Unli pala ha? | Mga pangunahing dahilan ng mabagal na internet sa bansa

ROOT ACCESS
Rick Bahague

Bulatlat.com

Sa pagbabasa ng mga artikulo sa www.bulatlat.com, anong tipo ng broadband connection ang iyong ginagamit: landline, cable o mobile? Mas marami bang pagkakataon na hinahampas na lamang ang computer table sa bagal ng inyong internet connection? Hindi ka nag-iisa. Gayunpaman, maligayang pagdating sa mundo ng internet.

Bahagi na nang araw-araw na buhay para sa mahigit 5.3M broadband subscribers ng Philippine Long Distance and Telephone Company (PLDT) at Globe Telecoms (Globe) ang mabagal na access sa internet. Lalong nakakabagot naman kung mobile broadband ang gagamitin. Sa kasalukuyan, monopolisado ng dalawang kumpanya ang serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa. Kontrolado na rin ngayon ng GLOBE ang Bayantel na pag-aari ng mga Lopez.

Sa iba’t ibang pagkakataon, nagpanukala sina Kabataan Partylist Representative Terry Ridon, Bayan Muna Representatives Neri Colmenares at Carlos Zarate na imbestigahan ang serbisyo ng mga kumpanya sa telecommunications (telco). Kung tutuusin, marami nang pagkakataon na nakaharap natin ang mga abogado at mga network engineer ng mga telco; mula sa usapin ng sms, voice calls, disaster alerts at internet. Madalas ang sagot nila sa mga tanong na may kaugnayan sa quality of service ay mga jargon na fiber optic backbone, data cap, bandwidth at iba pa. Sa ngayon, ang dahilan diumano ng mabagal na internet access ay ang iilang subscriber na umuubos ng halos 80% ng bandwidth ng mga telco, kaya ang solusyon ay maglagay ng data cap o limitahan ang download at upload ng mga subscriber.

Sa isang segment ng State of the Nation ni Jessica Soho tinukoy ang pangunahing dahilan ng mabagal na koneksyon natin sa internet – kulang sa imprastruktura ang mga telco upang tugunan ang papalaking bilang ng mga gumagamit nito. Sinusugan rin ito ni Engr. Edgardo Cabarios, regulation branch director ng National Telecommunications Commissions (NTC). Sa kabilang banda, inamin rin ni Commissioner Gamaliel Cordova ng NTC na inutil ang ahensiya na bantayan ang serbisyo ng mga telco. Limitado ang kapangyarihang ibinigay ng RA 7925 sa NTC.

Batay sa 2013 Annual Report ng PLDT, 2013 3Q Report ng Globe at InternetWorldStats.com, aabot na sa 34.8 milyon hanggang 40.8 milyon mamamayan ang maaaring gumamit ng fixed broadband at wireless connection upang magkaroon ng internet access. Taon-taon nadadagdagan ang gumamit ng internet subalit hindi makasabay ang mga imprastruktura ng mga telco.

Kumita ang PLDT ng mahigit P38.7B at P3.5B (3Q Report) naman sa GLOBE noong 2013. Kumikita sila ng bilyon-bilyon mula sa mga subscribers sa kabila ng mabagal na internet service ng dalawang monopolyong ito.

Mababa ang ICT Development Index ng bansa

Ayon rin sa International Telecommunications Union na naglabas ng “Measuring the Information Society Report” noong 2013, ang ICT (information and communication technology index) Development Index ng bansa ay 3.34 noong 2012 at 3.14 noong 2011 (ang range ng IDI ay 0-10, 10 bilang pinakamataas). Nananatili itong nasa ika-99 na pwesto mula sa 157 bansa na kasama sa pag-aaral at nasa kategoryang “medium connected countries.” Ang average na IDI ng buong mundo ay 4.35 (2012) at 4.15 (2011). Ang IDI ng South Korea ay 8.57 (2012) at 8.51 (2011) at nangunguna sa may pinakamataas ng IDI, kasunod ang Sweden, Iceland, Denmark, at Finland. Ang mga bansang ito ay may “abundant international internet bandwidth, a highly developed backbone, and solid fixed-broadband infrastructure.” Maagap rin silang naglatag ng imprastruktura para sa high-speed mobile broadband at malawak sa kanilang mamamayan ay may computer at internet access.

Sinusukat ng ICT IDI ang latag ng imprastruktura sa ICT o kahandaan (ICT readiness), antas ng paggamit ng lipunan sa ICT (ICT use) at ang kakayahan ng gamitin ang ICT sa pagpapaunlad ng bansa (ICT skills). Sa larangan ng imprastruktura, nasa ika-103 ang Pilipinas sa 157 bansa na kalahok sa pag-aaral ng ITU.

Tinukoy ng ITU ang international internet bandwidth, maunland na telecom backbone, latag na imprastruktura sa fixed at high speed mobile broadband bilang mga pangunahing salik upang pakinabangan ng malawak na mamamayan ang benipisyo ng internet access at ICT. Gayundin, may mga pag-aaral na nagbabanggit ng ugnayan ng malawak na internet access at pag-angat ng GDP.

Ang ugnayan ng mga imprastruktura na bumubuo sa malawak na network ng mga kompyuter sa buong mundo

Baybayin natin kung paano ka nakarating sa web page na ito. Binuksan mo ang browser sa kompyuter at inilagay sa address bar ang domain name na www.bulatlat.com. Tinatawag itong request, kung saan ang client (ang iyong kompyuter) ay humihingi ng tugon mula sa server na kinalalagyan ng domain (bulatlat.com). Sa ilang segundo lamang, mababasa na agad ang web page na ito. Hindi na mapapansin ang mga dinaanan ng request at response ng server.

Mula sa kompyuter lumalabas ang request sa modem na inilagay ng telco sa ating mga bahay. Papunta ito sa isa sa mga gateway. Tila mga malalaking pintuan na nagpapadaloy ng mga palabas na request at pabalik na response ang gateway. Maaaring ipasa ng isang gateway ang request sa ibang bahagi ng sariling network o kaya ay sa labas na mismo patungo sa server.

Ang ating request ay dumadaan sa kableng inilatag ng telco mula sa ating bahay patungo sa isa sa mga connection box na madalas makikita sa gilid ng kalsada. Sa mga box na ito, nagsasama-sama ang iba pang mga kableng nagmumula naman sa iba pang mga bahay o subscriber. Tutungo na sa switch ng telco ang kable mula sa connection box. Sa mga switch, awtomatikong ginigiyahan ang request patungo sa gateway upang makarating sa server na magbibigay ng response. Karamihan sa mga server ay nakalagay sa US, EU at iba pang bansa. Dadaan naman sa mga kableng nakalatag sa ilalim ng dagat ang ating request patungo sa bansa kung saan nakalagay ang server.

Magdudulot ng mabagal na koneksyon sa internet ang alinman sa mga bahagi ng kabuuang imprastruktura, na nagpapasahan ng request at response, ang kulang o nasisira.

Hindi kumprehensibo ang network backbone ng bansa

Dalawang backbone network ang inilatag sa bansa. Mahigit 11,200 KM ang Domestic Fiber Optic Network (DFON) ng PLDT. Matatapos ngayong taon ang fiber optic link ng Northern Luzon (Ilocos, Cagayan) patungong Dagupan ayon sa kumpanya. Mayroon na rin itong link sa Southern Luzon (Quezon, Camarines Sur, Masbate), Manila – Cebu, Bohol – Cebu – Cagayan de Oro at Palawan. Nakalatag rin ang National Digital Transmission Network ng TelicPhil na isang tulungan ng iba pang telco maliban sa PLDT sa pangunguna ng Bayantel. May dagdag pang backbone ang Globe mula Makati patungong Batangas, Mindoro, Panay, Negros, Cebu at Iligan City sa Mindanao. Sa kabuuan mahigit 17,462 km ng fiber optic cable ang nakalatag sa buong bansa. Gayunpaman, kahit mas malawak pa ito sa South Korea at Singapore mabagal pa rin ang internet connection sa bansa.

Maliban sa backbone na monopolisado ng dalawang kumpanya, mayroon ring network ang gobyerno na pinapangasiwaan ng Advanced Science and Technology Institute (ASTI) para sa akademya, ang PREGINET.

Mapanghamon ang paglalatag ng Fiber Optic Backbone sa pulu-pulong bansa tulad ng Pilipinas. Mas magastos ito kung ihahambing sa paglalatag ng kable sa ibang bansa na isang malawak na kalupaan lamang. Pangunahing dumadaan sa mga bayan at lungsod na urban ang mga nodes ng backbone.

Kung walang pangunguna o regulasyon ng gobyerno maiiwan na wala sa backbone ang mga pulo at bayan na mahihirap. Ganito ang naganap sa Palawan at Bohol na puntahan ng maraming turista. Mas malaki ang kikitain ng telco kung maikakabit sa backbone ang mga pulong ito, kaya’t nag-unahan ang dalawang monopolyo upang maglatag ng undersea fiber optic cable.

Samantala, ang ibang mahihirap na probinsiya tulad ng Samar, Leyte, Bicol, Central Mindanao, Negros at Northern Luzon ay tila dinaanan lamang ng backbone upang makatawid sa mas profitable na mga probinsya at lungsod. Walang kumprehensibong plano upang madagdagan ang mga node ng backbone upang tumawid sa mas liblib na mga lugar kung saan naroon ang malawak na mga magsasaka.

Nasa Luzon ang mga gateway ng mga telco kaya’t lahat ng internet traffic ay patungo rito. Habang lumalayo sa backbone ang subscriber bumabagal ang kanyang internet access. Ang backbone ay dagdag na pinapalawak rin sana ng digital radio link. Subalit ang teknolohiyang ito ay madaling maapektuhan ng ulan, malalakas na hangin at iba pang sama ng panahon. Sa panahon ng kalamidad madaling napuputol ang mga radio link. Katulad ng naganap noong bagyong Yolanda, naglaho sa network ang kalakhang ng Samar at Leyte. Nawala sa koordinasyon ang “magigiting” na sina Sec Gasmin at Mar Roxas, na masyado nagtiwala sa imprastruktura ng telco sa probinsiya.

Mga copper wire naman ang inilatag ng telco mula sa mga nodes ng backbone patungo na sa ating mga bahay.

Salalayan ang kumprehensibong telco backbone, hindi lamang sa internet access. Kaya ito tinatawag na gulugod, lahat ng komunikasyon ay dumadaan rito. Habang papalayo sa node ng backbone, bumabagal ang akses ng subscribers dahil mas malayo na ang lalakbayin ng datos patungo sa mga gateway.

Last Mile Problem

Ang koneksyon ng mga subscriber mula sa network backbone ay tinatawag na last mile. Dito malaki ang pagkukulang mga telco at gobyerno. Sa ngayon, ayon sa ITU at UN data, ang teledensity ng bansa ay nanatiling apat na fixed line ang nakahanda para sa 100 mamamayan. Kapos ang imprastruktura sa last mile ang mga telco.

Sinikap ng Service Area Scheme (SAS) noong maagang bahagi ng telco deregulation na pataasin ang teledensity sa bansa. Ang mga industry player ay inutusan na maglatag ng imprastruktura para sa last mile. Walang maayos na plano ang NTC upang gamitin noon ang mas modernong teknolohiya sa paglalatag ng imprastruktura. Sa kalaunan, inabandona ang SAS dahil magastos na ang pagtatayo ng imprastrukturang nakabatay sa lumang teknolohiya. Hanggang ngayon, walang maayos na imprastruktura sa fixed o landline na komunikasyon ang mga rehiyon at bayan na mahihirap. Ayon sa ITU, fixed broadband pa rin ang pinakamadali at abot-kayang paraan upang bigyan ng mabilis na koneksyon sa internet ang malawak na mamamayan.

Mobile technology naman ang nakikitang solusyon sa problema sa last mile ng bansa at magkaroon ng mabilis ng internet ang mamamayan. Subalit sa datos muli ng ITU, apat lamang sa bawat 100 mamamayan ang may subscription sa mobile broadband. Ipinangangalandakan ng PLDT ang kanilang kakarampot na 1,172 LTE base stations na nakakalat sa buong bansa noong 2013. Ang KT ng South Korea ay nag-deploy ng 10,000 LTE radio units sa loob lamang ng isang buwan noong 2012. Sapat ang bilang na ito upang latagan ng LTE ang kalahati sa mga 20,770 cellular base stations ng SMART/PLDT/SUN. Noong 2012 pa nagsimula ang rollout ng LTE sa South Korea, dito sa Pilipinas tila nasa yugto ng testing pa lamang ang mga telco. Ano ang pinagkaiba ng South Korea at Pilipinas sa paglalatag ng imprastruktura? Mahigpit ang regulasyon at pamantayan ng gobyerno ng South Korea sa mga telco ng kanilang bansa sa pagtatayo ng modernong imprastruktura para sa pakinabang ng kanilang mamamayan.

Sa ganitong kalagayan ng konekyson sa last mile at hindi komprehensibong network backbone, itatanong pa ba kung bakit mabagal ang internet sa bansa? Hindi maasahan ang mga telco na papaunlarin ito ng kusa. Sapagkat ang pangunahin sa kanila ay serbisyuhan ang mga lugar na malaki ang kikitain. Magkakasya na lamang sa pupugak-pugak na koneksyong GPRS ang malawak na mamamayan sa mga rural area o kahit sa mga urban area na wala namang mga negosyong nakatayo.

Kulang na internet bandwidth at malalayong ruta ng mga request

Noong 2011, ayon sa ITU mayroon 5,039 independent internet service providers sa buong mundo na nagpapasahan ng mga datos sa pamamagitan ng “transit links” o “peering links.” Kahit pa mas kapaki-pakinabang ang “peering link” para sa lokal na traffic ng bansa, nagpapasahan ang dalawang monopolyo sa pamamamagitan ng mga “transit link.”

Upang makarating sa mga server sa ibang bansa, ang ating mga requests ay lumalabas sa gateway ng telco at dumadaan sa mga submarine cables patungong Taiwan, Japan, Singapore at Hongkong. Sa mga bansang iyon, may kontrata ang mga telco upang kumabit sa mga international internet exchange (IXPs) hanggang tuluyang makarating ang ating requests sa mga bansang kinalalagyan ng server.

Noong 2013, mayroong 350 IXPs sa buong mundo na nakabase ang karamihan sa US at EU. Halimbawa, mula sa Hongkong kung saan huling nakarating ang ating request, maaaring magbayad ang telco sa isang access provider upang makarating sa isa pang backbone provider hanggang makarating sa IXP. Binabayaran ng telco ang bandwidth na gagamitin sa bawat pasahan na ito ng mga datos at ipinapasa rin sa mga subscriber sa pamamagitang buwanang billing o charge sa mobile load.

Maihahambing ang bandwidth sa isang tubo na kung saan dumadaloy ang ating mga datos. Kung malaki ang butas ng tubo, mas maraming datos ang makakadaan ng sabay-sabay. Kung maliit naman, mas kakaunting datos ang makakadaan rito. Sa ganitong pagkakataon, mabagal ang koneksyon sa internet.

Malayo ang Pilipinas sa mga IXPs kaya magastos ang internet access sa bansa. Ipinapasa ng mga telco sa atin ang lahat ng gastusin nila sa “transit links” upang makarating ang request sa server sa pamamagitan ng mga IXPs.

May paraan ba upang maiwasan ang “transit links” na maaaring magpapababa sa ibinabayad natin sa internet connection? Hinihikayat ng ITU ang pagtatayo ng mga local internet exchange upang dito na ang pasahan ng mga datos ng mga local telco. Tinatawag itong “peering.” Sa pamamagitan ng “peering” mababawasan ang ibinabayad sa “transit links.” Bibilis rin ang internet connection dahil hindi na lumalabas sa ibang bansa ang ating request at kapalit na response kung ang server ay naririto rin lang sa Pilipinas. PHOpenIX ang inisyatibang ganito ng ASTI. Sa ngayon, PLDT na lamang ang nawawala sa “peering” na ito. Halimbawa, upang makarating sa website ng www.bayan.com.ph mula sa SkyCable, dumadaan ito sa limang “hops” (gateway) na lahat ay naririto sa Pilipinas. Kung pinuntahan naman ang www.pldt.com.ph mula sa SkyCable, umaabot ang request ng 15 “hops.” Mayroong pasahan sa pagitan ng mga gateway ng SkyCable papuntang telstraglobal.net sa Hongkong na magpapasa naman sa PLDT. Samantalang ang server na nais puntahan ay naririto lamang sa Pilipinas, pero kailangan pa makarating ng Hongkong ang request.
Sa ngayon, mahigpit ang pagtutol sa “peering” ng PLDT. Ayon na rin sa ITU, ang mga malalaking monopolyo katulad ng PLDT ay magmamatigas na makilahok sa “peering” kahit pa ito ay malaking tulong upang mabawasan ang binabayaran ng mga subscriber at bumilis ang koneksyon sa mga servers na naririto rin sa bansa. Maghihikayat rin ang “peering” ng lokal na pag-host ng mga content.

Ibinebenta ng mga telco sa maraming subscriber ang kanilang serbisyo kahit pa kapos na ang bandwidth na binili sa IXPs. Ayon sa PLDT mayroon silang bandwidth capacity na 600Gbps noong 2012. Kahit idagdag pa ang kapasidad ng karibal na monopolyo, ayon sa ITU ang international bandwidth lamang talaga na nakalaan sa bawat internet user sa bansa ay 14Kbps na bahagyang nadagdagan ng 2Kbps mula noong 2011. Ang South Korea ay may 26Kbps para sa bawat mamamayang gumagamit ng internet samantalang ang Hongkong ay may 1.2Mbps at ang Indonesia naman ay bahagyang mas malaki pa sa bansa na may 17Kbps.

Ano kung gayon ang ibinebentang 3Mbps bandwidth subscription ng mga telco? Ibig sabihin, papunta sa gateway ng telco maaaring nakalaan ang 3Mbps (na kadalasan ay mas mababa pa), sa paglabas ng request sa gateway nila patungong IXPs at server, magkakasya na lamang sa 14Kbps. Sa ganitong kalagayan, muli pa bang itatanong kung bakit mabagal ang internet connection sa bansa?

Maliban sa mabagal, mataas rin ang singil sa internet access sa bansa. Ayon sa ITU, isa ang Pilipinas sa 50 bansa sa buong mundo na may pinakamagastos na internet access. Ang halaga ng internet access sa bansa ay katumbas ng 12.4% ng kita ng bawat mamamayan (GNI p.c.) sa halagang $29.9 para sa minimum na bandwidth na 256kbps. Mas mababa pa ang fixed-broadband sa Thailand, Bangladesh, South Korea, at Indonesia. Ito na rin ang magpapaliwanag sa malaking kinikita ng mga telco. Sa kakarampot na bandwidth na binibigay sa mga subscribers, sinisingil tayo ng mataas.

Monopolyo at tila tuod na ahensiya sa regulasyon ang pangunahing dahilan ng mabagal at magastos na internet access sa bansa

Saan man may industriyang monopolisado ng isa o dalawang kumpanya, nagagawa nilang itakda ang presyo, kalidad ng serbisyo at laki ng tubo na kanilang makukuha. Dahil monopolisado, walang ibang pagpipilian ang mamamayan kundi magkasya sa ibinibigay ng mga monopolyo. Ang lalong masakit, walang ngipin ang ahensiyang dapat sana ay gumagawa ng paraan upang makuha ng mamamayan ang maayos na serbisyo sa abot-kayang halaga.

Ganito ang kalagayan ng industriya ng telco sa bansa. Ang pagnanais na magkaroon ng kompetisyon noong 1995 ay tumungo sa pa rin monopolyo na ibinunga ng masusing pagsunod sa dikta ng World Trade Organizations na ipatupad ang pribatisasyon at deregulasyon sa industriya ng telco sa kabila ng walang malinaw na superbisyon ng gobyerno upang siguruhin ang pakinabang ng mamamayan. Ang telco kung tutuusin ay isang public utility katulad ng industriya ng Power. Dapat ito ay hawak ng mamamayan upang manatiling inuuna ang serbisyo sa halip na tubo ng iilang mayayamang pamilya.

* Sa susunod, babaybayin natin ang mga kinakailangan reporma sa polisiya upang makuha ng mamamayan ang maayos na serbisyo ng mga telco sa abot-kayang halaga.

Lahat ng datos na ginamit sa artikulong ito ay mula sa “Measuring the Internet Society, 2013” ng International Telecommunication Union, “Human Development Report 2013” ng United Nations Development Programme, 2013 Annual Report ng PLDT para sa United States Securities and Exchange Commission, 3Q 2013 Report ng GLOBE sa Securities and Exchange Commission ng Pilipinas, “The Connected World. Greasing the Wheels of the Internet Economy,” ng Boston Consulting Group para sa Internet Corporation for Assigned Names and Numbers (ICANN), mga Case Study at Country Reports ng ITU, mga Press Releases ng PLDT sa www.pldt.com.ph, at mga Press Releases ng Globe. Masyadong mailap ang mga datos mula sa Bayantel maliban na lamang ang mga hinggil sa pagkabaon nito sa utang.

Si Rick Bahague ay kasalukuyang national coordinator ng Computer Professionals’ Union. Siya ay masugid na taga-suporta, gumagamit at tagapagpalaganap ng Free and Open Source Software (FOSS). Marami-rami na ring web at database system na ginamit sa monitoring ng 2010 & 2013 Automated Election, human rights violations at iba pang people’s struggles ang kanyang nabuo gamit ang GNU/Linux, Drupal, PHP, MySQL, Python at iba pang FOSS.

Share This Post