Hadlang sa internet freedom ang Trans-Pacific Partnership (TPP) na inilalako ni Barack Obama

ROOT ACCESS
Rick Bahague

Bulatlat.com

Hindi lamang “access agreement” ng mga tropang Amerikano ang sentro ng usapan sa pagbisita ni US Pres Barack Obama sa bansa sa susunod na linggo. Inilalako rin ni Obama ang Trans-Pacific Partnership o TPP. Ang paglahok rito ng Pilipinas ay dagdag na sagabal sa pagsusulong ng internet freedom sa bansa na kasalukuyang nalilimitahan ng Cybercrime Law.

Ang TPP ay isang kasunduan na isinasaayos ng US at 11 iba pang mga bansa (Australia, Brunei, Canada, Chile, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Peru, Singapore, at Vietnam) hinggil sa kalakalan at pamumuhunan, paghihikayat ng “innovation”, pagpapa-unlad ng ekonomiya at pag-suporta sa paglikha ng trabaho. Katumbas ng 40% ng kabuuang Gross Domestic Product ng lahat ng mga bansa ang kalahok ngayon sa TPP.

Ang pagbubukas ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ilang mga industriya tulad ng edukasyon at mass midya ang isang kondisyon upang makalahok ang Pilipinas sa TPP. Kaya ganun na lamang ang pagmamadali ng Kongreso na isulong ang Charter Change. Kahit nagpapatuloy ang usapan sa World Trade Organization (WTO), nakikitang mas madaling proseso ang TPP upang maisulong ang liberalisasyon sa mga bansang kasapi nito.

Naiiba rin ang TPP sa unang mga kasunduan sa kalalakan. Bagama’t tinatawag ito na “Free Trade Agreement,” lima (5) lamang sa dalawampu’t siyam (29) na tsapter nito ang hinggil sa malayang kalakalan. Ang kabuuan nito ay hinggil sa mga regulasyon at mga batas na kailangan ipatupad ng mga kasapi sa kani-kanilang mga bansa.

Inilihim ng mga bansang kalahok sa TPP ang pagbubuo nito. Kontrobersyal ang mga tsapter ng TPP hinggil sa liberalisasyon sa agrikultura; pag-import at pag-eksport ng “textiles”, “apparel”, at “footwear”; intellectual property rights (IPR); serbisyo at pamumuhanan; kontrol sa pamumuhunan at kapital; pribatisasyon ng mga kumpanyang pag-aari ng gobyerno; pangangalaga ng kalikasan; at karapatan ng mga manggagawa.

Nakabatay sa Trade Related Agreement on Intellectual Property Rights (TRIPS) ng WTO ang tsapter sa IPR ng TPP. May ilang mga bansa ang humihiling ng mas maluwag na patakaran sa IPR. Nakikita nilang hadlang sa paglikha ng mga bagong produkto ang mahigpit na polisiya sa IPR, pinapataas din nito ang presyo ng mga gamot at inilalagay sa disbentahe ang mga bansang umaasa sa pag-import ng mga teknolohiya para sa kanilang mga industriya. Subalit ang US ay nagtutulak ng mas matinding mga regulasyon para sa IPR.

Kabilang sa mga idinagdag sa TPP ang restriksyon sa electronic form ng temporary files, pinalawig na monopolyo sa pagkopya o copyright, pagbabawal sa “circumvention” ng mga “digital locks”, pagsusulong ng “take down policy” para sa Internet Service Providers (ISP), at pagpataw ng kasong kriminal sa “copyright infringement”. Banta sa internet freedom, privacy at karapatan sa “internet access” ang mga tsapter na ito ng TPP.

Restriksyon sa “electronic form” ng mga “temporary files”

Nakasaad sa kopya ng TPP na inilabas ng Wikileaks ang seksyon hinggil sa “electronic form” ng “temporary files”:

“Each Party shall provide that authors, performers, and producers of phonograms have the right to authorize or prohibit all reproductions of their works, performances, and phonograms, in any manner or form, permanent or temporary (including temporary storage in electronic form).”

Kinakailangan ang pahintulot nang lumikha sa isang “creative work” upang itago ang “electronic form” ng “temporary files” na ginagamit ng kompyuter. Nawala sa realidad ang panukala dahil ang bawat modernong kompyuter ay palagiang gumagawa ng “temporary files”. Halimbawa, ang panonood ng “video” sa “youtube” ay lumilikha ng temporary file na tinatawag na “cache”. Ang pagbisita rin sa mga website ay lumilikha ng temporary files na ginagamit ng “browser”. Halos sa lahat proseso ng pagtakbo ng kompyuter, gumagawa ito ng temporary files. Kung pagkakasunduan ang probisyon na ito ng TPP, lahat na gumagamit ng modernong kompyuter at internet mobile devices ay maaaring ihabla ng “copyright infringement”.

Pinalawig na copyright protection

Ayon sa TRIPS ang monopolyo sa pagkopya ng mga “creative works” ay ibinibigay sa awtor mula sa panahong nalikha ito hanggang sa dagdag na 50 taon sa kanyang kamatayan (Author‘s life + 50 years). Nais ng TPP na gawin itong 75 taon para sa mga likha ng indibidwal (halimbawa ang kolumn na ito ay naka-copyright sa akin at Bulatlat at hindi maaaring kopyahin na lamang ng walang pahintulot) at 90-120 taon naman para sa likha ng korporasyon, halimbawa ang komiks na X-Men.

Ano ang hindi mabuting epekto ng copyright? Sa halip na kumalat ang kaalaman mula sa mga iba-ibang akda (hindi lamang “literary”, maging “scientific researches”) at pakinabangan ng mas malawak ng mamamayan, ang mga may kakayahan lamang bumili ng libro, musika, dyornal at iba pa ang nagkakaroon ng akses rito. Sa panahon ng torrent, file sharing at sopistikadong mga document scanner, Spotify at Garage Band, mas madali na magkaroon ng kopya ng libro, musika at iba pa sa murang halaga. Malayo na ang pag-unlad ng teknolohiya upang gumawa ng mga kopya subalit ang atrasadong mga polisiya sa copyright ay malaking hadlang upang tuluyang ikalat ang maraming mga akda, musika at iba pa.

Kung tutuusin, may alternatibong paraan upang bigyan ng proteksyon ang mga awtor nang hindi nalilimitahan ang pagpapakalat at potensyal na pakinabang ng kanilang likha sa lipunan. Naririyan ang alternatibong “copyright framework” na Creative Commons. Sinisiguro nito na maayos ang “attribution” ng mga likha habang binibigyang laya ang mga mamamayan na magpakalat ng kopya.

Pagbabawal sa circumvention ng digital locks (technological protection measures o TPM)

Nang unang lumabas ang mumurahing DVD player sa Quiapo, may mga DVD na hindi nito nababasa dahil iba ang rehiyon kung saan inilabas ang DVD. Halimbawa, ang mga pelikulang inilabas sa Europa ay hindi madaling mabasa ng mga DVD player na ibinibenta sa Asya. Ang ganitong mekanismo ay paraan ng mga producer upang maiwasan na kopyahin ang kanilang mga ibenbentang DVD. Subalit sa husay ng mga teknisyan natin, madali nilang na-“MOD” (modify) ang mga DVD player upang basahin ang lahat ng DVD. Ang ganitong paraan ng restriksyon ay tinatawag na “digital locks” o paggamit ng “technological protection measures”.

Ang popular na “jailbreaking” ng mga Sony Playstation o iPhone ay ipagbabawal rin ng TPP. Sa nasa komunidad ng Free and Open Source Software (FOSS), magdudulot rin ito ng mas masalimuot na pag-install ng ating GNU/Linux system. Naalala nyo pa ba ang unang mga Windows 8 PC na may “secure boot” upang diumano ay bigyang proteksyon ang mga users nito sa mga malware? Dahil sa restriksyon na ito, inakala ng “secure boot” na malware ang ating GNU/Linux operating system kaya’t hindi natin mailagay sa sariling PC. Subalit maraming tayong nagawang paraan upang mabura pa rin ang pre-installed na Windows 8.

“Digital locks” rin ang dahilan upang authorized cartridges lamang ang nagagamit sa mga printers. Sa TPP, ang mga ink refill services ay ipagbabawal na rin. Ipagbabawal rin ang pag-unlock ng mga mobile phones na ibinibigay ng mga telco companies upang magamit sa karibal na network.

Sa TPP, magpapasa ang mga bansa ng mga batas upang ipagbawal ang mga paraan upang malampasan ang ganitong “digital locks.” Kahit pa pribadong pag-aari na natin ang mga devices, kontrolado pa rin ng mga manufacturer ang ating gamit dito.

Pagbibigay kapangyarihan sa mga Internet Service Providers upang bantayan ang copyright infringement

Nais ng TPP na bantayan ng mga ISPs ang kanilang mga users sa malamang na copyright infringement. Binibigyan rin ng kapangyarihan ang mga ito na putulin ang internet access ng pinaghihinalaan na lumalabag sa copyright. Sa kabilang banda, maaari rin na i-block ng ISPs ang akses sa mga websites. Nais rin ng TPP na pwersahin ang mga ISPs na ibigay ang mga personal na impormasyon ng kanilang mga users.

Ang ganitong mga panukala ay magbubunga ng dagdag na gastos sa mga ISPs na ipapasa lamang sa mga users. Sa halip na bumaba ang halaga ng akses sa internet kabaliktaran ang magaganap. Gayundin, dahil ibinibigay sa pribadong kumpanya ang pagtukoy kung paglabag sa copyright nga ang nagawa, malaking hadlang muli ito sa pagsulong ng karapatan ng mamamayan sa free expression, internet freedom, internet access at privacy.

Idagdag pa, nais ng TPP na gawing kriminal ang lahat ng paglabag sa copyright kahit pa walang motibong pagkakitaan ito. Sa ngayon, pinag-iiba ng TRIPS ang motibo sa copyright infringement. Ang itinuturing lamang na kriminal na pagkakasala ay kung mapapatunayan na ginawa ang infringement upang kumita. Halimbawa, pag-download ng pelikula sa torrent upang ibenta at hindi lamang para sa personal na kunsumo.

Internet Freedom, Freedom of Expression, Privacy at abot-kayang internet access”

Noong 23 Abril 2014, ipinasa ng pamahalaan ng Brazil ang kauna-unahang “Bill of Rights” sa modernong panahon ng Internet. Nais nito bigyang proteksyon ang privacy ng mga users at palaganapin ang Internet bilang isang public utility. Ang mga katulad na mga batas ang dapat inaatupag ng mga gobyerno.

Sa halip na gumawa ng mga batas na upang protektahan ang internet freedom, freedom of expression, privacy at malawak na internet access para sa mamamayan, kabaliktaran ang nais gawin ng TPP sa pagnanais ng malalaking bansa na kumita.

Walang malinaw na kabutihan para sa mga internet users at malawak na mamamayan ang paglahok ng Pilipinas sa TPP. (https://www.bulatlat.com)

References:
https://www.eff.org/issues/tpp
https://wikileaks.org/tpp/

Si Rick Bahague ay kasalukuyang National Coordinator ng Computer Professionals’ Union. Siya ay masugid na taga-suporta, gumagamit at tagapagpalaganap ng Free and Open Source Software (FOSS). Marami-rami na ring web at database system na ginamit sa monitoring ng 2010 & 2013 Automated Election, human rights violations at iba pang people’s struggles ang kanyang nabuo gamit ang GNU/Linux, Drupal, PHP, MySQL, Python at iba pang FOSS.

Share This Post