Mining Act of 1995: Dalawang Dekada ng Karahasan

KALIBUTAN
By LEON DULCE

kalibutan

Third of three parts:
1st part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng sinaid na yaman
2nd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng disaster

Kung nasaan ang minahan, nandun ang militar. Sa nakaraang mga taon, hindi kukulang sa 34 batalyon na ng Philippine Army (halos kalahati ito ng lahat ng infantry battalion sa sandatahan ng Pilipinas) ang natalang aktibong naghahasik ng militarisasyon sa mga komunidad na saklaw ng mga proyekto ng pagmimina.

Mula noong patraydor na tinalikuran ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito na ideklarang unconstitutional ang Mining Act of 1995 noong 2004, mabilis na dumami ang mga minahan, at ang mga pwersang ‘pangseguridad’ nito. Noong Pebrero 2009, inanunsyo ni dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo ang pagtatatag ng Investment Defense Forces o IDF, mga pwersang militar na aktibong nagtatanggol ng mga imprastruktura ng pagmimina at enerhiya mula sa mga rebolusyonaryong sandatahan katulad ng New People’s Army o NPA.

Hindi nagbago ang direksyon ng mga polisiya sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaang Aquino. Inaprubahan ni Pres. Noynoy Aquino ang paglikha ng mga paramilitar na Special CAFGU Active Auxiliary o SCAA na pinopondohan mismo ng mga korporasyon ng pagmimina.

Pagpatay, paglabag sa karapatan

Nagsimulang magtala ang Kalikasan ng mga kaso ng pampulitikang pamamaslang sa hanay ng mga maka-kalikasan mula 2001—sa kasalukuyan ay nasa 83 na kaso ito, at 79.5 porsyento nito (66 na kaso) ay mga kontra-minang mga aktibista at mamamayan. (Tignan ang Figure 1). Halos kalahati ng mga kasong ito ay may tiyak o malakas na pinagsususpetsahan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao na kinasasangkutan ng mga elemento ng militar.

Figure 1. Bilang ng mga pinaslang na aktibistang maka-kalikasan.
Figure 1. Bilang ng mga pinaslang na aktibistang maka-kalikasan.

Sa maagang bahagi ng pagtatala ng Kalikasan, karamihan ay tulak ng kasalukuyang nasasakdal na si dating Heneral Jovito Palparan, tinaguriang berdugo dahil sa paghasik nito ng pagpatay, sapilitang pagkawala (desaparecidos) at samu’t sari pang porma ng paglabag ng karapatang pantao sa mga komunidad na pinagsususpetsahan nitong sumusuporta sa NPA—tulad ng mga kontra komunidad na mga pamayanan sa Mindoro at iba pang probinsya kungsaan siya nadestino.

Dumami ang pagpatay mula nang tusong dineklarang constitutional ang Mining Act, at mula dito ay mabilis na naipasa ang Mining Revitalization Program ni Arroyo. Saglit na humupa ito dahil sa malakas na kampanyang masa para sa karapatan na kinatampukan ng imbestigasyon ni United Nations special rapporteur Philip Alston noong 2007.

Ngunit hindi ito kailanman napatigil, bagkos ay tumindi pa nga sa ilalim ng gobyernong Aquino. Sa halos 10 taong panunungkulan ni Arroyo, 29 kaso ng pagpatay ng mga kontra-mina ang naitala. Sa limang taon lang ni Aquino, umabot na ng 37 ang naitala.

Maliban sa pagpatay, gumagamit din ang estado at ang mga korporasyon ng iba pang porma ng paglabag ng karapatan bilang pantiyak sa mga interes nito: mga SLAPP o kasong nagkikriminalisa sa mga aktibista, pisikal at sikolohikal na harassment, at iba pa.

Banwaon children evacuees of Agusan del Sur (Photo by R. Villanueva)
Banwaon children evacuees of Agusan del Sur (Photo by R. Villanueva)

‘Bakwit,’ pangangamkam ng lupa

Dahan-dahan namang pinapatay ang daan-libong mamamayan na pinapalayas mula sa kanilang tirahan at kabuhayan dahil sa panliligalig ng mga militar, pulis, paramilitary, at pribadong seguridad ng mga minahan.

Nitong 2014, mahigit 1,300 na Pantaron Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte at napuwersang lumikas mula sa mga pamayanan nila tungong sentrong lungsod ng Davao dahil sa serye ng pambobomba at iba pang operasyong militar upang bigyang daan ang pagtotroso ng kumpanyang Alsons at ng iba-ibang kumpanya ng pagmimina. Ngayong Pebrero lang, mahigit 1,000 na Banwaon na Lumad naman sa San Luis, Agusan del Sur ang nagbakwit dahil mga militar at paramilitar na naghahawan sa lugar para sa mga minerong kumpanyang Tambuli at sa Malampay.

Kadalasan, kahit dokumento ng kasunduan palang ang hawak ng mga minahan, batayan na agad ito para magkordon sila sa mga sinasaklaw nilang lupain. Tumataginting na 869,292 ektarya ang nasa ilalim ng mga aprubadong kasunduan ng pagmimina—kung alam ninyo yung tinayong Philippine Arena ng Iglesia ni Cristo, katumbas ng 6,209 na gusaling ito ang saklaw ng minahan!

Karamihan sa lupaing ito ay may komunidad at lupain ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo—katunayan, tinatayang 55 porsyento ng eryang ito ay sumasaklaw sa mga lupaing ninuno. Napakadali para sa mga malalaking minero na lokohin o puwersahin ang mga komunidad na lumayas mula sa mga minahan, gamit pareho ang mahihinang probisyon hinggil sa konsultasyon at free, prior and informed consent o FPIC sa Mining Act, ang binibigay nitong easement rights at iba pang tuntungan para palayasin kahit ang mga tituladong magsasaka, at maging ang pangil ng mga SCAA at IDF.

Mga martyr ng kalikasan

Marahil kayang makasulat ng buong libro sa pagtalakay ng buhay at pakikibaka ng mga lider-mamamayan na inagawan ng buhay sa gitna ng kanilang dakilang pakikipagtunggalian sa mga atake ng dayuhan at malakihang pagmimina.

Nariyan ang mag asawang Manuela at Expedito Albarillo, mga lider ng komunidad na tumututol sa Mindex Crew Minerals noon sa Mindoro Oriental na ilan sa mga pinakaunang biktima ni Palparan noong 2002. Nariyan si Armin Marin, konsehal sa Sibuyan, Romblon, na binaril ng pribadong seguridad ng Sibuyan Nickel Properties development noong 2007.

Nariyan ang Italyanong misyonaryong si Fr. Pops Tentorio, at ang Dutch na NGO worker na si Willem Geertman—mga dayuhang deka-dekada nang nagtagal sa Pilipinas bilang lingkod sa mga komunidad na apektado ng pagmimina, at pinatay pareho ng mga elemento ng militar mismo dahil dito.

Nagpapatuloy ang laban ng mga pamilya, kaibigan, at kasama ng mga martyr ng kalikasan upang kamtin ang hustisya para sa kanilang mga biktima ng karahasang dinudulot ng malakihang pagmimina. Ngunit ang katotohanan, sa ilalim ng tagibang na sistema ng hustisya sa Pilipinas, wala ni isa pa sa mga kasong ito ang nareresolba. (ITUTULOY)

Si Leon Dulce ay ang kasalukuyang tagapag-ugnay ng kampanya ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Ito ay ikatlo sa serye ng mga artikulo patungo sa ika-20 anibersaryo ng pagsasabatas ng Mining Act of ’95.

Please also read:
1st part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng sinaid na yaman
2nd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng disaster
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post