November 21, 2014     Philippines
Support alternative journalism. Donate to Bulatlat.com.

September 3, 2012
Sedisyosong Sarswela

Rebyu ng “Walang Sugat”
Produksyon ng Tanghalang Pilipino
Tampok sina Cris Villonco, Antonio Ferrer at Noemi Manikan-Gomez
Direksyon ni Carlos Siguion-Reyna
Agosto 26, 10 am, Tanghalang Aurelio Tolentino
Sentrong Pangkultura ng Pilipinas

Ni MARIJOE MONUMENTO
Bulatlat.com

Naging kapansin-pansin sa nakaraang ilang mga taon ang pangahas na pagtulay ng ilang batikang pangalan mula sa dulaan patungo sa paglikha ng mga pelikula. Ito, sa panig ng manonood at kritiko, ay nagluwal ng magkakahalong reaksyon at resulta. Wika nga ng matamang tumutunghay, ang teatro at sinema bagamat magkapatid ay sadyang nagkakaiba. Kaya’t ang karaniwang komento – na ang mga pelikulang nila’y “parang dula” o kaya’y “masyadong teatro” – mas madalas sa hindi ay buntung-hiningang puna kaysa sa bukal na papuri sa dalang impluwensya ng kanilang karanasan sa tanghalan.

Iba pang paksa kung pag-uusapan ang mismong pagsasapelikula ng mga dula, gaya na rin ng ginawa sa sarswelang “Walang Sugat” ni Severino Reyes noong 1939 at 1957.

Mabuting balita para sa mahilig kapwa sa sine at dula ang pangahas na pagtulay ni “Direk” Carlos Siguion-Reyna ng pelikulang Pilipino, tungo sa pagdidirihe sa dulaan. Sa umpisa, aasahang ang direksyon ni Siguion-Reyna sa klasikong “Walang Sugat” ay madaling maihahalintulad sa kanyang pamamayagpag bilang direktor ng kilalang seryeng “Aawitan Kita” – dahil lamang sa lantad na pagkakapareho ng romantikong kantahan at huntahan sa nasabing seryeng pantelebisyon at sa dakilang sarswela. Ngunit higit sa postura, kostyum, at kundiman, ang mga manonood ng “Walang Sugat” sa kamay ni Siguion-Reyna ay ipinakikilala sa isang uri ng subersyon – isang pahayag ng pagbabalikwas na walang paliguy-ligoy, matalas at kumakapit.

Walang halong boladas kung ilalarawan ang “Walang Sugat” bilang “sinematiko.” Sabihin nang sing-dalisay ng pag-iibigan nina Julia (Cris Villonco) at Tenyong (Antonio Ferrer) ang masinop sa pagsasalaysay ng kanilang kwentong sabay na binubulabog ng tradisyon at himagsikan. Sinematiko ang mahikang nakamit ng dula sa simple at epektibong disenyo ng produksyon, pag-iilaw (Katsch Catoy) at entablado (Tuxqs Rutaquio). Hahangaan ang payak nitong inobasyon sa kulay, lalim at espasyo ng tanghalan – nakakagulat na taliwas sa garbo at borloloy na tila kinahuhumalingan ng ilan nating mandudula lalo na kung ang produksyon ay tinatawag nilang “adaptasyon” o “makabagong interpretasyon” ng gaya nitong isang klasikong piyesa. Lakip ang mga tauhan sa suut-suot na mga barong, saya o uniporme, mga hawak-hawak nilang mga bagay-bagay at ilan lamang pirasong muwebles bilang props, ang halos hubad na anda-andanang disenyo ng entablado ay sapat upang bigyang-buhay ang konteksto ng bawat tagpo; paghiwalayin ang espasyong nasa loob mula sa nasa labas; at itakda ang pagkakaiba ng distansya at ng oras.

Ang pagsalig ng produksyon sa tapat na interpretasyon ng mga awit at teksto ay pagpapakita ng respeto sa sinsin at sinop na nakamit ng sedisyosong sarswela sa katutubong estetika. Ang dula ay nagkukuwento, at si Siguion-Reyna ay nakapagkwento nang simple at malinaw, maaaring gaya rin kung paanong ang mga kwento ni Severino Reyes sa sagisag-panulat na “Lola Basyang” ay madaling naunawaan, mabilis na tinangkilik at sinubaybayan ng madla sa magasing Liwayway. Ang buhay na aksyon o lamya ng palabas, ay tamang nakasalalay sa mahusay na pagganap ng bawat tauhan dahil sa simbolikong bigat ng bawat isa sa kabuuan ng salaysay.

Kapuri-puri ang pagganap ni Cris Villonco bilang Julia, ni Jonathan Tadioan bilang katiwala ni Tenyong na si Lucas, at ni Nar Cabico bilang si Miguel, ang lalaking ipinagkasundong ipakasal kay Julia. Nagbabalik-tanghalan si Noemi Manikan-Gomez bilang Juana, ina ni Julia, samantalang tampok din ang partisipasyon ng beteranong aktor na si Lou Veloso bilang Padre Teban. Ang pamilyar na mukha ni Veloso ay epektibo ring behikulo para sa dagdag na katatawanang linya at kontemporaryong komentaryo – isandaang taon at higit pa matapos ang unang Rebolusyong Pilipino, patuloy na naghahari sa ating lipunan at pulitika ang Simbahang Katoliko.

Ang malalim na Tagalog, kontekstong pangkaysaysayan o makabayang tema ng sarswela ay aasahang babagot o titiwalag sa kabataang manonood na babad sa bilis ng pelikula, telebisyon at makabagong midya. Ngunit nagawa ng direksyon, at ng bagong koryograpiya ni Nonoy Froilan na maging epektibo ang salimbayan ng mga panguhaning tauhan sa indayog ng buong koro. Ang kabuluhang panlipunan ay napakalinaw na nailangkap sa tapat na interpretasyon ng isang kwento ng romansa na pinasisigla ng ilang eksena ng katatawanan.

Tampok ito tuwing aawitin ng koro ang pinakakilalang himig-protesta ng “Bayan Ko.” Dahil sa marubdob na areglo at direksyon, ang pagbabalikwas sa konteksto ng Rebolusyong 1896 ay maigting na tumitining. Malinaw na inilahad ang pandudusta’t panunupil ng kolonyal na kapangyarihan – ang pagmamalabis ng mga prayle, makahayop na pagtrato sa mga bilanggo, gayundin sa asal at gawi ng mga tauhan batay sa kanilang antas sa pagkakasalansan ng lipunan. Pangahas ang ganitong paglalahad lalo na kung ikakawing sa mismong konteksto ng orihinal na pagpapalabas sa ilalim ng pananakop ng Amerika o US. Ang pagsupil sa mga rebolusyonaryong pwersa sa larangan ng armadong labanan ay tinumbasan ng pagsupil sa makabayang diwa sa sining at panitikan. Dahil mula 1907 ay ipinagbawal ng Amerika ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas o pagkanta ng pambansang awit, kahit ang patagong paglaladlad ng mga kulay ng watatat mula sa mga bastidor ng burdang panyo nina Julia at iba pang dalaga sa dula ay itinuring nang subersibo o sedisyoso.

Paano man pagbali-baliktarin, ang patuloy na dominasyon ng imperyalismong US sa larangan ng ekonomiya, pulitika, at kultura ng Pilipinas ay ang di-maikakailang himutok at puntirya ng mga dulang gaya ng “Walang Sugat.” Ang walang kapararakang dominasyon ng dekadenteng kulturang dayuhan ay indikasyon ng patuloy na pandudusta at pambabansot – ng marahas na panunupil ng makabayang diwa laban sa imperyalismo. Samantala, dumadaong nang walang pasubali ang mga barko de gerang nukleyar, lumilipad ang mga eroplanong pang-espiya, at ang mga sundalong Pilipino’y sinasanay pa rin ng mga Amerikano sa baril-barilang Balikatan. Hindi man tahasang ipagbawal, patuloy na sinusupil at sadyang bihira pa rin ang mga palabas na matapat na naglalahad ng ating kolonyal na kasaysayan at pumupukaw sa makabayang damdamin – lalo na kung ihahambing sa dagsa at ragasa ng sandamakmak na mga produktong pangkultura na nagpapagaan at nagbibigay-katwiran sa marahas na dominasyon ng US sa bansa.

Sa huli, nagawa ni Tenyong na daigin sa dunong sina Miguel at Padre Teban upang sa wakas ay makadaupan ang sintang si Julia. Pero kung bakit lingid pa rin sa mas malawak na manonood ang mga dulang makabayan na gaya ng “Walang Sugat,” ay isa lamang sa napakaraming pang-araw-araw na pahiwatig kung paanong ang sambayanang Pilipino ay patuloy na pinaglalalangan ng dakilang Amerika. (http://bulatlat.com)

ARTICLE TOOLS
Printer-Friendly Version Printer-Friendly Version

TAGS
,
CATEGORIES
* Latest PostsnameCulturenameCulture - Front
REPRINT
Feel free to reprint, repost or republish this material. (Read Bulatlat's syndication policy.)

Comments are closed.

BROWSE BY SECTION OR SUBJECT ››

Politics
Economy
Human Rights
OFWs & Migration
Agrarian Reform
Labor & Employment
Urban Poor
Environment
Education
Youth
Indigenous Peoples

Women & Children
Health
Media
Culture
Poetry
Analysis & Opinion
Regions
International
Democratic Space
Press Releases
Downloads

ON THE FRINGES (BULATLAT STAFF BLOG) ››