Panitikan ng kulturang popular: popular na anxiedad at ang arkipelagong espasyo

Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com

Sa unang libro ng tula ni Adam David, sa El Bimbo Variations, ginamit niya ang unang dalawang linya ng ikonikong awit ng Eraserheads, at sumulat ng 99 na variations nito. Parang Buddhist mantra (Om Mani Padme Hum) na paulit-ulit lang ang pagbigkas sa iba’t ibang paraan, naghahanap ng perfektong kapamaraan ng pagsasaad ng afinidad sa kosmos, ang El Bimbo Variations ay humahalaw sa kapangyarihan ng ikonikong texto at ng musang si Paraluman para sa awa’t kabutihan ng kasalukuyang predikamento ng pagsusulat.

Gayunpaman, ang kabalintunaan ng ehersisyong ito ay ang walang kakayanang ulitin ang exactness ng nauna, na ang lahat sa 99 na akda sa libro ay gayon na nga, mga variation. Ang panitikan, kung gayon, ay pagtatangkang representasyon o pagbibigay porma-laman-substansya sa karanasan. Ang panitikan ay pagtatangkang aproximasyon sa representasyon sa krisis ng lipunan at kasaysayan. O ang panitikan ay pagtatangkang sumulat sa gitna ng krisis ng representasyon.

May tatlong antas ng krisis na sinasaad ang “panitikan ng kulturang popular” o mga panitikan na gumagamit ng paksa, imahen, kumbensyon, stilo ng kulturang popular. Una na nga, ang krisis sa panitikan, ang di lubos na kakayahan ng panitikan na salaminin ang tunay at realidad, na ang kaya lang nitong gawin ay magbigay-representasyon sa tunay at realidad, at maging itong tunay at realidad ay niraragasaan ng krisis sa lipunan at kasaysayan.

Ikalawa, ang krisis sa mismong kulturang popular: nagmo-malling pero walang nabibili, pinapagod lang ang sarili; na sa repetisyon at ligaya ng panonood ng sine o pagtangkilik sa mga porma ng kulturang popular ay nagdudulot din ng umay at pagkasawa pero muli’t muli pa ring manonood ng sine at tatangkilik sa kulturang popular; na ang panuntunan mismo ng kulturang popular bilang porma-laman-substansya ng libangan ay nagsasaad ng exclusiveness nito: kailangang magbayad para maglibang (takutin ang sarili sa horror film, ma-excite na parang bata sa theme park, kumain na pangbatang pagkain tulad ng fastfood, at iba pa).

At ang ikatlong krisis, ang krisis ng mismong lipunan at kasaysayan: mga presidenteng mandarambong, mag-ihitsurang kaawa-awa’t kapag ikukulong, pero mayroon pa ring gagawa’t gagawa ng pandaraya sa eleksyon at mauulit at mauulit pa rin ang pandarambong; ang pambansang kondisyon sa kahirapan at pandararahop, na walang administrasyon na tunay na mag-a-address nito sa takot na wala nang botong mabibili kung hindi nila ipagpatuloy ang paglikha ng mangmang at naghihikahos na bulto ng mamamayan; ang sachet na economics para sa mayoryang walang lubos na kapasidad na bumili kaya tingi-tingi na lamang ang pagdanas ng gitnang uring panuntunan at produkto ng buhay.

Ang déjà vu mode sa panitikan, lipunan at kasaysayan ng bansa ay humahalaw sa mismong buhay sa isang arkipelagong espasyo. Tulad ng Repeating Island (1996) ng kritikong Antonio Benitez Rojo na ukol sa Caribbean bilang postmodernong sityo ng repetisyon, ang Pilipinas ay gayon din, pero repetisyong may variation. Nang tanungin ang representatibo ng Filipinas sa Miss Universe kung ilan ang isla sa bansa, sinagot ito ng kontestant ng tanong, “High tide o low tide?” Nawawala ang isang isla kapag high tide, nababawasan ang namapa’t ofisyal na 7,107 islands sa bansa.

Ang arkipelagong espasyo ay isang trope o imahe ng pag-unawa sa lagay ng bansa, at kung gayon, sa lagay kanyang lipunan, kasaysayan at pagkatao, at kung gayon, ang lagay ng kanyang panitikan. Iba ang buhay sa arkipelagong espasyo dahil self-sustaining at mayroong buhay ang bawat isa. Walang pagnanais na lumikas at magbiyahe, tuklasin ang iba pang lugar ng lugar sa isla, at lalo na ang mga isla. Ang ginagawang underpass sa Araneta at Quezon avenues ay tila mas malaki pang dagat kaysa sa Pacifiko, at ang anumang biyahe papuntang Manila’t Quezon City ay parang biyaheng palabas ng bansa.

May lebel ng kuntento sa kanya-kanyang lugar at pwesto sa arkipelagong espasyo. At sa isang banda, ito ang nagpapanatili ng pambansang kapangyarihan, ang kapasidad ng arkipelago’t awtoridad na paghiwahiwalayin ang mga bagay at mamamayan sa isang stratifikasyong di lubos na nauunawaan ang pagkaloob at pagkalabas. Sa kabilang banda, ito rin ang di nagpapanatili ng kapangyarihan: na di kayang lubos na sakupin ng kapangyarihan ang mga isla’t mamamayan dahil nga sa pagkawatak-watak ng anumang ofisyal na magpapaugnay sa bansa at ng mga pambansang katangian.

Nagsisimula’t napapagyaman ng tulang “Ang Saksi ay Ebidensya at Napatunayang Nagkasala” ni Kristian Sendon Cordero sa pamamagitan ng litanya ng imahen: mata ng nabubulok na pinya, tuyong balat ng palaka na ginawang pitaka, panghuhuli ng mga bata ng butiking binibili ng piso sa lugawan. Ang pang-araw-araw na buhay ay panggigipit sa nakararami ng kalakaran sa kapitalismo at pyudalismo sa bansa.

Ang walang malay na palaka ay nagiging anomalous na souvenir item para sa inaakalang turista’t konsumerista. Panibagong man/woman-in-a-barrel na walang praktikal na silbi, maliban sa stereotipong mabibili lamang sa bansa’t maipagyayabang sa ilang kakilalang magkakaroon ng kontak sa objek. Ang butiki, hinuhuli na rin dahil may halaga para sa mga nag-aalaga ng aruwana. Ito ay mahuhuli sa gabi, at bukas ang lugawan sa gabi para ang nagbabantay ng lugaw ay nagiging middleman na rin.

Kung gayon, ang mata, ang tampok na sense at ulirat, ay matagal nang nabubulok dahil sa kabulukan ng mismong matatanaw na realidad. Sa huli, sa paghahabi ng bagong fable, isinasaad ng tula, “Hanapin ang lihim ng talim./Kailangang hulihin ang katwiran/bago sumirit ang apdo sa dilim.” Ang kabalintunaan ay wala nang katwiran, at matagal nang sumirit ang apdo sa dilim.

Ang sinasaad ng tula ay parang retro-writing o ang pagsusulat after the fact, kahit pa ang fact ay siya lamang napisil ng manunulat bilang gayun na nga, isang fact. Fact pero fact lamang sa kanyang sariling lugar at pwesto, na nagpapatangi sa kanyang fact at pagsusulat, pero after the fact na ang fact ay nagiging fact, lalo na sa arkipelagong espasyo.

Sa unang bahagi ng tulang “Sa mga FB Online Store Owner (O Tulang Nalikha Dahil Buwiset na Buwiset na Akong Mag-delete ng mga Mensahe sa Aking Pader/Poder)” ni German Gervacio, inihain ng persona ang bombardment ng produktong binebenta sa laylayan ng wall sa kanyang Facebook account:

Nakapagtatakang nalaman mo
Na pipis at tuyot ang dibdib ko
Katulad ng inaalok mong flat-TV
Kaya ipinantakaw
Ang herbal breast enhancer

Nakabibilib na naaninag
Ang magaspang-maitim kong balat
Kaya ipinaskil ang karatula
Ng amazing papaya at gluta

Malay ka rin na japeyk
Ang relong nagha-hang
Kaya ipinansilaw ang replika
Ng guess at monte blanc

Hindi mahalaga sa tula kung tunay o fake ang mga brand at ang branded na karanasang binebenta nito. Ang punto ay lahat ito ay replica o fake na ang generic ay nagiging mas mabenta kung matagumpay ang pagka-brand nito, kahit pa ang branding ay ang tagumpay na apila sa pagkatao—o sa kakulangang pupunan sa pagkatao—ng virtual na mamimili. Virtual na produkto para sa virtual na pag-antig sa virtual na nagfe-Facebook pero potensyal na mamimili pa rin.

Matagumpay ang kapitalismo at ang reiterasyon nito sa bansa na ang pang-araw-araw na sityo ng individualismo, tulad ng Facebook, ay nagiging sityo ng pagbebenta at pamimili ng produkto’t serbisyo. O baka rin naman, nililikha ang matagumpay na sityo ng individualismo—fashion brands, gadgets, malls, at palabas sa telebisyon, halimbawa—para precisely ay makapagbenta, na siya namang nangyari, nangyayari, at mangyayari pa.

Ang mismong panitikan, after all, ay isang produktong makakalakal. At sa kalaunan, ang matagumpay na stilo ay nagiging mabentang libro; ang matagumpay na manunulat ay nagiging matagumpay na brand. Ganito kay Bob Ong at Eros Atalia. Sa comment section sa isang entry kay Eros Atalia, sinabi ng isang jobologist:

“nung una kong mabasa si eros sabi ko parang bob ong lang…ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang gawa…yung peksman [Nagsisinungaling Ako] at ligo na u lapit na me na gustong gusto ko…ibang iba ang style nya sa pagsusulat…mas organisado kesa kay b.o. na paborito kong author…nakakatuwa ang galing ni eros na paglaruan ang mga salita…kung i eexhaggerate kung nang kunti masasbi ko na magical yung paraan nya nang pagsusulat…”
Dahil limitado ang kapasidad ng mamamayan na bumili ng libro, nagkakaroon ng kumpetisyon para sa maliit na market. Ang formula sa matagumpay na pagsulat ay reproduceable, gayon din, ang formula ng pagiging matagumpay sa market ng ilang manunulat na may kapasidad pagsanibin ang kanilang panitikan at ang komersyal na viability nito.

Ang buhay ng manunulat sa arkipelagong espasyo ay hinuhulma ng mismong pagdanas sa espasyong ito. Trahedya ang buhay sa espasyong ito, to say the very least: nabubuhayan ng pag-asa ang mahihirap dahil sa pagbili sa lottong maghahatid ng milyon-milyong pangarap o pagpila’t panonood kay Willie Revillame na namumudmod ng tulong at charity para sa kanila; na sa kasalukuyang pagbabalita, magkakapantay na ang news item ng Hacienda Luisita compensation para sa Conjuangco’s, ang tantrum kay Kris Aquino na muli na naman silang inaapi’t malalampasan ng angkan ang kaapihang ito, ang saga ng pagpapakulong kay Arroyo, at ang hiwalayang KC Concepcion at Piolo Pascual; ang dobleng antas ng anxiedad kapag magpapasko: kailangang maging masaya, at para maging masaya mas higit na kumonsumo ng brands.

Ito ang krisis sa panitikan, lipunan, kasaysayan at pagkato sa bansang may arkipelagong espasyo. Ito ang nagbubunsod sa manunulat para magsulat, sa mambabasa para basahin ang mga karanasan, lalo na sa pang-araw-araw ay nagaganap naman sa lahat. Ito rin ang nagbubunsod para akdain ang mundo at realidad na familiar naman pero sa ibang malikhain at kritikal na perspektiba: ang pagsusulat ukol sa loob ng krisis na ina-afford lamang kapag ang manunulat ay inilabas ang isang paa’t sinulat ang karanasan.

Ito ang krisis sa estado na krisis sa panitikan at representasyon. Kaya nananatiling nagsusulat ang manunulat hindi sa ligaya dahil walang ligaya ang krisis kundi sa ligayang napagtagumpayan, sa limitadong paraan, ang mabuhay kahit na (inspite) at kahit pa (despite) may krisis. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post