Kapamilya pala kami

abscbn_ijm

ni ROGELIO ORDOÑEZ

sa imperyo ng elitista’t pinagpala
ng mga nilikhang may gintong kutsara
sa puwit, puwerta’t bunganga
may kutis porselanang alaga
sa palitada ng gatas at krema
may panty at brang libo ang halaga
may barong na jusi o pinya
o tuxedong nanlilisik ang ganda
silang may mansiyong nakasisilaw
liwanag ng mga aranya
at waring hayok na dambuhalang
nag-aabang ng sinumang masisila
sa malawak na asyendang dinilig
ng pawis at dugo ng mga sakada
kami pala’y kapamilya.

oo, mahabaging diyos ni abraham
oo, santa mariang birheng kabanal-banalan
kami pala’y di ninyo pinababayaan
kapamilya pala kami
ng pinagpala ninyong mga nilalang
kaming binabaliw araw-araw
sa mga telenobelang hitik sa sigawan
o inaagusan ng luha ng kapighatian
kaming idinuruyan sa pantasya’t kahangalan
o pinaglalaruan ang pagkatao’t karangalan
mistulang payaso sa larong kahunghangan
habang dinudusta ang karalitaan
dahil sa balumbon ng perang
panlaman sa tiyan.

oo, kapamilya kami ng mga diyus-diyosan
kaming kalimitang pinalilibog
ng nanggigitatang paglalambingan
at masabaw na pag-iibigan
kaming inaakit ng mapuputing hita
sa sayawang walang patumangga
o binubulag ng susong nagluwa
ng mga artistang parang nagwawala
kapamilya pala kami
kaya inaaliw araw-araw
para di mamulat sa katotohanan
sa dahilan ng aming kabusabusan
kami’y pinipiringan
ng balatkayong kawanggawa
gayong pondo’y di naman nagmula
sa mismong bulsa nilang pinagpala
oo, kami’y lagi’t laging aaliwin
upang di makita totoong bituin
nang di tabak ang himas-himasin
di gatilyo ang kalbitin
at wakasan ang pang-aalipin!

kapamilya pala kami
kaming buto’t laman ang puhunan
dugo’t pawis ang pinagmumulan
ng sagad-langit nilang kayamanan
kaming ginagawa lahat ng paraan
pasanin man ang kamera
hanggang kabundukan
kaming ipinapain ang buhay
saanman may trahedya’t sagupaan
kaming naghahanda ng tanghalan
ng kung anu-anong kailangan
para maiduyan sa ilusyon ang bayan
kaming parang mga langgam
nag-iimpok ng pagkaing pagpipistahan
nilang likas ang kasuwapangan!
kapamilya nga ba kami
ngayong kumakatok sa kanilang puso
ng dagdag na kanin o mumo?
bakit itinataboy ngayon sa lansangan
ibig ipalanghap mga basurahan
ayaw ipasamyo kanilang pierre cardin?
kapamilya nga ba kami
gayong ayaw palagukin ng kanilang alak
mula sa hinog na ubas
ng aming katawang niligis sa hirap?

o, mahabaging diyos ni abraham
santa mariang birheng kabanal-banalan
kapamilya nga ba kami
kinakalinga’t di pinababayaan
ng pinagpala ninyong mga nilalang?
o kapamilya lamang kami
hanggang pinakikinabangan
sa pagdambong nila ng kayamanan
para maglublob sa karangyaan?
huwag… huwag
humingi ng dagdag na grasya’t kaluwagan
huwag makibahagi sa umaapaw nilang yaman
kahit galing iyon sa dugo ninyo’t laman
itatakwil kayo sa pamilya
itatapon sa kangkungan
itatambak sa pusalian
ng dusa’t karalitaan
lumuhod na lamang daw at magdasal
ngunit huwag maglalamay
sa gatilyo ng katubusan!

Ang tula na ito ay alay ng makata sa mga manggagawang nagwelga’t tinanggal sa trabaho noon sa diumano’y kapamilyang ABS-CBN Channel 2. “Pawa silang mga opisyal at miyembro ng unyon doon, humihingi ng karagdagang suweldo’t benipisyo dahil limpak-limpak naman ang tinutubo taun-taon ng naturang kompanya…” sabi ng makata.

Share This Post