanggagaling sa panggitnang saray ng ating lipunan o ‘middle class’. Karaniwang ang organisasyon nila ay nasa hanay ng mga non-government organizations, estudyante, propesyunal at maging sa ilang mga maliliit na negosyante. Nakakaangat sila sa katayuan sa ekonomya kaysa sa mga batayang sektor tulad ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda at maralitang taga-lunsod. May malaki silang panahon upang pag-isipan at kumilos para sa ikabubuti ng kanilang kapaligiran.

Sa kabilang banda, umaasa ang kalakhan ng mga environmentalists na mareresolbahan ang problema sa kalikasan sa Pilipinas sa pamamagitan lamang ng pagbabago ng mga patakaran o batas. Pahapyaw nilang nauunawaan na ang kasalukuyang sistema ng pulitika at ekonomiya ng ating lipunan ang ugat ng patuloy na pagkasira ng ating kalikasan at pagka-ubos ng ating likas-yaman, na siya ring dahilan ng matinding kahirapan ng ating mamamayan at malalang korupsyon sa gobyerno.

Sa ganang akin, hindi pa gagap ng mga environmentalists sa Pilipinas na kinakailangan ng isang radikal na pagbabago sa ating lipunan at gobyerno upang seryoso at matiyak na ang mga patarakan na gagawin at ipapatupad ay para talaga sa kabutihan ng mamamayan at ng kalikasan.

Kakain pa ng panahon upang masapol ng mga environmentalist na ang pakikipaglaban para sa kalikasan ay isang pampulitikang usapin at pakikibaka. Maaaring sa ngayon ay hindi pa lubusang naiuugnay ang pampulitikang usapin ng pagpapabitiw o pagpapatalsik kay Aquino sa kabuuang kampanya para sa kapaligiran at para sa isang gobyernong makalikasan.

Tulad ng marami sa panggitnang saray, nangangamba din ang mga environmentalist na magbibigay-daan ang pagbibitiw ni Aquino sa pagiging pangulo ni Binay. Ngunit dati pa ay malinaw na nating sinuri ang environmental record ni Binay.

Sa usapin ng pang-aabuso ng malakihang pagmimina, walang imik si Binay subalit buong suportang dumalo bilang panauhing pandangal sa 2014 Mining Conference ng Chamber of Mines. Walang naasahang makabayan at makalikasang posisyon mula kay Binay sa usapin ng USS Guardian Tubbataha grounding, Manila Bay Reclamation, pagpatay sa mga environmental activists at pagpuputol ng mga puno sa Metro Manila.

Sa madaling sabi, walang pinag-iba si Binay sa pangulo.

Sa kabilang banda, may mga umaasa pa sa subok nang bulok, madaya at madugong eleksyon, at nagsasabing maghintay na lamang hanggang 2016. Subalit kung papayag tayo rito, hindi ba ito nangangahulugan ng pagkunsiti sa mga naging kasalanan ni Aquino sa bayan? At pagdating ng eleksyon 2016, tiyak na bang matinong pangulo ang maluluklok sa pwesto? Kailan pa tayo kikilos upang magkaroon ng isang gubyernong nagtataguyod nang tapat para sa kapakinabangan ng ating kalikasan?

Hindi natin dapat katakutan ang posibilidad ng tunay na pagbabago. Posible ang pagbabago, lalo na kung malakas ang pagkakaisa at maraming magsasama-sama mula sa iba’t ibang organisasyon at sektor tulad ng mga environmentalists. Bagamat minorya, signipikante na ang bilang ng mga Pilipinong may matinding disgusto sa pangulo at nananawagan na ng kanyang pagbibitiw.

Sa hanay nating mga makakalikasan, tungkulin natin na ipakita ang palpak rekord ni Aquino sa pamamahala at pangangalaga sa ating kapaligiran upang patibayin pa ang mga dahilan kung bakit kinakailangan alisin sa pwesto ang isang palpak at anti-kalikasan na pangulo.


Higit pa, kailangan nating buksan ang ating isipan, magsuri, at magsulong ng alternatibo.

Nariyan ang panukalang Transitional Council for National Unity, Reforms and Peace ng mga progresibong grupo. Bubuuin ang panukalang konseho ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at gagampan ito ng mahahalagang tungkulin tulad ng pag-aaral at pagpapatupad ng mga kinakailangang repormang pang-ekonomya para tugunan ang interes ng mga mamamayan, paglilinis ng gubyerno at paghahanda para sa malinis at tunay na demokratikong pambansang eleksyon.

Kalibutan Earth Day 2 Aquino resign

Kung nagawa natin ang extra-konstitusyunal na pagpapatalsik tulad noong EDSA I at II, kaya natin itong ulitin ngayon. Maaaring magkaroon ng representasyon at boses ang mga environmentalists sa pagpili ng bagong pangulo at alternatibong gubyerno. Kung maitatayo ang ipinapanukalang konseho ng bayan, kagyat na ibabasura o babaguhin ang mga batas at patakaran ng gubyerno na napatunayang mapangwasak sa ating kalikasan tulad ng Philippine Mining Act of 1995, Foresty Code of 1975 at Visiting Forces Agreement.

Ang pagmumulat at pagpapakilos sa mamamayan, at sa kabuuan ang paghuhubog ng isang lipunan, ay tulad ng mga prosesong pangkalikasan: masalimuot, matagal o di kaya’y marahas. Ito ang pinagdadaanan ng ating kasaysayan, at ng kamulatan ng bawat indibdwal. Tuluy-tuloy ang tunggalian ng mga ideya, hanggang mapaunlad ang luma tungo sa bagong kaisipan, hanggang sa pagsubok sa mga konsepto sa tunay na buhay at praktika.

Gayundin, ang pakikibaka para sa isang gobyerno na makalikasan, makamamamayan at makabayan ay isang mahaba at kumplikadong proseso. At upang makamit ito, kailangan lumahok at makialam ang lahat, kasama na ang mga tulad nating makakalikasan o environmentalist. (https://www.bulatlat.com)

enteng22
Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment. For comments, email him at secretariat@kalikasan.net.

 

Share This Post