Mining Act of 1995: Dalawang Dekada ng Sinaid na Yaman

KALIBUTAN
By LEON DULCE

kalibutan

First of three parts
2nd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng disaster
3rd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng karahasan

Sa darating na ika-3 ng Marso ang ika-20 taon na mula nang isabatas ang Republic Act 7942 o Mining Act of 1995. Dalawang dekada na buhat nang itinulak ng rehimeng US-Ramos ang patakaran ng liberalisasyon o malayang pamumuhunan ng mga dayuhan sa industriya ng pagmimina. Ito daw ang susi sa pag-unlad ng industriya ng pagmimina na mag-aambag naman sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Ngayong 2015 din ang huling taon ng panunungkulan ni Pres. Noynoy Aquino. Nagpatuloy ang liberalisasyon sa pagmimina sa ilalim ng kanyang administrasyon, na pinalakas pa nga ng Executive Order 79 o Mining Order ni Aquino.

Mahalaga ngayon, kung gayon, na tasahin ang mga resulta ng liberalisasyon sa pagmimina: ano na ang idinulot ng Mining Act of ’95 sa Pilipinas? Nangyari ba ang pangakong pag-unlad ng pagmimina na patuloy na inaawit ng kasalukuyang gobyerno at ng mga korporasyon sa pagmimina hanggang kasalukuyan?

‘Economic growth,’ ramdam ba?

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, ang halaga ng buwis, bayarin at mga royalty na nakolekta ng pambansang gobyerno mula 1997 hanggang 2013 ay umabot ng P132.39 bilyon. Kalingkingan palang ito ng P1.31 trilyon na kabuuang halaga ng produksyon ng minerales sa Pilipinas sa parehong panahon,

Batay sa datos ng BIR, ito ay 9-10% lang ng total na halaga ng produksyon sa pagmimina na pumapasok bilang buwis. Ibig sabihin, sa bawat P10 na nakukuha ng mga minero sa ating yamang mineral, P1 lang ang naibabalik sa sambayanan.

Higit pa sa tubong lugaw ang kinikita ng mga lokal at dayuhang korporasyon sa pagmimina. Noong 2013, naglagak lamang ng US$1.311 bilyon ang mga korporasyon sa pagmimina pero may kabuuang kita sila na PHP157.1 bilyon o US$3.5 bilyon.

Ibig sabihin, sa bawat piso nilang binuhos bilang kapital, PHP3.50 ang bumabalik sa kanila. Lalong higit ang tantya mismo ng Chamber of Mines in the Philippines sa pamumuhunan sa pagmimina sa Pilipinas, kung saan ang bawat piso na pamumuhunan ay nagluluwal ng P31 kabuuang kita sa tantyang panahong mula 2011 hanggang 2017. (Figure 1)

FIGURE 1. Kabuuang puhunan - US$1.572 bilyon. Kabuuang Gross Revenue - US$49.329 bilyon mula sa panahong 2011-2017. Datos mula sa isang presentasyon ng Chamber of Mines in the Philippines.
FIGURE 1. Kabuuang puhunan – US$1.572 bilyon. Kabuuang Gross Revenue – US$49.329 bilyon mula sa panahong 2011-2017. Datos mula sa isang presentasyon ng Chamber of Mines in the Philippines.

Ito ay kalingkingan naman ng kabuuang reserbang minerales ng bansa, na tinatayang umaabot sa halagang P37.30 – P44.41 trilyon ($840 bilyon hanggang isang trilyon).

Para mabigyan kayo ng ideya kung gaano kalaking halaga ito, kayang tumbasan ng ating reserba ng minerales ang ating Gross Domestic Product (GDP) ng 10 beses, at ang ating utang panlabas ng 14 hanggang 17 ulit pa.

Ramdam ba ng mamamayang Pilipino ito? Kung tatanungin natin ang mga kababayang nakatira sa mga komunidad na apektado mismo ng pagmimina, marahil hindi. Nananatiling mataas ang poverty incidence sa mga rehiyong laganap ang pagmimina, tulad ng CARAGA, SOCSKSARGEN, at Eastern Visayas.

Ang mapait na katotohanan ay ito: mula 1997 hanggang 2013, ang karaniwang kontribusyon lang ng industriya ng pagmimina sa employment rate ay naglalaro sa 0.44% o 149,235 trabaho, at ang karaniwang kontribusyon sa GDP ay 0.7% lang.

Ibig sabihin, kahit nag-export ang Pilipinas ng minerales at produktong mineral na nagkakahalagang P1.13 trilyon ($25.52 bilyon) sa parehong panahon, napakaliit ng pakinabang, kung meron man, sa lokal na ekonomiya.

mining-5

Saan ba pumupunta ang yamang mineral ng Pilipinas? Kung titignang mabuti ang lahat ng 46 na proyekto ng malakihang pagmimina sa Pilipinas, lahat ay pagmamay-ari ng mga dayuhang transnasyunal na korporasyon (TNC), at kundima’y direktang nagluluwas sa iba pang bansa; 90% ng minerales sa bansa, ayon sa MGB, ay ineexport pangunahin sa mga abanteng kapitalistang bansa tulad ng Australia, Canada, Japan, Korea, China, Britanya, at Estados Unidos.

Halimbawa: ang Philex Mining Corporation, ang pinakamalaking Pilipinong kumpanya ng pagmimina, ay pangunahing nagluluwas ng mga mineral concentrates tungong Japan. Katuwiran ni Manny Pangilinan, tagapangulo ng Philex, mas mura ang operasyon ng mga smelting plant sa ibang bansa kaya direkta nilang dinadala doon ang kanilang mga ginto at tanso. Ganito marahil ang katuwiran ng napakaraming dayuhan o komprador na mga minero ng nickel na nagtatayo ng sarili nilang mga smelting plant sa Pilipinas.

Sa madaling salita, nakaranas tayo ng dalawang dekada ng pagsasaid ng yaman — na umaabot na nga ng di bababa sa trilyong piso ang halaga — sa ilalim ng Mining Act of 1995.

Pambansang patrimonya, para kanino?

Sa ganitong katangian ng pagmimina na ang oryentasyon ay pagluluwas ng minerales bilang hilaw na materyales para sa ibang bansa, at ang industriya ay kontrolado ng mga dayuhang transnational mining corporations o mining TNC, hindi kailanman ito uunlad at tutulong sa ekonomiya ng bansa.

Ipinamimigay sa mga korporasyon at nilulustay ng gobyerno ang ating pambansang patrimonya, ang likas-yaman ng Pilipinas na ang tunay na nagmamay-ari ay ang sambayanang Pilipino at siya ring dapat unang makinabang.

Dito makikita ang naging palpak na pamamahala ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas. Una, ang kontrol at pagmamay-ari sa industriya ng pagmimina at ating minerales ay ipinamimigay ng gobyerno sa pamamagitan ng liberalisasyon. Ang gobyerno ay nagmimistulang isa lang taga-areglo (regulator) na kung kani-kanino inilalako ang ating mga minerales. Nasa kamay ng dayuhan at pribado kung papaano patatakbuhin ang produksyon sa minahan at paano ito pakikinabangan.

Walang ginagawa ang pamahalaan upang gamitin at pagsilbihin ang industriya ng pagmimina para sa industriyalisasyon ng bansa at para tugunan ang lokal na pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino. Lagi lang nakaasa ang gobyerno sa pagbibigay ng kakarampot na buwis ng mga pribado at dayuhang korporasyon sa pagmimina.

Kung hawak ng estado ang industriya ng pagmimina, at kung ito ay gobyerno ng mamamayan, para sa mamamayan, ang miminahin ay ilalaan natin sa kung ano ang siyang kailangan ng lipunan, at mahaba ang listahan nito: kasangkapan at makinarya sa agrikultura, mga sasakyan, mga pabrika, at iba pa.

Sa tinutulak na polisiya ng gobyernong Aquino, tila dagdag-bahagi lang sa kita ang nakikita nilang paraan upang igiit ang pambansang soberanya. Tinutulak nila ngayon ang HB 5637 na layunin lang dagdagan ng 10% hati ang gobyerno sa kita ng mga minahan — ni walang tinatakda kung saan at paano gagamitin ang ating yamang-mineral.

Katanggap-tanggap ba ang ganitong simplistikong pagtingin sa pambansang patrimonya ng bansa? Para maintindihan ninyo kung bakit ganito lang ang gustong makamit ng gobyernong Aquino: alam ba ninyo na ang katuwiran nila kung bakit hatian lang sa kita ang pinoproblema nito sa polisiya sa pagmimina ay dahil “world-class” na daw ang mga probisyon ng ating batas sa pagmimina hinggil sa kapaligiran at kapakanan ng komunidad?

Masasabi nga bang luntian na ang industriya ng pagmimina sa Pilipinas? O ito ba, katulad ng maraming pangako ng pang-ekonomiyang kaunlaran na binanggit sa taas, ay panlilinlang na naman? (ITUTULOY)

Si Leon Dulce ay ang kasalukuyang tagapag-ugnay ng kampanya ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Ito ay una sa serye ng mga artikulo patungo sa ika-20 anibersaryo ng pagsasabatas ng Mining Act of ’95.

Please also read:
2nd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng disaster
3rd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng karahasan

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post