Pagdiriwang ng Earth Day, pagdiriwang sa kabayanihan ng mamamayan


Clemente Bautista

Bulatlat.com
Kalibutan-1-1

Tuwing ika-22 ng Abril ipinagdiriwang ang Earth Day, pandaigdigang selebrasyon ng kalikasan at kapaligiran. Sa bahagi naming mga maka-kalikasang aktibista ng Kalikasan People’s Network for the Environment, kinakatampukan ang Earth Day ng samut-saring mga aktibidad sa buong bansa upang itambol ang mga mahahalaga at matatampok na isyung pangkapaligiran na kinakaharap ng mamamayan.

Mapalad akong nakalahok sa mga aktibidad para sa Earth Day 2014 na isinagawa ng Far South Mindanao-Agenda, isa sa mga nangungunang organisasyong pangkapaligiran sa rehiyon ng Far South Mindanao. Inilunsad ang asembliya ng kabataan para sa kalikasan noong Abril 21, na sinundan kinabukasan ng isang Talakayang Bayan na dinaluhan ng 350 katao hinggil sa pagmimina sa Tampakan, South Cotabato. Dumulo ang aktibidad sa isang malakihang caravan at mobilisasyon ng mahigit 600 mamamayan tungong General Santos nitong Abril 22.

Sa pagkilos ng mamamayan ng Far South Mindanao para sa Earth Day, muling pinadagundong ang mga panawagan laban sa dambuhalang proyekto ng pagmimina ng Glencore-Xstrata-SMI sa Mindanao.
2258382259518

Ipinagbunyi ng Agenda at ng mamamayan ng Far South Mindanao ang mga tagumpay na nakamit nila sa kanilang puspusang pakikibaka laban sa dayuhan at dambuhalang pagmimina sa kanilang lugar mula pa noong 1992. Lagpas dalawang dekada nang bigo ang Glencore-SMI-Xstrata sa pagtatangkang simulan ang komersyal na operasyon ng Tampakan Gold-Copper Mining Project. Ilang ulit na nilang iniatras ang pagbubukas ng operasyon na ngayon ay hangad nilang masimulan na sa 2019.

Tanging sa malakas at magiting na pagtutol ng mga katutubong B’laan, magsasaka, mangingisda, taong simbahan, tagapagtaguyod ng kalikasan, tapat na opisyal at empleyado ng local government units (LGU), at iba pang sektor naging posible ang tagumpay na ito. Daan-libong mamamayan ang patuloy na kumikilos upang pigilan ang mapanirang pagmimina at pandarambong ng Glencore-Xstrata-SMI. Pagkilos ito para tiyakin na mapapangalagaan ang mga natitirang kagubatan, kabundukan at malusog na kalagayan ng mga ilog at dagat. Pagkilos ito na alay sa kalikasan at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.

Dugo at buhay

Binuwisan ng pawis, dugo at buhay ang paglaban na ito ng mamamayan. Sa loob lamang ng panunungkulan ng makadayuhan at numero-unong tagapagtaguyod ng dambuhalang pagmimina na rehimen ni Benigno Simeon ‘BS’ Aquino (July 2010 – kasalukuyan), 10 mga tao na aktibong tumututol sa pagmimina ng Glencore-Xstrata-SMI ang pinaslang. Kabilang dito si Fr. Pops Tentorio, Juvy Capeon at dalawa niyang menor-de-edad na anak, at ang lider-katutubo na si Anting Freay at ilan pa sa kanyang angkan. Gayundin, hindi matatawaran ang pag alay ng buhay ni Eliezer Boy Billanes, dating pangkalahatang kalihim ng Agenda, noong Marso 2009. Hinihinalang pinatay siya ng mga sundalo ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army.
2258381219492

Sa kabila ng malupit at marahas na panunupil ng nagdaan at kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas para igupo ang oposisyon sa dayuhan at mapandambong na pagmimina, lalo pang lumakas at lumawak ang paglaban ng mamamayan sa Mindanao. Pinakatampok dito ang paparaming armadong paglaban ng mga magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyonaryong New People’s Army, at ng Pangayaw o deklarasyon ng armadong pagtanggol sa lupang ninuno, na isinasagawa ng katutubong B’laan hanggang-ngayon upang ipagtanggol ang kanilang lupain at kalikasan.

Dahil sa walang puknat na pagbabantay at pagkilos ng mga mamamayan sa South Cotobato, nanatili ang Environmental Code ng provincial government na nagbabawal sa operasyon ng open-pit mining sa probinsya. Nagsisilbing tinik ang Environmental Code na ito sa plano ng Glencore-Xstrata-SMI na tuluyang itayo ang kanilang mga pasilidad at imprastraktura sa South Cotabato.

Tuloy ang laban

Subalit hindi pa tapos ang laban. Nagpupumilit pa rin ang walang silbing adminstrasyon ni BS Aquino na palabnawin o alisin ang Environmental Code ng South Cotabato. Sa pamamagitan ng Executive Order 79 ni Aquino sa pagmimina, gustong ipawalang bisa ng gobyernong Aquino ang lokal na ordinansyang ito. Gayundin, aktibo ang mga burgesya kumprador na sina Danding Conjuangco, Henry Sy, at ang pamilyang Alcantara at Dominguez sa panggigipit at panunuhol sa mga opisyales sa probinsya upang bumaligtad sa kanilang posisyon para pumabor sa dayuhang pagmimina.
2258388139665

Patuloy ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa mga komunidad na nasasakop ng Glencore-Xstrata-SMI. Hindi pa rin binubuwag ang asong ulol na Task Force KITACO ng military na naghahasik ng lagim sa mga munisipyo ng Kiblawan, Davao del Sur, Tampakan, South Cotabato, at Columbio, Sultan Kudarat. Kabilang sa Task Force KITACO ang 27th IBPA, na sangkot sa pagmasaker sa mga pamilyang Capeon at Freay.

Anupaman, nakatitiyak tayo na tulad ng dati, ang marahas at masamang balak ng Glencore-Xstrata-SMI at ng Rehimeng Aquino ay mabibigo. Maraming mga bayani tulad ni Fr. Pops Tentorio, Boy Billanes, Juvy Capeon at Anting Freay na handang mag-alay ng buhay alang-alang sa kapakanan ng mamamayan. Sa kapatagan o kabundukan, sa kalunsuran o kanayunan man, tuloy ang laban para sa kalikasan, tuloy ang kabayanihan ng mamamayan.

Isang maligaya at makabuluhang Earth Day sa ating lahat!
(https://www.bulatlat.com)

Si Clemente Bautista ang kasalukuyang national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE). Ang KALIBUTAN, salita ng bisaya para sa ‘Mundo,’ ay ang bagong lingguhang kolum sa Bulatlat.com ng mga tagapagtaguyod ng Kalikasan hinggil sa mga pangunahing usaping pangkapaligiran na kinakaharap ng mamamayang Pilipino.

Share This Post