Imahen ng baha sa Facebook at personal na arkibo ng pangyayari

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Ganito ang eksena isang araw sa Agosto 2012: matapos ng ilang araw na tuloytuloy na buhos ng ulan, idineklarang walang pasok; baha ang mga paligid ng syudad; at ang pangunahing nakapag-abot ng epekto ng ulan ay ang mga imahen sa Facebook.

Natunton ang lawak at saklaw ng pagkabaha: ang anderpas sa Ayala Avenue, Lagusnilad sa City Hall ng Manila, ang sinabi na ngang parating mangyayaring pagkalubog sa Riverbanks sa Marikina na katabi ng SM, ang nag-uumapaw na La Mesa Dam, at iba pang eksenang labis ding ipinagtataka na hindi ininda ang panganib, hinintuan, kinunan ng picture, at in-upload sa Facebook.

Mabilis ang palitan at lipatan ng imahen: marami ang nag-repost sa kanilang wall. Marami ang nag-repost para lumikha ng sariling alaala ng pangyayari nitong isang umaga ng Agosto. At ito naman ang nililikha ng Facebook, ang gawing personal na arkibo ang social networking site na ito: na ang direktang karanasan ay maaring gawing filter ng sariling sekundaryong pagkadanas ng pangyayari.

Ang kaibahan ay tanging ang nauna—ang kumuha ng picture–ang may aktwal o direktang karanasan, ang lahat ay simulacra lang ng nag-iisang nauna. Bakit may pagnanais makatipon—mangolekta–ng alaala ng iba? Ano ang nais makamit sa pagtataguyod ng isang virtual na arkibo?
Ang nagawa ng internet ay lumikha ng digital revolution sa informasyon. Maraming nasa internet at ang atas sa user ay ang pagtasa ng kapasidad na makapansala: alin ang tunay na may pakinabang sa kanyang interes at layon? Ang ginagawa naman ng Facebook sa partikular ay maglunan ng individual na repositoryo na ang mga kaganapan at informasyon.

Kung gayon, hindi na proliferasyon ang problema kundi ang pag-ako sa mga partikular na texto at imahen, web site at pages bilang kabahagi ng formasyon at transformasyon ng sarili. Ang virtual na arkibo ang siya namang mababalikbalikan ng user, para gunitain ang pangyayari, at magpaluwal at magpayabong ng sariling alaala, lalo pa’t hinggil sa natural na disaster ng Agosto.

Ang kabalintunaan ng lahat ay ang pagtitipon at pag-aarkibo, ang formasyon ng sarili at ng alaala ay pawang virtual na gitnang uring panuntunan ng pagkatao’t pagkamamamayan. Wala naman pangangailangan sa mga partikular na alaala kung hindi naman apektado ang sarili. Hindi gugunitain ang isang bagay kung ito ay naresolba na. Ginugunita lang ang pangyayari kung ito ay may patuloy na dawit sa kasalukuyan ng sarili.
Gitnang uring panuntunan ang pag-aarkibo sa pangyayari dahil sa pagtalaga pa lamang sa Facebook bilang repositoryo ng alaala ay pagtalaga na rin sa isang makauring panuntunan ng pagkatao. Sino ang makakapag-Facebook kung kailangan lumikas sa panganib ng baha’t delubyo, kung nagpapatianod na ang bahay sa estero’t basang-basa na sa pagkawala ng tirahan?

Ang kakatwa rin sa mga imahen na ginagawang repositoryo sa Facebook ay pili’t sala itong mga imahen. Hindi ito imahen ng paglikas sa estero kundi imahen ng transformasyon ng gitna at mataas na uri ng espasyong syudad sa pagkasakop ng pwersa ng kalikasan: parke, mall, anderpas, pangunahing kalsada, at iba pa.

Ang tinitipon ay ang posibleng dokumento ng pagkalaho ng gitna at mataas na uri ng espasyo at sityo, na may antig sa gitnang uring personahe ng user. Hindi tinitipon ang usual na evacuation site at pag-apaw ng mga estero’t pagkalubog ng komunidad ng maralitang lunsod. Ang tinitipon ay ang paranoia sa pagkalaho ng gitnang uring posibilidad.

Na itong kakaunting espasyo ng pagkagitnang uri ay kaya pang lamunin ng pwersa ng kalikasan ang siyang panganib na umaantig sa puso ng user: virtual na takot para sa virtual na pagdanas. Kaya nagiging photogenic at kaaya-aya na i-repost, ipasa at gawing bahagi ng personal na arkibo. Photogenic na imahen para sa photogenic na pagtingin sa pangyayari’t pagkadanas ng sarili.

Paano nga ba naman tatapatan ng tagas sa bahay o pagbaha sa kalsada kung ang mga nagsusulputang imahen ay ukol na sa pagkalubog ng isang parke at pagpasok ng tubig sa mall? Kaya aakuin na lamang ang mas malaking virtual na panganib kaysa sa maliit na aktwalidad dahil mas photogenic ang una. Sa pamamagitan ng opsyon na makapag-repost, ang ipinagagawa ng Facebook sa user ay padaluyin ang gitnang uring angas: na may panganib sa paligid, peligroso ang aktwal pero sa internet na pagtunghay at paggunita, ligtas ang sarili kahit hindi lubos na gustong bitawan ng user ang alaala, mga alaalang filtered sa plataporma ng Facebook.

Ito ang librong inaakda ng mukha ng superfisyalidad, gaya nang isinasaad ng ngalang “Facebook,” isang blangkong libro na kanya-kanya tayong magpupunan sa pamamagitan ng sariling alaala, at sa kalakhan, sa pagtipon ng alaala ng iba bilang alaala na rin ng sarili. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post