Hell week

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Ito ang nangyayari sa estudyante kapag midterms at finals na period: sabaysabay ang exams, at deadlines sa term paper, thesis, at iba pang requirements sa semester. Aligaga at balisa ang mga estudyante sa sandaling ito, kahit pa nangyari na ito sa nakaraan. Nangyari na pero walang kasanayan sa pag-iwas sa pagkabalisa sa bawat pagpasok ng sandaling ito.

Sa metapisikal na antas, para itong inaasahang bagyo at delubyo. Sa panahon ito, walang ibang pwedeng gawin kundi magdasal at umasa na this too shall pass. Hindi ba, sa panahon nga ng bagyo, walang ibang pwedeng gawin kundi magnilay, maging optimistiko hanggang sa sandali na mawala ang malalakas na ulan at hangin, at muling sumikat ang araw?

Make or break parati ang tingin dito. Sa bawat pagdating, parating tila malalaglag at bibigay na pero ang triumph of the spirit ay hindi naman: na kahit sumasadsad na, hindi naman lubos; may subi para muling makabangon. Win o lose, best effort ang sinasabing kahilingan sa panahon, o mas precise, best effort given the situation (na hindi lang naman isa o dalawa ang tinatapos; na bukod sa buhay-estudyante, meron pang ibang jina-juggle, tulad ng pamilya, jowa, crush, terror teacher at iba pa).

Ang isa kong ginagawa matapos ang bagong taon ay mag-bundle ng mga papeles na hindi na gagamitin.  At naisip ko, ang dami palang dokumento na kumuha ng atensyon at pinagkaabalahan.  Ang hell week ay ang nagbibigay ritmo at pitlag sa kasalukuyang neoliberalismo sa edukasyon.  Hindi na ito peryodiko lamang dinadanas pero ang lahat ng enerhiya ay tungo sa peryodikong sandaling ito. (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)
Ang isa kong ginagawa matapos ang bagong taon ay mag-bundle ng mga papeles na hindi na gagamitin. At naisip ko, ang dami palang dokumento na kumuha ng atensyon at pinagkaabalahan. Ang hell week ay ang nagbibigay ritmo at pitlag sa kasalukuyang neoliberalismo sa edukasyon. Hindi na ito peryodiko lamang dinadanas pero ang lahat ng enerhiya ay tungo sa peryodikong sandaling ito. (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)

Ang introspeksyon ay “bakit ito nangyayari sa akin?” Kahit pa nga peryodiko naman itong kahahantungan sa gitna at end-of-sem, walang lubos ang naging paghahanda. Parating kulang. May conspiracy theory na nabubuo hinggil sa mga guro, sa relasyon ng estudyante sa mga guro, groupmates sa isa’t isa, at iba pa. May mahanap lang na mapapagbintangan, mapapagbalingan ng sinasapit na individual na pagdanas ng pagkabalisa, gagawin at gagawin ito.

Sa conspiracy theory na ito, kahit na narsisistiko ang tanong, wala naman kinalaman ang akawntabilidad ng sarili. Downer kapag ito ang pangunahing isinaalang-alang. Sa kabilang banda, ang narsisismo ay nakaugat sa konsepto ng self martyrdom. Kinakailangang magsakripisyo para magtagumpay.

Sa hell week, walang natatanaw na grand schema of things, the big picture. Kung may big picture man, ito ay ang pagkakasalansan ng mga dapat tapusin. Ang natatanaw lang ay ang bawat gagawin at tatapusin. Compartmentalization ang susi sa matagumpay na paglagi sa sandaling ito.

Ang nangyayari sa estudyante ay ang kapasidad nito sa rasyonalisasyon o paggamit ng cost-benefit analysis sa uunahin, ihuhuli at sequencing ng requirements, kalidad o kawalan ng mga ito, effort na itutumbas sa bawat isa at sa kalakhan. Ang pagtitimbang ay batay sa kung ano ang mas makakahigit na benefisyo para sa sarili.

Ang isinasaad ng hell week kung gayon ay kahit na kolektibo ang sektor na dumaranas nito, individual ang tinutumbas na pag-agapay sa sitwasyon. Tulad sa neoliberalismo, ang epekto ng pagpataw mula sa itaas ay nilalangoy ng bawat nasa ibaba, sa antas ng individual.

Kaya sa isang banda, ang individual ay nasa dulo ng malawakang implementasyon ng mga polisiya, bilang kapwa biktima pero ang salvasyon ay sa antas ng kanya-kanyang individual na pagpupursigi lang. Sa kabilang banda, ang isinasaad din sa individual ay ang kapasidad nitong iorkestrado ang ahensya ng malalaking pribadong negosyo.

Self-interes ang impetu rin ng pag-agapay sa mga atas mula sa itaas. Ito ang magtitiyak ng self-preserbasyon at konserbasyon. Self-interes dahil self-profit ang nais. Kanya-kanyang pagmaniobra sa sitwasyon, at sa pagmamaniobrang ito, minamaniobra tungo sa ganansya sa sarili. Ito ang hudyat ng aktibasyon ng individual sa edad ng neoliberalismo.

Ang hindi isinaalang-alang ay ang akwantabilidad ng estado sa pasakit at pighating dinadanas sa hell week: bakit nga ba kailangang gawin ang mga ito, bakit nga ba ang mga gradong ibinibigay at hinuhugot mag-isa ng bawat guro ang mapagpasya, bakit nga ba pinagdurusaan ang kahilingan na sa tulad ng tisis, ay ididiposito lang sa library shelf, kahanay ng daandaan pang pinaghihimlayan ng alikabok?

Ang fetisismo sa neoliberal na sistemang edukasyon ay nabubura sa sandali ng hell week. Sa katunayan, malamang wala nang protesta at pagkilos na nagaganap sa sandaling ito. Pero sa fetisismo ding ito, dinadambana ito bilang makapangyarihan sa peryodikong pagsasadula ng neoliberal na edukasyon, at ang pagtanggap na bawat isa sa kanilang designated na roles.

Overdetermined ang inaakalang tagumpay ng individual, dinaranas ng sarili bilang siya ang nagdusa, nagpursigi’t nagtagumpay. Walang individual ang nagtatagumpay sa hell week. Come hell or shine sa hell week, tanging ang may langit ay ang neoliberalismo. (https://www.bulatlat.com)

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

Share This Post