Angry Birds at infantilisasyon ng anxiedad

Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com

May 500 milyong downloads na ang online na game na ito, at may 300 milyong oras na paglalaro araw-araw. Ang pinaunlad ng isang Finnish computer game developer Rovio Mobile noon pang 2009 ay ngayon kabahagi na ng kulturang popular: bina-ban sa bansa na pirated toys dahil sa kanyang toxic content, may yoga version nito na may subtitle na “How to eliminate the green pigs in your life,” laman ng isang seksyon sa theme park sa China, at laman ng I-pad ng prime minister ng UK at pati ang awtor na si Salman Rushdie ay naglalaro nito.

Ang popularidad ng Angry Birds ay nakabatay sa simpleng paglalaro nito. Ang walang pakpak na ibon ay ipambabala sa tirador para paguhuin ang mga gawa-gawang bahay ng baboy. Paulit-ulit ang laro na ipagtataka gayong wala naman talagang mas mahirap at madugong variasyon ng laro. Tila sa repetition ay may zen mode na nakakamit: gamit ang pisikalidad ay natatamo ang perfeksyon ng gawain.

Ang problema, walang pisikalidad na nagaganap. Simpleng koordinasyon ng daliri at mata ang gamit, at kahit papaano ay mabubuwag ang inaasahang mabuwag. Tila tinatapos ng Angry Birds ang mga bayolenteng laro sa Play Station, combative at competitive. Ang mas referensiya pa ng laro ay ang simpleng pingpong na may dalawang putol na linya sa magkabilang panig ng screen at gagawing pambalik ng bola.

Hindi pa nga ito kasing tensyonado ng naunang laro ng Pacman, Mario Brothers at iba pang nasa game boy. Malumanay, ang nagtatakda ng laro sa Angry Birds ay ang manlalaro na ang tanging kalaban ay dili iba kundi ang sarili. Walang kalaban mula sa labas o loob ng laro. Ang kalaban ay ang mismong manlalarong nais pang mapabuti ang kanyang score.

May paghahanap sa nawawalang bata (lost childhood) sa paglalaro ng Angry Birds, lalo na kung adult ang manlalaro nito. Kung bata ito, nawawala na rin ang pagkamusmos nito dahil imbis na maglaro sa piling ng mga bata ay naglalaro na ang kalaban ay hindi ang mga enemy sa loob ng laro kundi siya na mismo. Kalaro niya ang imahen ng kanyang sarili: dobleng virtualisasyon ng sarili.

Sa unang antas, ang virtual na identidad na nakapaloob sa laro bilang tagapagbala ng ibon at tagaasinta ng baboy. Itong identidad ay wala sa loob ng laro. Walang ina-assume na katauhan ang manlalaro sa loob ng laro maliban sa tagalaro. Purong gamer na identidad! Sa ikalawang antas, ang ipinambabala na di naman talaga galit at ang inaasinta na di naman talaga karumaldumal na baboy ay siya rin ang sarili.

Naglalakbay ang virtual na identidad na ang substansya ng laro ay ang substansasyon ng virtual na identidad. Makakatagpo ng ligaya ang manlalaro kapag na-accomplish niya ang laro: bilang ang panlaban at ang nilalabanan ay iisa na lamang na nilalang. At siya na nga rin ito mismo. Kaakibat pa nito, ang manlalaro at ang nilalaro ay may kaisahan na rin. Perfektong existentialist na paradigmatiko: siyang manlalaro ay siyang nilalaro, siyang nilalaro ay siyang manlalaro, ang nilalaro ay ang paglalaro, ang paglalaro ay nilalaro! Ito ang postmodernong “just gaming” ni Jean Francois Lyotard—makatarungang palalaro at simpleng paglalaro.

Ang global na kontexto ng popularidad ng game ay nakaangkla sa dalawang global na ekonomiyang krisis (1997 Asian crisis, at 2008 financial crisis), at ang pagkakataon na naman ng neoliberal na kapitalismo na ipasa ang coping mechanism sa mismong individual. Ang mga nabangkaroteng bangko’t negosyo ay tinugunan ng bailout ng gobyerno. Pero sa antas ng individual, ang coping mechanism ay ipinaubaya sa kani-kanilang individual na sarili.

Kapag nawalan ng trabaho’t kabuhayan, narimita ang bahay at kotse, naputulan ng kuryente, ang isinasaad ng proliferasyon ng iba’t ibang global online game-of-choice (Farmville ang nauna) ay maghanap tayo ng katugunan sa pamamagitan ng online meditation: iproseso ang anxiedad sa pamamagitan ng infantilisasyon ng reaksyon, gawing monotonous ang reaksyon sa bawat pagbabala—ang paglagay sa bawat bala’t matutumba ng pag-asa’t katubusan.

Kahit nga sa huli, na kahit ilang bala’t pagkatumba, wala namang mababago sa labas ng game, na di naman bubuti ang lagay ng buhay o anumang pagtaas ng kalidad nito. Ang nangyari, na parang pagpaputok ng kuwitis at sunturon ni Hudas kapag Bagong Taon o ang pagkutitap ng Christmas lights, may nailalabas na anxiedad, napapatanga sa paglabas ng anxiedad, at matatapos, makakausad na naman sa regularisasyon ng anxiedad sa sariling buhay.

Kanya-kanyang pagkapoot kahit tulad ng mismong figura sa Angry Birds, wala namang pakpak. Tanging ang silbi ng animal at individual ay ang pagiging pambala nito sa mas malaking laro ng kapitalismo sa ating mga buhay. Tayo ang Angry Birds na isinusugal sa nga ngalan ng kapitalismo. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. am the publisher of metro express. occassionally we print some of your interesting articles. your tirada on angry birds is very tumpak. congrats. thank you.

Comments are closed.