APECO: isang bangungot sa mamamayan ng Casiguran, Aurora (2)

KALIBUTAN
Ni CLEMENTE BAUTISTA
Bulatlat.com
kalibutan
Special Report:

Ikalawa at huling bahagi ng isang ulat bunga ng pagsasaliksik na nilahukan ng Kalikasan PNE tungkol sa iba’t-ibang epekto ng APECO sa mga komunidad ng Aurora.

Pakibasa rin: APECO: Isang bangungot sa mamamayan ng Casiguran, Aurora (1)

Pagliit ng pangisdaan, paglaki ng saklaw ng pribadong pag-aari sa Casiguran Bay

Malaking perwisyo sa mga mangingisda sa Casiguran ang APECO. Bukod sa pinapaalis nito ang mga kabahayan sa baybaying dagat, isasapribado rin dahil dito pati mga pangisdaan sa Casiguran Bay. Sa lugar nila, itatayo ang mga private resorts at proyektong aquaculture tulad ng seaweed farming at fish cages production, kaya sa bandang huli, magiging pag-aari ito ng mga negosyante at pribadong korporasyon sa mga pampublikong pangisdaan, ka tulad ng nangyayari sa Laguna de Bay at Lawa ng Taal sa Southern Tagalog Region.

Pinakaapektado nito ang maliliit na mangingisda na kadalasang namamalakaya malapit sa baybaying tagat.

“Kung magiging pribado ang dagat, paano na kami makakapangisda? Gamit lang namin ay maliit na bangka na de-sagwan at di namin kayang pumalaoot sa malalim na dagat,” pangamba ni Merlie Discarga, isang maralitang mangingisda. Madalas na 2 kilo ng isda ang karaniwang nahuhuli ni Ka Merlie sa bawat pangangaway o pamimingwit.

Takipsilim sa baybayin ng Casiguran bay (Kuha ni Clemente Bautista / Bulatlat.com)
Takipsilim sa baybayin ng Casiguran bay (Kuha ni Clemente Bautista / Bulatlat.com)

Kung mangyayari ang kinatatakutan nila, mapipilitan pumalaot lalo ang mga mangingisda na gumagamit ng mga de-motor na bangka upang mamalakaya. Ibig sabihin, tataas ang gastos at mas hahaba ang oras sa trabaho. Magreresulta ito sa mas mababang kita ng mga mangingisda, samantala, mapupunta sa mga dayuhan at pribadong korporasyon ang kontrol sa mga pampublikong pangisdaan.

Banta ng malawakang pagkasira ng kapaligiran

“Kung matutuloy ang balakin ng APECO sa pagtatayo ng mga pabrika, magiging dahilan ito ng matinding polusyon sa Casiguran Bay. Negatibo itong makakaapekto sa ekosistema sa dagat tulad na lamang ng pagkasira ng bakawan at pangitlugan ng mga isda sa baybaying dagat,” sabi ni Vicente “Ka Enteng” Convicto, presidente ng Pinag-isang Lakas sa Casiguran (PIGLASCA).

Ilang ektarya ng mga mangrove at beach forest ang hinawan para sa konstruksyon ng 1.5 kilometro ng airstrip noong 2013 sa Bgy. Esteves. Gayundin, ilang daang ektarya na ng mga palayan at sakahan ang napalitan ng gamit dahil sa pagtatayo ng resettlement area, economic zone area, at hotel sa Bgy. Esteves.
apeco2pics2
Tinabunan ang mga palayan kasama na ang mga natural na daluyan ng mga tubig. Dahil dito naging mas mababa ang lebel ng kalupaan sa mga nakapalibot na komunidad, na nagdulot ng mas madalas at mas malalim na baha tuwing tag-ulan.

Gayundin, ang pagtatayo ng mga pasilidad at imprastraktura ng APECO ay may malaking presyur sa kagalingan ng kagubatan. Dahil mas mura na kumuha at bumili sa loob ng Aurora ng mga kahoy para sa konstruksyon, naging mas matindi ang illegal logging sa kabundukan ng Sierra Madre na malapit sa Casiguran.

Sa Peninsula ng Casiguran, kalakhan ng lupain ay binubuo ng kabundukan na may secondary forest, habang ang baybaying dagat nito ay natataniman ng mga niyog. Maaaring masira ang mga ito kapag maramihang magsusulputan ang mga private resorts sa Peninsula.

Noong dekada 90 hanggang dekada 2000, nagpakasasa ang Industries Development Corporation (IDC), isang dambuhalang logging company na pag-aari ni Joselito Ong, sa pagkalbo ng kagubatan sa Peninsula ng Casiguran. Hanggang ngayon, patuloy ang illegal na pagputol ng puno sa Casiguran at maraming nagtuturo na IDC ang nasa likod nito.

Inangkin ng APECO sa halagang PHP120 milyon ang logging rights ng IDC sa Peninsula na sumasakop sa mahigit na 12,000 ektarya. Pera ng mamamayan ang pinambayad para sa lupang pag-aari din ng gobyerno.

Dagdag pa, ang IDC ang una sa mga naging inbestor ng APECO. Nagkaroon ito ng representasyon sa management board ng APECO. Kaya’t magpahanggang ngayon patuloy ang pandarambong ng IDC sa kagubatan ng Casiguran sa pamamagitan ng APECO.

Nangangamba ang mga taga-Casiguran na ang patuloy na pagkakalbo ng kagubatan, tulad sa maraming lugar, ay magdudulot ng mas matitinding baha, landslide at trahedya.

Paglabag sa karapatang pantao, pagsupil sa paglaban ng mamamayan

“Ang mga taga-Casiguran ay masyadong mapagtimpi at kung maaari ay ayaw ng gulo. Subalit alam nila na may inhustisya dahil ramdam nila ito. Kung kaya matiyaga at tuloy-tuloy ang kanilang paglaban para sa kanilang karapatan,” ang kwento sa akin ni Fr. Jose Francisco “Joefran” Talaban, ang kura paroko ng Casiguran. Isa si Fr. Joefran sa mga nangunguna sa paglaban sa APECO.

Noong Hunyo 6, 2010, pinagtangkaang patayin si Fr. Joefran. Pinasabugan ng M203 grenade ang bahay na tinutulugan nya sa loob ng compound ng Simbahan sa Bgy. Bainoan. Bago ito, nagkaroon ng harassment at black propaganda kay Fr. Joefran. Sinisiraan sya na naghahasik daw sya ng gulo sa Casiguran. Ilang beses syang nakatanggap ng pagbabanta at tinatakot na “bilang na ang kanyang mga araw sa mundo.”

Hindi lamang si Fr. Joefran ang nakaranas ng harassment dahil sa kanilang paglaban. Noong 2011, nagkaroon ng militarisasyon sa lugar. Sa Bgy. Esteves, ginawang detachment ng 48th Infantry Batallion ng Philippine Army ang baranggay hall. Hinaras ang mga kilalang lider sa lugar upang takutin na tumigil sa kanilang oposisyon sa APECO.

Ngunit hindi natinag ang mga mamamayan. Dahil sa malakas ng pagtutol ng mga taga- Casiguran at malawak na suporta mula sa iba’t-ibang grupo nahahadlangan ang todo-todong pangangamkam ng lupa, nasisiwalat ang matinding kabulukan ng APECO at marami nitong paglabag sa karapatang pantao.

Tinukoy nila na ang pangunahing tagapagtaguyod ng APECO sa probinsya ay ang dating Senador Edgardo Angara at ang kanyang pamilya. Ang pamilya Angara ay kilala sa pinakamalalaking panginoong maylupa at negosyante sa Aurora. Sila ay kilalang mahigpit na kaalyado ni Presidente Noynoy Aquino.

Batbat ng korupsyon at pangungurakot sa kabang yaman

Pagkalipas ng 7 taon ng pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng APECO sa Casiguran, walang masasabing kaunlaran na idinulot ito sa mamamayan. Kahit ang inaasahang puhunan at dagdag na negosyo mula sa labas ng probinsya ay di dumating.

Mahigit na sa PHP7 bilyon mula sa kabang yaman ng mamamayan ang nagagastos ng APECO. Kailan lamang natagpuaan ng Commission on Audit (CoA) na batbat ng katiwalian at maraming kahina-hinalang transaksyon na ginawa ang APECO. Sa ulat ng CoA may halos PHP38 milyon ang ginastos ng APECO mula 2010-2012 na hindi maipaliwanag. Walang maayos na imbentaryo at malinaw na dokumento para sa mga pag-aari at kagamitan na pinaggastusan ng APECO na nagkakahalaga ng PHP575,719.737.01.

May mga ghost employees at mga empleyado na binayaran ng milyon-milyon na wala namang ginawang serbisyo para sa gobyerno. Gayundin, nananatiling walang pakinabang ang buong economic and freeport zone at mga kaugnay na pasilidad nito.
apeco2pics3
Noong ako ay bumisita sa loob ng APECO, mistulang isang ghost town ito. Ang malawak na airstrip ay ginagawa lamang na patuyuan ng palay at hanggang ngayon ay hindi pa nagagamit ng kahit isang eroplanong pampubliko o komersyal. Ang mga hotel ay walang sapat na mga bisita at turistang pumupunta. Ang administration building na nasira noong Agosto 2013 ay abandonado.

Ngunit magpahanggang ngayon ay pinopondohan ng adminstrasyon ni Aquino ng daan-daang milyon pisong gastusin ng APECO na ginagawang gatasan lamang ng mga kurakot na opisyal at bulok na pulitiko sa Aurora.

Tuloy ang laban para sa repormang agraryo, lupaing ninuno at karapatan.

Walang tigil ang Malakanyang at Probinsya ng Aurora sa pagtutulak ng APECO. Walang tigil ang konstruksyon ng mga overpriced na mga pasilidad at pabahay. Nananatiling nangangamba ang mga katutubo na mapalayas sila sa kanilang lugar, natatakot ang mga mangingisda na mawalan sila ng kabuhayan, nababalisa pa rin ang mga magsasaka sa banta ng pangangamkam sa kanilang mga sakahan.

Subalit sa gitna nito ay patuloy ang pagkilos ng mamamayan sa Casiguran laban sa APECO. Noong Mayo 8, naglunsad ng isang kilos protesta ang ilang daang mamamayan sa harap ng Munisipyo ng Casiguran. Muli nilang ipinahayag ang kanilang pagtutol sa APECO.

Naalala ko ang mga malalamang kataga na binaggit ng aking mga nakausap: “Hindi namin pinagyaman ang lugar na ito para sa mga dayuhan kundi para sa aming mga anak at apo. Masasayang ang ipinamana sa amin ng mga ninuno kung makukuha lamang ito ng mga Angara,” ang madiing pahayag ng lider ng Agta-Dumagat na si Ka Vic.

“Bilang isang mamamayan na tumitindig sa kapakanan ng mga mamamayan, kailangan kong tumulong laban sa APECO,” dagdag ni lider magsasaka na si Ka Enteng.

“Saan man humantong ang laban na ito ay walang iwanan. Kung kailangan magbuwis ng buhay ay gagawin namin bilang taong simbahan na naglilingkod sa sambayanan,” pangako ng ni Fr. Joefran.

Tuloy ang laban sa APECO. Tuloy ang pakikibaka laban sa pangangamkam ng lupa at para sa karapatan ng mga taga Casiguran. (https://www.bulatlat.com)

Si Clemente Bautista ang national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Share This Post