Bayo ads at mixed-race politics

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Hindi naman sana overkill ito dahil gumawa na ng publikong paumanhin ang Bayo para sa kampanyang “What’s your mix?” Ayon sa pahayag sa kanilang website, “We would like to express our regrets to those who have been offended or felt discriminated against.”

Sa naudlot na kampanya, mga modelong may halong lahi ang itinampok—halimbawa, “30% Indian, 70% Filipino,” at “50% Australian, 50% Filipino.” Kailangang nakaangkla ang anumang dayuhang lahi sa reiterasyon ng pagka-Filipino dahil ang Bayo naman ay Filipino brand. Pero second billing parati ang pagka-Filipino, bakit naman tatangkilikin ito ng karamihang Filipinong mamimili?

Ang 100% American o Japanese na pantukoy sa henerikong bagay (all-American beef, o 100% Japanese technology) ay integral sa paglalatag ng superioridad ng partikular na lahi sa mga produkto, serbisyo at larangan. Hindi hiwalay sa “all-American beef” ang pagkatalaga ng superioridad ng pangangalaga sa hayop, pagpatay dito, manufaktura, preserbasyon, marketing, at advertising sa pagiging Amerikano ng karne.

At kung magpakaganito, ang superioridad ng American-ness sa lahat ng aspektong kinalalahukan ng produksyon ng baka, agrikultura, teknolohiya, kulturang popular, hegemoniya, at globalisasyon. Sa ad ng Bayo, ang kabaligtaran ang isinasaad ng mixed-race politics, ang inferiodidad ng pagiging Filipino—na kailangan itong masaniban ng dayuhang lahi para maging isang komoditi na marketable.



(Photo grabbed from Tsikot.com / bulatlat.com)

Sa anumang konfigurasyon na nagsasambit ng lahi, may pagsasala rin na isinasagawa. Hindi lahat ng lahi ay angkop para sa lantad na designasyon: walang rekognisyon ang 100% Tanzanian fauna o all-Saudi Arabian oil. Ang binabanggit lamang ay ang rekognisyon sa superioridad ng mga partikular na lahi, yaong may antas na geopolitikal na global dominance—may silbi sa politikal at ekonomiyang kaayusan ng mundo.

Sa kaso ng Bayo, ang pagbabawas sa 100% Filipino sa iba’t iba nitong variasyon (basta may minimum at secondary billing ang pagka-Filipino) para mag-“excuse me lang po” sa kanilang pambansa’t global na posisyon sa fashion. Wala itong malaking endorsement budget para sa mga Hollywood star, tulad ng Bench o Penshoppe. Umaasa ang Bayo sa inaakalang makapangyarihang pagsanib ng dayuhan sa nasyonal/lokal para umastang may pag-angat ito.

Sa katunayan, ang dayuhan (o foreign) ang nagiging substansasyon ng lokal (o Filipino). Ang resulta ay panghihiram ng identidad sa dayuhan, kundi man wanna-be na attitude na gawin ang sariling identidad bilang aksesorya ng dayuhan. Ang prinipribilehiyado ay ang mga bagong mestizo’t mestiza, lampas sa dating mix mula sa Tsino, Kastila at Amerikano.

Ang hindi isinasaad ng mixed-race politics ng Bayo ay ang kadalasang literal na karahasan kung bakit nagsanib ang mga lahi: mga Amerasian (na mas mababa ang turing sa may halong African American kaysa sa “American” o purong puti) noong nasa kamay ng mga Amerikano ang Clark at Subic Bases at ginagawang R&R (rest and recreation) ng mga sundalo nito ang red-light district sa labas ng mga base; ang mga “Japino” o Hapon Filipino na karamihan ay hindi kinikilala ng kanilang amang Hapon mula sa inang nagtrabaho sa Japan; at sa mas kontemporaryo, ang dumarami na ring mga anak ng Koreano’t Filipina.

Ang pagiging 100% Filipina pa nga ay isang pejoratibong atribusyon sa mga dayuhang bansa na may malaking populasyon ng Filipina domestic helpers (DH). Sa marami rito, ang “Filipina” (at sa familiaridad at naturalisasyon, “filipina”) ay nangangahulugan na bilang DH. Ang 100% Filipina pa nga ang dahilan ng hierarkisasyon ng mga iba pang lahi mula sa mahihirap na bansa na mayroon ding ipinapadalang DH: mas nakapag-aral, nakakapag-ingles, nakakasunod sa mga utos, at kung gayon ay mas mahal ang sweldo kumpara sa ibang nasyonalidad para sa parehong mababang trabaho.

Ang ginawa ng Bayo ay burahin ang karahasan, at ibuyanyang ang mixed-race politics na kung saan nakasukob ang mayoryang bahagi ng pagka-Filipino sa dayuhang lahi—na para maging world class, kailangang may dugo’t diwang dayuhan. Ang isang nangyari sa ofensibong kampanya ay ang produksyon ng satirikong memes sa internet.

Ayon sa Philippine Star:

Some of the most-shared memes include those that featured popular Game of Thrones characters Jon Snow (50% Jon, 50% Snow, 0% Knowledge) and Joffrey Baratheon (50% Lannister, 50% Lannister) as well as Filipino artists like comedian Bernardo Bernardo (50% Bernardo, 50% Bernardo) and Kuya Germs (50% German, 50% Moreno). One meme even touched on another controversial incident: the brawl involving Raymart Santiago, Claudine Barretto, and Ramon Tulfo. The meme, featuring a photo of Claudine, went “50% Actress, 50% Action Star.”

Ang lahi ay hindi integral, ang integral ay ang “in-group” na kaalaman para makuha ang punchline ng memes: ang racist na kampanya ng Bayo, ang mga beteranong lokal na personalidad, ang viral na bugbugan sa airport, at ang bagong palabas sa cable. Sa lahat ng memes, ang template ng disjunct (kung bakit nagiging ironic, o may “parody with irony”) ay dahil sa kalabisang diskurso ng taliwas na mixed-race ng Bayo.

Kung iisipin, lahat naman tayo ay may halong lahi. Pero hindi naman ramdam (felt) itong lahi dahil hindi ito natural na indikasyon ng pribilisasyon ng uri, maliban sa stereotipong kidnapping sa mga Tsino dahil sa pagiging mayaman nito, ang transformasyon ng nanampalataya sa Islam bilang naghuhurementado’t teroristang lahi, o ang pagtampok sa kaputian (puro, mestizo’t mestiza, kundi man pinaputing balat dahil sa komersyal na tagumpay ng skin whiteners) bilang pribilihiyadong balat sa katolisismo, beauty contests, showbiz, at entertainment.

Ang Bayo ad ay isang skin whitener, pinapaputi ang Filipino’t Filipina, itinatago ang kulay ng pagkapanganak na siyang nagdidikta ng maraming afiliasyon at marginalisasyon. Sa ngalan ng negosyo’t kita, muli’t muling idinidiin ang abang antas ng pagka-Filipino para inangat ang pagiging world class sa pamamagitan ng substansasyon ng dayuhan. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post