Lupa

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Lupa

Ang pinakamadugong salita sa wikang Filipino ay lupa. Marami ang namatay sa ngalan nito, kahit pa marami ang nabuhay dahil sa karanasan sa lupa—sino ang meron o wala nito?

Lupa ang pumapaimbalot sa balat ng komunidad, bayan, probinsya, bansa at planeta. Ito ay hindi lamang geo-politikal na demarkasyon kundi indikatibo sa mas ekonomikong nosyon ng pribadong pag-aari. Sino ang nagmamay-ari ng materialidad ng ari-arian, ang titulong nagpapahiwatig ng pagmamay-ari at pagiging may-ari?

Paano aariin ang lupa na pabalat, na kahit may lamang lalim—maliban kung minimina—ay topikal na binubungkal lang para matamnan o tinitindigan ng tahanan at pamayanan? Walang ilalim ang lupa gayong ang natatanaw—ang lupa at langit sa ibabaw nito—ay okular na maangkin ng nagmamay-ari nito.

Ang pottery na yari sa lupa ay transformasyon ng material ng lupa sa pagiging produkto (vase, halimbawa), tungo sa pagiging komoditi (mas mahal na halaga ng vase dahil gawa ng artisano o ng prestihiyosong kompanya), na higit na nagpapawalay sa lupa bilang produktibong entidad sa sarili nitong sakop.  Ito ang diwa ng pagmamay-ari ng lupa, ang paglikha sa nagbubungkal bilang instrumento ng pagdidiin sa kapangyarihang mapagmay-arian.

Pero kahit pa malayo ang natatanaw ay may hangganan ang demarkasyong ng pag-aari. Hindi lahat nang natatanaw ay sa may-ari, may literal na hangganan, mga puno, ilog, malalaking bato na nagsasaad na hanggang dito lang, iba nang usapan ang labas sa hangganan nito.

Kahit pa rin, ang langit sa ibabaw ng lupa ay walang hangganan—na nagpapahiwatig ng fantasya ng kapangyarihan sa pag-aari. Siyang nagmamay-ari ay maaring akuin ang uniberso ng lahat ng nasa ibabaw dahil wala itong hangganan. At kung magpakagayon, pati na rin ang ilalim ng lupa, hanggang sa sentro ng mundong inaako ng pag-aari ay nakalaan sa may-ari nito.

Ang imahinaryong taas at lalim ang siyang pinag-uugatan ng kapangyarihan ng pagmamay-ari sa lupa. Dahil finite naman ang lupa, iilan lang ang maaring magmay-ari nito. At ang pagmamay-ari pa sa lupa ay nganganganak, may kapasidad dumami ang pinagmamay-ariang lupa.
Literal itong napapalawak sa pamamagitan ng kita, hindi sa higit na produktibong pagbubungkal sa lupa kundi higit na panunupil sa mga katuwang na bumubungkal sa lupa o pangangamkam sa bumubungkal sa lupa nang walang papel na nagpapatunay nang kanilang pagmamay-ari.

Hindi lumalawak ang lupa sa regularisasyon ng produktibong pagsasaka nito. Finite din ang maaring iluwal na ani ng lupa. At kung gayon, dumarami lang ang pagmamay-ari sa lupa sa pamamagitan ng pandarahop sa iba pang mas maluwag ang panghawak sa kani-kanilang lupa.

Kaya ang magsasaka na may fidelity sa ekonomikong produksyon sa lupa ay itinuturing na aksesoryang nakakapagmintina ng yaman ng lupa at ang maangkat na kita mula rito. Hindi sila ang natatanaw sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa, wala sila sa titulo o sa panorama ng tumatanaw sa sakop ng lupain.

Lupa ang politikal na fantasya ng pag-aalay ng buhay. Kay Andres Bonifacio, ang sukdulang ehemplo ng pag-ibig sa bayan, o sa kanyang pananalita, “sa tinubuang lupa.” Ang bayan ay materialisasyon ng dystopia ng kawalan ng lupa para sa nakararami, at ang pagkilos tungo sa kalayaan sa kakulangang ito, ang utopia ng paglaya.

Kaya madugo ang salita’t usapin ng lupa, dahil matagal nang ipinagpapatayan ito sa siglong pagbubungkal ng lupa ng mga magsasaka; ng mismong kasaysayan ng bansa, sa mga peryodikong insureksyon, Rebolusyon ng 1896, Hukbalahap, Bagong Hukbong Bayan, at ng kilusang masa.

At sa katagalan ng panahon, ang lupa na naging subdibisyon at economic zone ay patuloy pa ring nagbabaga. Ito naman ang hindi natatanaw ng iilang nagmamay-ari nito. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post