Pagpupugay sa mga abogado ng bayan

The columnist delivered the following in a speech during the NUPL (National Union of Peoples’ lawyers) testimonial for new people’s lawyers held last June 3. Clemente Bautista and Kalikasan Peoples Network for the Environment have worked with NUPL on a number of controversial cases involving the environment.

KALIBUTAN
By CLEMENTE BAUTISTA
Bulatlat.com
kalibutan

Nakakatuwa na dumadami ang mga abugadong magbibigay serbisyo at talino nila para sa kapakanan ng masa. Ang masa ay iyung mga karaniwang tao, kakarampot ang sinasahod o mga naghahanap pa ng trabaho subalit di makahanap. Sila ‘yung mga magsasaka na literal na nabubuhay sa biyaya ng lupa subalit laging pinagkakaitan ng karapatan sa lupa, tulad ng mga taga Hacienda Luisita. Sila ‘yung mga katutubo sa kabundukan na sa totoo lang ay dating mga taga patag subalit nataboy lamang dahil sa ibat ibang patakaran at proyekto ng gobyerno, mga negosyante o korporasyon. Marami pang mga katulad nila — sila ang mas nangangailangan ng mga ganitong abugado ng bayan.

Sa pagdami ng mga abogado ng bayan, tiyak na mas maraming kaso tayong maisasampa sa korte upang makatulong sa mga kampanya o ipinaglalaban ng masa. Maraming mabubusisi na mga patakaran, programa at proyekto ng gobyerno at mga pribadong korporasyon kung sumusunod ba ang mga ito sa ligal na rekisito. Gayundin sa paglikha ng mga alternatibong patakaran o programa na maisusulong bilang batas sa antas lokalidad man o pambansa.

"You will fight an over-empowering government which oppresses the people...If you will stand for the people, it doesn't matter who will stand against you." --Chief Justice Renato Puno during the Testimonial for the New People's Lawyers 060314. UP Diliman.
“You will fight an over-empowering government which oppresses the people…If you will stand for the people, it doesn’t matter who will stand against you.” –Chief Justice Renato Puno during the Testimonial for the New People’s Lawyers 060314. UP Diliman.

Tulad na lamang ng ating interes na protektahan ang kapaligiran at likas yaman. Mahaba at marami na rin ang pinagsamahan ng Kalikasan PNE at NUPL:

Isa ang Kalikasan PNE sa mga nanguna para itaguyod ang batas laban sa Strategic Lawsuits against Public Participation o SLAPP. Ito ay sa kalagayan na napakaraming mga environmental advocates ang sinasampahan ng gawa-gawang kaso upang idiskaril ang mga protesta nila sa mga mapanirang proyekto. Katuwang ang NUPL partikular si Atty. Jules Matibag sa pagbabalangkas ng Anti-SLAPP Bill sa Kongreso at kaugnay na pagsulong nito sa loob mismo ng Korte Suprema. Resulta nito, nagkaroon ng Rule of Procedure for Environmental Cases o mas kilalang Writ of Kalikasan na may mga remedyo sa SLAPP. Mula nang ilabas ito ng Korte Suprema noong 2010, maraming samahan ang gumamit nito upang itaguyod ang kanilang karapatan sa likas-yaman at ipagtanggol ang kagalingan ng kapaligiran.

Katuwang din ang NUPL at si Kabataan Partylist Representative Terry Ridon, na isa ring abogado, sa pagsasampa ng kaso laban sa Subic Coal Power Plant ng Redondo Peninsula Energy Inc. Nagsampa tayo ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema. Hindi ito pinagbigyan ng Court of Appeals, pero ang desisyon noong Enero 2013 ay nagresulta sa pansamantalang pagkatigil ng proyekto dahil lumitaw ang kakulangan nito ng legal na rekisitos.

Noong Abril 2013 nagsampa rin ng kaso ang NUPL sa pangunguna ni Atty Edcel Tupaz, Kalikasan PNE, Bayan at iba pang mga organisasyon para maglabas ng Writ of Kalikasan kaugnay sa pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha National Reef Park. Pero hanggang ngayon wala pang resolusyon ang Korte Suprema rito. Kahit pa ang Korte mismo ay nagsabing dapat kagyat bigyan ng resolusyon ang mga kasong para sa Writ of Kalikasan.

Ganumpaman, ang pagsampa ng kaso ay nagdagdag sa sigaw para sa makatwirang paniningil sa Estados Unidos sa ginawa nilang paglapastangan sa ating soberenya at pagsira sa World Heritage Site na Tubbataha. Nailantad lalo ang pangangayupapa ng gobyernong Aquino na nagmimistulang tagapagtanggol ng US habang lalong lumantad ang kayabangan ng pwersang militar ng US. Hanggang sa kasalukuyan ni singkong duling ay walang ibinibigay ang gobyerno ng US at wala ni isa man sa US Navy ang nasampahan ng kaso sa Korte ng Pilipinas.

Kasama ang People’s Lawyers in Mindanao (PLM) ang kaso ni Professor Kim Gargar na illegal na inaresto, sinampahan ng gawa gawang kaso at pinagbibintangan na isang rebelde. Si Kim ay isang enviornmental activists na tumulong, syentista at boluntir ng BALSA Mindanao para tumulong sa mga biktima ng Trahedyang Pablo. Tumutulong din ang NUPL sa paghahanap hustisya sa kaso ng pagpatay kay Leonard Co at dalawa pang kasama nya. Si Leonard Co ay isa sa pinakamahusay na botanist sa buong daigdig. Napatay siya ng Philippine Army noong Nov 2010 sa Kagubatan ng Kananga Leyte.

Ilan lamang ito sa pagtutulungan o pinagsamahan ng NUPL at Kalikasan PNE sa paggamit ng mga ligal na rekurso upang itaguyod ang laban ng mamamayan para sa kanilang kalikasan. Pagdadala at pagsasabuhay ng mga abogado ng bayan sa nakasaad sa 1987 Philippine Constitution “The State should protect and advance the right of the people to balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature.”

Habang itinataguyod natin ang prinsipyong ito, ang Estado partikular ang Administrasyon ni Aquino ang pangunahing lumalabag sa probisyong ito. Pansinin na lang natin ang pagtutulak ng pagpasok ng mga malakihang pagmimina sa mga natitira nating mga kagubatan, ang pagpayag sa ekspansyon ng mga plantasyon agrikultural, pagpapabaya sa mga biktima ng natural na traheya tulad ng Bagyong Pablo, Sendong at Yolanda, pagpayag sa reklamasyon sa ating mga baybaying dagat at kailan lamang, ang paglalabas ng EDCA na magdudulot ng pagpasok at pag-iimbak ng armas nukleyar at pagdami ng insidente ng pagsira at polusyon ng ating kapaligiran dulot ng presensya ng pwersang militar ng US.

Ganumpaman, lumalakas ang paglaban ng mga mamamayan para itaguyod ang kanilang karapatan at protektahan ang kanilang kalikasan. Maraming matutunog na tagumpay na kung saan nabigo at nabibigo ang pagtatangka ng gobyerno at mga korporasyon na dambungin ang likas-yaman at sirain ang kapaligiran. Nandyan ang pagpapatigil ng malakihang mina sa South Cotabato, Nueva Vizcaya, Cagayan, Cordillera. Ang pagpreserba ng mga kagubatan at pagtataboy sa mga korporasyon sa Davao del Norte, Bukidnon, North Cotabato, Surigao del Norte at Sur, Quezon, Palawan.

Sa mga abogado ng bayan, maraming hamon na naghihintay. Di mabibilang ang mga pagkakataon para ilaan ang inyong talino, pawis at husay para sa masa. Tuloy tuloy ang ating samahan para sa masa at kalikasan. Mabuhay ang mga abogado ng bayan.
(https://www.bulatlat.com)

Clemente Bautista is the national coordinator of Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Share This Post