You are here
Tigil, viajero, itama ang iyong kalendaryo sa “Bayan ng Hinagpis” * Latest Posts Poetry 

Tigil, viajero, itama ang iyong kalendaryo sa “Bayan ng Hinagpis”

Ni E. San Juan, Jr.

Bawat umaga
binibilang ng militanteng Alan Jazmines kung ilang linggo, buwan, taon na siya nakapiit at kailan maitutuwid ang baluktot na hustisya

Abo na lamang ang apoy kagabi sa kampo sa Sierra Madre
ngunit may titis pang umuusok, lumusong-umahon… Sa nagbabagang uling,
sipat ng tanod, nakahimlay ang kislap, liyab, sunog
na tutupok sa bulok na bilangguan sa kahinugan ng panahon.

Bawat tanghali
binibilang ng detenidong Maricon Montajes kung ilang araw, linggo, buwan ang ninakaw sa kanya ng gobyerno, kailan maibabaligtad ang tadhana

Sa gilid ng estero ng kulungan umusbong at bumuko
ang ligaw na halaman, namukadkad ang pulang bulaklak
sa lilim ng mga baril-kanyon ng Estado lingid sa orasan… Umigpaw,
tumakas habang naglalasing, nagsusugal ang mga sundalong nagbabantay.

Bawat takip-silim
binibilang ng aktibistang Ericson Acosta kung ilang minuto, oras, araw ang nalalabi pa bago siya makalaya’t itumpak ang oras ng kinumpiskang kompyuter

Mula sa bukal sa bundok gumagapang ang batis di pansin ang orasyon….
Sa gubat umaagos sa magdamag, tangay ang dugo’t luha ng pakikihamok,
Nilulusaw ng ilog ang inip ng pag-aasam–Sapaw na ang paglalamay sa gabing ito.

Di na mabilang ang mandirigmang tumatawid sa dagat. Oras na ng pagtutuos. (http://bulatlat.com)

Related posts