Kasiyahan bilang birthright: Magnum ice cream

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Heto na naman ang bagong gitnang uring aspirasyon. Sa halagang P50 pesos, isang guilty pleasure. At may tiyak na panuntunan ng pagkonsumo nito: may Magnum Manifesto na nanghihikayat ng “pleasure as birthright,” may “How to enjoy the new Selecta Magnum ice cream,” may bahaging nilalamlam ito sa loob ng pribadong espasyo, at may bahaging ikinakalat ang konsumpsyon ng guilty pleasure sa viral media.

Napapanahon ang produkto at advertisement dahil sa inaakalang lumalawak na bilang ng gitnang uri sa bansa. Ito o ang lumalalawak na bilang ng wanna be na gitnang uri? Viral ang pagkakalat, nakakahawa ang layon, guilty pleasure dahil labis at hindi ordinaryong kondisyon o kaganapan ang isinisiwalat nito.

Babae ang nasa komersyal: gitnang uring babae na lumulundag sa pool, nasa labas ng bintana ng kotse ang ulo (tunay na peligroso) at nakatingala sa langit, nakahilata sa kama, o naglalakad sa hardin at sinasalat ang mga dahon, bilang ilang halimbawa. Babae ang representasyon ng virus, infeksyon, guilty pleasure, at ng mismong kakulangan at kalabisan.

Sa isang banda, ang ideal na babae ay may pisikal na representasyon na kabataan at sexy; sa kabilang banda naman, 260 calories ang laman ng Magnum ice cream. Ito ang nilulusaw na anti-tesis ng katawan ng babae, na hinahamon pa ngang mag-trespass at hayaan lang pumailanlang sa bawal at hindi dapat. Guilty pleasure dahil labis (calories) at kulang (ilan ang may kakayanan?) ng akto ng pagtangkilik.

Ang itinataguyod ng Magnum ice cream ay kasiyahan bilang birthright. May entitlement ang sinumang nagnanasang mapabilang sa hanay ng gitnang uri, ng leisure at ng global na gentrifikasyon dulot ng introduksyon nitong global na produkto mula sa Unilever.

Individualistiko ang kasiyahang ito dahil sa pribadong spero ito dinadanas. Sa katunayan sa subterranean na mundo pa nga ng viral media at sites ito matutunghayan. Mas bawal, mas masarap, mas kasiya-siya. Tila ito ang isinasaad ng Magnum ice cream. O ito nga ba?

Sa katunayan, “we belong” ang isinasaad nito: magkakahiwalay na pribadong pagdanas ng isang kolektibong pagnanasa. At kung ito ay inklusibo, ito ay hindi bawal, ito ay nakakasapat at dapat lang sa global na panuntunan ng intensibong kapitalismo at konsumerismo.

Ang P50 na halaga nito ay mas mababa sa Starbucks coffee o Moonleaf pearl tea, mas mataas naman kaysa sa ibang produkto ng Selecta na hardsell na ibinebenta ng mga karwaheng may blaring na speaker at iilang tonong inuulit-ulit nito. At siempre, lampas ito sa ice-drop at ice candy na inilalakong door-to-door ng mga batang nagnanais kumita.

Ang mas malaking kontexto ng aspirasyong ito ay ang fantastikong ulat ng HSBC na ang Filipinas ay magiging ika-16 na pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo, na sa Asia ay kasunod tayo ng China, India, Japan at South Korea. At Magnum ice cream na nga ang isang manifestasyon ng napipintong pagdating ng First Worldismo sa bansa.

Decadent, tulad ng iba pang high end product ng Selecta ice cream, pero hindi pa rin kasing exklusibo ng mga taong mas tumatangkilik sa Hagen Daz at designer yoghurt outlets. At sa pagkuha ng snapshot ng pagtangkilik, kasama ang retorikal na gesture na nakabandera ang ice cream (madalas ang tangang ice cream na lang kaysa ang taong may hawak nito), nagkakaroon din ng viral entitlement na wala namang tunay na titulo, maliban sa pagiging kabahagi ng inklusibong kapatiran ng tagatangkilik.

At ito ang birthright na sinasambit, ang maging kasiya-siya kahit sa nakakapanlumong pagtaas ng presyo ng gasolina, pamasahe, at iba pang bilihin, ang napipintong pagtaas ng matrikula sa pagpasok ng akademikong taon, ang nakapakong sweldo ng manggagawa’t kawani, pati na rin ang pagkasadlak ng mayoryang mamamayan sa kahirapang dulot ng pambansang korapsyon.

Dahil kung hindi sa imahinaryong sinasambit ng video magtatagumpay ang birthright, wala itong ibang puwang sa sistematikong pagkalaglag ng mga karapatan ng mamamayan ng mga nauna’t kasalukuyang administrasyon. Magnum birthright, Kitkat break, ma-boteng usapang magtatagumpay lamang sa akto ng pagtangkilik at depolitisasyon ng katawan at isip. (https://www.bulatlat.com)

Salamat kay Jonathan Ong para sa mungkahing ito.

Share This Post