July 22, 2014     Philippines
Support alternative journalism. Donate to Bulatlat.com.

October 27, 2012
Sachet o tingi-tinging pakete ng gitnang uri

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Hindi exaherasyon na sabihin, sachet ang pangunahing retail na kalakaran sa bansa. Ito ang nagpapaabot sa brands na makarating sa pinakamaraming bilang ng mamimili-mamamayan. At hindi koinsidental na ang pinakamaraming bilang ng mamimili at mamamayan ay nasa hanay ng mahihirap at sukdulang kahirapan.

Ito ang kalakaran na ang mahihirap—na iniisip na walang lohikal na finansyal at lohistikal na rekurso—ay makatitikim din ng ambon ng pagiging gitnang uri. Halimbawa, sinasabi na 40 porsyento ng produkto ng Nestle ay ipinagbebenta sa pamamagitan ng sachet sa 90 porsyento ng mga outlet. Mas maliit man ang porsyento ng kita sa sachet kumpara sa regular na laki ng produkto, mas masaklaw naman ang exposure ng sachet kaysa regular na laki ng produkto.

Ayon naman sa pag-aaral ng Hunyo 2012, ang pinakamatagumpay na nagkakaroon ng rekognisyon sa TV product placements ay mga produkto para sa buhok na mayroong mabibiling sachet. Sa katunayan, napakalawak ng saklaw ng sachet na nagkakaroon din ito ng niche na disiplinal na larangan: sachet economics, sachet marketing strategies, at sachet retailing na patunay sa akademikong lehitimisasyon ng pang-araw-araw na viabilidad ng produktong sachet.

Wala akong maisip na hindi pa naka-sachet: gel, KY jelly, lubricant, skin whitening lotion, sanitary napkin, at iba pa. Nauna na ang mga butil ng bawang o paminta, tingi-tinging gulay na pang-pakbet, at iba pang pagkain. Maging ang mga pangunahing botika ay nagbebenta ng tingi-tinging gamot, condom at iba pang medisinal at kosmetikong produkto. Nang ipagbawal ang tingi-tinging sigarilyo, makakabili ng pakete na lima lang ang sticks na hindi nakakagulat, naka-sachet. Maging ang load ay mabibili’t maipapasa ng patingi-tingi.

Sa isang banda, ang sachet ang pag-akibat ng malalaking negosyo para pati ang C-D-E markets ay ma-tap at mapagkakitaan. Sa kabilang banda, ang sachet din ang pangunahing pagkakaroon ng akses ng mga nasa ibaba sa mga gitnang uring panuntunan. At ito ang napakahalagang pagmomolde sa pinakamalawak at pinakamahirap na hanay ng mamamayan: na nagkakaroon lamang ng politikal na entidad sa panahon ng eleksyon na kailangan silang kumbinsihin (mabili) na i-block vote ang makapangyarihan mga partido, angkan at kapangyarihan; at sa ekonomiyang larangan, ang pagmamasa (homogenisasyon) sa pamamagitan ng kapangyarihan ng negosyo na himikun silang ipagpaubaya (“Let go, Rizal; let go!”) ang kanilang baryang nakakuyom sa loob ng palad (bumili).

Sa katunayan, ang sachet ang pangunahing lagusan na pati ang gitnang uri ay mahimok sa mas malaking purchases. Kung sa mahihirap, ito ay pagbabayad ng utang na installment; sa gitnang uri, ito ay gayundin. Ang credit card companies ay nanghihimok ng higit na konsumpsyon sa pamamagitan ng lehitimisasyon ng “gives” (installment) na may 0 interest. Ang proliferasyon ng claustrophobic o naninikip na condo unit, na wala o kay liliit ng bintana para sa natural na akses ng ilaw, ay mabibili lamang sa pamamagitan ng amortisasyong tailor-fitted sa bagong-yamang mamamayan: OCWs, call center agents, at iba pa.

Hindi naman nakakapagtaka na ang SM ay major condo developer na rin–na ang unang henerasyon ng disenyo sa mga mall ay nakabatay sa kahon ng sapatos pinaunlad nito at na nagpapalito sa maller kung araw o gabi na dahil sa pamamagitan ng erosyon ng panahon, mas napapanatili ito sa loob ng mall—ay siya ring nakapaglahad ng template para sa condo sa gitnang uri at hindi sa high-end market. Ang ibig kong idiin dito ay ang propensidad ng sachet na larangan, na may intensyong mapamili ang pinakamalawak na pinakamahirap na mamamayan, ay siya na ring gamit para itarget ang gitnang uri.

Sa pamamamagitan ng pagbibigay-akses sa gitnang uring panuntunan (markers, benchmarks) sa buhay, napapasilip sa abang uri ang sachet na pagdanas sa pagiging aktwal na gitnang uri. Na kahit hindi siya regular na makakatangkilik ng sachet na brands, kahit papaano, paminsanminsan, ay naipapadanas na sa kanya ang pagdanas ng pagiging aktwal na gitnang uri. Ito ang pagpasok sa abang uri bilang mga “non-subject,” walang subheto maliban sa pangangailangan ng negosyo na mapabili, at ng estado na mapaboto ang mga ito sa inilalatag na produkto at kandidato.

Siya ay manggagawa na paminsan-minsan (isang beses isang taon) ay madadala ang kanyang pamilya sa mall, makapag-Jollibee, makapanood ng sine kapag Metro Manila Film Festival (MMFF) o Pasko lamang–na tulad ng retail shopping sa kapaskuhan, ay ininuturing na pinakamalaki rin ang bilang ng panonood ng sine sa MMFF na panahon. Siya na mangangalakay o nangangariton ay makapabili ng load para matunghayan ang estado ng maysakit na anak na naiwan sa bahay. Siya na batang kalsada ay makakatikim lamang ng Jollibee o McDonald na burger kapag nalimusan ng tinanghuran sa salamin ng outlet.

At ito ang trahedya ng bansa, ang literal at figuratibong pagpapalawak ng kalakarang sachet: na imbis na mapalitan ito ng kapasidad sa akses sa mas malalaki’t mas matitipid (economies of scale na mas malaki ang produkto, mas mura ito sa value-for-money o price-per-quantity) na pamamaraan, ito ay higit na lumalawak at sumasaklaw sa ofisyal na transformasyon ng pagkamamamayan at pagsasabansa.

Ang kalakarang sachet ang best effort na ni Noynoy Aquino at mga pambansang adminstrasyon na nauna sa kanya sa pagpapalahok ng mamamayan sa ekonomiya ng bansa. Katumbas ito ng trickle-down economics na kapag ang mayayaman ay pangunahing nabiyayaan, maambunan din ang maraming mahihirap. Mula konsumerismo hanggang publiko serbisyo—sa edukasyon, pangkalusugan, highway system, urban renewal, at iba pa—ang abang uri ay dinedehado: ginagawang mga nakakulong na daga na may iniiwang maliit na tanglaw sa dulo ng hukay: ito ang sachet na kanyang ia-aspire bilang kalakaran ng pagkasadlak sa abang kondisyon.

At dahil sa dilim at lalim ng pagkasadlak, hindi niya maiisip ang kolektibong predikamento dahil lahat sila ay hindi nakatanglaw sa kahanay kundi sa pinagmumulang sipat ng ilaw na tanglaw kung paano sila mamumuhay sa pang-araw-araw: heto ako, heto tayo, nasa ilalim pero tila abot-kamay abot-tanaw ang pangarap ng nasa ibabaw; salamat po, sachet! (http://bulatlat.com)

ARTICLE TOOLS
Printer-Friendly Version Printer-Friendly Version

TAGS
CATEGORIES
* Latest PostsnameGunita ng Salita
REPRINT
Feel free to reprint, repost or republish this material. (Read Bulatlat's syndication policy.)

Comments are closed.

BROWSE BY SECTION OR SUBJECT ››

Politics
Economy
Human Rights
OFWs & Migration
Agrarian Reform
Labor & Employment
Urban Poor
Environment
Education
Youth
Indigenous Peoples

Women & Children
Health
Media
Culture
Poetry
Analysis & Opinion
Regions
International
Democratic Space
Press Releases
Downloads

ON THE FRINGES (BULATLAT STAFF BLOG) ››