Guernica | Pagkaraan ni Picasso

Ni Glen Sales
Bulatlat.com

Ang mukha ng karahasan
Na nasa pusod ng isang bayan
Ay una nang nailarawan ni Picasso
Sa hiwa-hiwang hugis
sa loob ng kanbas

Na tumutugis ang hapis
Sa mga hinablot ng hilakbot
Na sadyang walang
Kinikilalang oras at bayan;
Mga dugong natutuyo sa kalsada
Upang magpaalala sa lumalalng
Kasalanan ng lalang sa lumalang .

Tulad kamakailan,
Sa kabila ng pangingibabaw ng usok at pulbura,
Isang binata ang pinaslang sa tadyak, sapak
At sumpak

Habang hindi sinasadyang nadaanan ng mata ng kamera. (https://www.bulatlat.com)

Si Glen Sales ay aktibong kasapi sa Angono 3/7 Poetry Society. Ang ilan sa mga tula ay napasama na sa Liwayway, Makata Online Poetry Journal at Ani Journal 38 ng Cultural Center of The Philippines.

Share This Post