Pagbangon pagkatapos ng kalamidad, pagpapabaya ng gobyernong Aquino

KALIBUTAN
Ni CLEMENTE BAUTISTA
Bulatlat.com
kalibutan

Kasama ako at ang aking pamilya sa mga nasalanta ng Bagyong Glenda. Dala ang hangin na may bilis 185 kilometro kada oras, tumama sa amin sa Batangas si Glenda noong madaling araw ng July 16, 2014. Sabi ng matatanda, tinamaan ang lugar namin ng ‘hari ng mga malalakas na hangin’ na kung tawagin ay Salatan.

Tanggal ang bubong. Baha sa loob ng bahay. Putol ang linya ng kuryente at telepono. Para kaming basang sisiw sa ilalim ng langit.

Mabilis na nagdaan si Glenda. Mula ala-una ng madaling-araw hanggang ala-sais ng umaga lamang ang kanyang pananalanta. May patlang pa ng isang oras ng paghupa mula alas kwatro hanggang alas singko ng umaga, saka humagupit ng kanyang huling bigwas.

Pagkatapos ng delubyo: marami ang nasirang bahay. Sa paligid namin maraming kabahayan ang natanggalan ng bubong, at sa iba tanggal pati ang mga dingding. Ang ilan, lalo na ang mga maralitang nakatira sa may riles ng tren at sa mga bukirin, ay tuluyang nawalan ng bahay. Maraming nag-evacutate sa municipal gym. Bagsak ang mga poste ng kuryente, nagkalat ang mga putol na puno habang ang ilan ay nahugot sa lupa. Suspendido ng ilang araw ang mga klase sa elementarya at highschool.

Kay Glenda ko naranasan ang aktwal na malagay sa panganib at pagkakataong ‘bumawi’ muli sa epekto ng kalamidad. Dahil ang pang-ekonomiyang katayuan ng aking pamilya ay nasa panggitnang saray, maagap naming naipagawa ang aming bahay at naiayos ang nasira. May sapat na imbak ng pagkain at ibang suplay pagkatapos ng bagyo.Maswerte at wala sa aming nasaktan o malubhang nasugatan.

Hindi ganito kadali ang pagbangon ng karamihan sa aming lugar. Ilang oras pagkalipas pa lamang ng bagyo, may mga manggagawa na sumuong sa bagyo upang pumasok sa kanilang trabaho. Malapit kami sa mga tinatawag na special economic zones. Iisipin mo na parang hindi nila inalintana ang epekto ng bagyo. Ngunit ang totoo, kailangan kumayod para may pangkain, para hindi mabawasan ang sahod o magamit para sa kagyat na gastusin dulot ni Glenda. Hindi mabigat na dahilan ang hagupit ni Glenda upang lumiban sa trabaho.

Dalawang araw, pagkatapos ng bagyo, tanaw mula sa aming bubungan ang ilang mga bahay na nananatiling nakabuyangyang – walang bubong at di nadadapuan ng pagkukumpuni ng karpintero. Sa kabila ito ng balita na tumubo ng todo ang mga may-ari ng hardware sa aming lugar dahil sa bugso ng pagbili ng mga materyales para sa bahay.

Sa report ng NDRRMC, ang Bikol Region, at mga probinsya ng Quezon, Batangas at Laguna ang pinaka nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa inisyal na ulat, humigit kumulang 50 katao ang namatay at bilyon-bilyong piso ng mga ari-arian, imprastruktura at agrikultural na produkto ang nasira pagkatapos ng bagyo. Sa Rehiyon ng Timog Katagalugan, mayroon 76,598 pamilya o 373,177 katao ang inilikas sa paghagupit ng Bagyong Glenda.

A fisherman lost his house after Typhoon Glenda hit Bataan last Wednesday. (Photo courtesy of CDRC)
A fisherman lost his house after Typhoon Glenda hit Bataan last Wednesday. (Photo courtesy of CDRC)

Sigurado marami sa mga naapektuhan ay mga mahihirap na magsasaka sa kanayunan at maralitang tagalungsod. Sila rin malamang ang mga kalakhan ng mga biktima na matagal makabangon pagkatapos ng kalamidad.

Malalaman mo na ang kapasidad na ‘bumangon’ pagkatapos ng isang kalamidad ay nakabatay, una sa lahat, sa pang ekonomiyang kakakayahan ng mga biktima. May naipon o nakatabi ba siyang pera para sa mga emergency situation? May kabuhayan o mapagkukuhanan ba sya ng sustento at tulong mula sa gobyerno? May trabaho ba sya at nakasasapat na sweldo pambayad sa kanyang uutangin upang malagpasan ang epekto ng kalamidad?

Ang karaniwang sagot ay ‘WALA’ sa masang anakpawis. Ganito ang dinaranas ng mga biktima ng Super Typhoon Yolanda sa Samar at Leyte. Halos isang taon na ang nakalipas, ilampung libo ng ating mga kababayan sa mga apektadong lugar ay nanatiling kaawa-awa ang kalagayan.

Ayon sa datos ng People Surge na halos 600 pamilya o 2,500 indibidwal sa ‘tent evacuation areas’ sa Tacloban na biktima ng Yolanda ang nilikas bago dumating ang Bagyong Glenda.

Tuwing may kalamidad, laging kapos ang tugon ng gobyernong Aquino. Kung meron mang tulong ito ay kalakhan sa pagbibigay ng relief goods na kadalasan ay kulang at sa maiksing panahon lamang na di sumasapat upang ipangtawid ng mga biktima hanggang sila ay makabangon.

Sa buong panahon ng Bagyong Glenda si Presidente BS Aquino ay nanatili sa ligtas nyang tirahan sa Times Street Quezon City. Ang dahilan ng Malakanyang, hindi naman kailangan nasa lugar ng mga apektado ng bagyo si BS Aquino upang ipakita ang kanyang pagpapahalaga at pamamahala.

Sadyang kapos sa pang-unawa at talino si BS Aquino at ang kanyang kasapakat sa Malakanyang. Paano pa maaasahan ang mga ito na kahit ang simpleng pagpapataas ng ‘morale’ at pagpapakita ng kalinga sa mga biktima ng mga kalamidad ay walang halaga sa kanila?

Tama ang sinabi ng organisasyong Anakbayan: walang alam gawin si BS Aquino kundi ang mag-‘Noynoying.’ Kapag kapakanan ng taumbayan, wala siyang pakialam; kapag interes ng kanyang kapamilya, kaklase, kabarilan at kauring panginoong maylupa o malaking negosyante, isama na ang gobyernong Estados Unidos, mabilis o ‘accelerated’ siya pumabor. Siya ang pinakamalaking kalamidad na nararanasan ng Pilipinas. (https://www.bulatlat.com)

forkalibutan_enteng
Si Clemente Bautista ang national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Share This Post