Ang kanilang pakikidalamhati

Ni RAYMUND B. VILLANUEVA

(Para ulit kay Kristel Tejada, 16)

Nakidalamhati sila sa pamilya ng patay–
badha sa mukha ang panghihinayang
lungkot ang tinig, balikat ay lungayngay.

Ang wika nila’y ganito:

“Ipinagutos kahapon ang pagrebisa
nitong patakaran sa matrikula.”

“Wala kaming magagawa
sa palisiya ng mga eskwela.”

“‘Wag sanang katasin ng mga militante
ang kamatayan ng isang estudyante.”

“Ang tulong sa pamilya’y nagpapatuloy.
Sa katunayan, kami nga’y magaabuloy.”

Anong kapangyarihan kaya sila mayroon–
kayang pumatay ng bangkay sa loob ng kabaong?

-1:29 n.h.
17 Marso 2013

Share This Post