Ang Mahiwagang Sinturon

Ni Emmanuel I. Derecho
Mula sa aklat ng ‘Mga Tula Ng Maubanin’

I
Maluwag na sinturon na aking dala-dala,
Ibinigay ng kwadradong daigdig na lona,
Sa laki ang bayan ko dito ay kasya,
Nagbigay sa akin ng tulugan na pera.

II
Hindi lang ito isa kundi ito ay walo,
Pinag-agawan ng mga relihiyon, pulitiko,
Dito’y nakatingala ang sangkaterbang mga tao
Nakaabang, nakanganga, nangungutya, umiidolo.
III
Sinturon ay kinuha sa bawat bumagsak,
Sa bawat lumuha at sa bawat inawat,
Sa bawat pawis at dugong pumatak,
Sa bawat nabigo at gumuhong pangarap.

IV
Ang hiwaga nito ay nagbigay ng kalituhan,
Nagbigay ng hindi mabilang na kaibigan,
At doon sa entablado sila ay nag-akyatan,
Humalik, yumakap sa akin ay nabahiran.

V
Nagbigay din ito ng iba’t-ibang udyok,
Iba’t-ibang kulay, iba’t-ibang dagok,
Sinturon sa bewang, balikat at batok,
Sa leeg o ulo gusto yatang pumulupot.

VI
Mayroon pa ba akong dapat patunayan,
Sa tagisan ng lakas, galing at ng tapang,
Sa dagdag ba na ginto o sa dangal na sugatan,
O sa sulsol ng maraming walang kabusugan.

VII
O baka sa takot na sinturon ay mabawi,
Malimot, mabaon sa mga pighati,
Alak ko ay tikman at nang saglit na mapawi,
Ang agam-agam, panghihinayang, ang lungkot, ang hapdi.

VIII
Napakarami kong gustong gawin at iparinig,
Sa tulong ng sinturong tila baga sumisikip,
At sa aking paglisan sa kwadrado kong daigdig,
Sana’y nandyan pa rin kayo na sa akin ay umiibig.

Ang Mahiwagang Sinturon
All rights reserved

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.