Heckling

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

May sabit ang independence day speech ni Presidente Noynoy Aquino sa Naga City. Ang inaakala niyang tahimik, under-the-radar (kaya nga sa Naga City ito ginanap) na talumpati sa bansa ay nabasag ng heckling ng isang Em Mijares, estudyante ng Ateneo de Naga University, na sumigaw, “Patalsikin ang Pork Barrel King! Walang pagbabago sa Pilipinas.”

Ang heckling ay pagbasag ng trip ng may kapangyarihan. Maaari itong pagtanong, pagbatikos, pag-challenge, o pagpapahiya sa may kapangyarihan ng isang walang kapangyarihan. Ibig sabihin, ang heckling ay temporal na pagbabalikwas sa relasyong pangkapangyarihan at diskursong pangkapangyarihan, na ang wala ay kagyat na nagkakaroon, at ang mayroon ay kagyat na may kabawasan.

Para itong karakter na pusong sa kwentong-bayan, mga Juan Tamad at Juan Masipag na ang punchline ng maiikling oral na panitikan ay kung paano naiisahan ng walang kapangyarihang smarteng nilalang ang nakakataas sa kanya, ang imahinaryong aktwal na may kapangyarihan na gahaman pa sa higit pang ekonomiko, politikal at kultural na kapangyarihan.

"Ang heckling ay pagpapahiya ng representatibo ng walang kapangyarihan sa may kapangyarihan.  Ang baboy ay representasyon ng mga trapong personal na nakinabang sa kaban ng bayan.  Ito ay indictment sa Kongreso, Senado, at presidente.  Baboy sila, gaya nang saad nitong synecdoche ng kabuuang bulok sa burukrata kapitalismo.  Pero mas efektibo ang heckling na one-on-one dahil ang pagkapahiya ay sa antas ng personal, sampal sa mukha na ang may kapangyarihan ay walang lubos na kapangyarihan."
“Ang heckling ay pagpapahiya ng representatibo ng walang kapangyarihan sa may kapangyarihan. Ang baboy ay representasyon ng mga trapong personal na nakinabang sa kaban ng bayan. Ito ay indictment sa Kongreso, Senado, at presidente. Baboy sila, gaya nang saad nitong synecdoche ng kabuuang bulok sa burukrata kapitalismo. Pero mas efektibo ang heckling na one-on-one dahil ang pagkapahiya ay sa antas ng personal, sampal sa mukha na ang may kapangyarihan ay walang lubos na kapangyarihan.”

Ang lamang ng ordinaryong nilalang sa heckling ay ang pagiging tuso sa relasyong pangkapangyarihan at diskursong pangkapangyarihan. Tuso dahil ang kanyang organikong intelihensya ang nagpapaalam kung ano ang kanyang kinakaharap, at kung paano ito maiisahan para magkaroon ng kabaligtaran sa relasyong pangkapangyarihan.

Ang diskursong pangkapangyarihan na sinasambit sa heckling ay ang normalisasyon ng sirkumstansya at kondisyon ng kapangyarihan–kung ano ang magaganap; sino ang nagpapaganap; saan, kailan, at bakit ito magaganap—at dahil itinuturing na normal at hindi na matitinag, mayroong pagkurap sa kapangyarihan na magdudulot ng pagbabalikwas sa paano. Samakatuwid, kahit pa institusyonalisado ang diskursong pangkapangyarihan, may siwang pa rin sa loob nito—sa spero ng papaano–na nagbibigay ng puwang para sa pagbabalikwas.

Sa sandali ng heckling, nagkakaroon ng tinig ang heckler at napapatahimik ang heckled. Kahit pa, kagyat lamang ito, at matapos, tulad ni Mijares, maaresto ito, madedetinido, makakasuhan, at maaring masintensyahan. Sulit na rin dahil hindi naman araw-araw na may heckling na nagaganap at nagpapapalit ng lugar sa awtoridad tungo sa temporal nitong letting go ng kapangyarihan.

Ang nakakamit ng heckling ay ang pamandaliang desentralisasyon ng kapangyarihan, at sa paulit-ulit na pagdesentro nito, ang pagiging matingkad na wala na ang kapangyarihan sa historikal nitong sentro. Para itong sa huling taon ni Gloria Arroyo, na sa dami ng biradang natamo nito—kasama ang heckling ng iba’t ibang sektoral na mamamayan—ay nagmistulang itong pilay na kapangyarihan, at nagpatalo sa kanyang makinasyon ng pambansang eleksyon ng 2010.

Kung gayon, ang heckling ay pag-eensayo sa pagbabalikwas. Subersibo ito sa nilalang dahil pinili ng individual na hindi na lamang manahimik, umalinsabay sa dekorum, at pumaloob sa diskursong pangkapangyarihan. Ito ang kontraryong pribatisasyon ng individualismo sa neoliberalismo, na tulad ng Facebook at Twitter, ang nilalang ay tahimik na friend at follower kahit sa pinakaradikal nitong antas dahil ang inaakalang malawakang pag-like at pag-favorite ay hindi naman talaga nakakapagpabago ng aktwal na mundo. Bagkus, umaalinsabay lamang sa template ng paglahok at aktibisasyon sa mga virtual na plataporma ng komunidad at pamayanan.

Kaya humayo at magparami pa ang mga heckler ng mundo. Sa inyong individual na paglahok sa kolektibismong aspirasyon ng pagbabago, nagkakaroon ng politikal na mukha ang tao para ang tao ay maging bayan, at ang bayan maging sambayanang nakikibaka’t nagtatagumpay. (https://www.bulatlat.com)

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

Share This Post