Farmers markets o ang tianggeng pangmayaman

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Binanggit na kwento ng kaguro habang ito ay nakasakay sa jeep. May nag-uusap sa kanyang tapat na pagkaupo habang padaan ang sasakyan sa Sidcor Sunday market sa Lung Center sa Quezon Avenue. Tinanong ng isa, “Bakit ang daming sasakyan?” Sagot ng kausap, “May tiangge kasi riyan sa loob ng ospital. Tianggeng pangmayaman.”

Nagpupunta ako rito, namimili ng halaman, lutong-pagkain, sariwang gulay lalo na ang pang-salad, at mga prutas. May buhay na hito, tilapia’t palaka. May ibon, imported na tuta, kuting at koi. May “one-of-a-kind” na German chocolate cake at maja blanca na pinakamasarap daw ayon sa katabing news clipping, gumagawa ng laundry bags at table napkins mula sa katsa, at iba pa. May ukay-ukay, Japanese surplus, items na galing sa Ikea Singapore, pirated na dami’t bag, at export overruns.

Pumupunta ako rito kapag mga alas-onse ng umaga na’t malapit nang magbalot at baklasin ang mga pwesto, at magsara ang tiangge. Lumipat ang Sidcor Sunday Market sa di kalayuang Centris, isang nabubuong First World enclave sa Quezon Avenue at EDSA na ang batayang maykayang populasyon ay mula sa liga ng call center agents. Nawala ang inaapakang putik at alikabok sa Lung Center grounds, ang problema sa parking at ang napakasiksik na pamilihan.

Farmers market ang tawag sa ganitong tianggeng pangmayaman. Pero sa simula ng farmers market, mga magsasaka talaga ang nagtitipon para magbenta ng kanilang ani, kasama ang enterprenuerial na kabiyak na nagbebenta ng lutong pagkain. Ito ang araw ng palengke sa mga liblib na bayan, isang araw na natatangi dahil dito lang bumababa at nagtitipon ang magkakalayong magsasaka para magbenta ng kanilang produkto.

Naging bahagi ang “farmers market” ng popular na imahinasyon nang ipangalan ang pinakatampok (pinakasosyal) na palengke sa Cubao mula sa katawagang ito. Kapag may cooking shows, lalo na yung internasyonal na palabas, at kailangan ng eksena na namamalengke, sa Farmers Market tutungo. At hanggang ngayon ay hindi nagbabago ang imaheng ito ng kasosyalan.

Sa dalawang pagkakataon, nang magpahanap ako ng salmon para gawing sashimi sa Commonwealth Market, at ng parsley sa Marikina Market, pakutyang itinuro ang Farmers Market para sa di regular na mga bagay sa kanilang mga palengke. Ang farmers market ay in-appropriate na ng gitnang uri at mayayaman, ginawang kanilang pribadong tianggian.

Gusto ng ganitong demograpiko ng pribilisasyon ng produktong sariwa, fresh out of the farm, value for money, cutting the middleman out, at anti-komersyalista. Para silang namamalengke, hindi nagrogroseriya. Para silang nagsha-shopping, pero hindi sa mall. Para silang nakikipagtawaran, pero sa mas mahal at ligtas na panuntunan.

At tulad ng anupamang transformasyon ng produkto’t serbisyo sa kapitalismo, naglaho ang pangunahing salik sa produksyon: ang magsasaka at ang kanyang paggawa. Ang tumampok ay ang mga maliliit na negosyante’t middle guy na nagso-source ng bargain na produktong bebenta sa “farmers markets.” Sa katunayan, naging magical ang kanilang paglaho sa mga produktong ibinebenta: orchids, organic vegetables, karinderyang pagkain, herbal breads, at iba pa.

Kahit katulong mo na ang trabahador ng may pwesto na dalhin ang pinamiling paso’t seedling, halimbawa, ay hindi naman sila naisasaalang-alang sa tawaran (direktang negosasyon ng mamimili sa may pwesto) o pagti-tip (para sa karagdagang serbisyo ng produkto). Nandiyan sila, tulad ng maraming reserbadong army ng walang trabaho’t underemployed na katawan, naglipana.

Naglipana ang farmers markets sa Manila, pawang nasa enclave ng first worldism: Salcedo Saturday market at Legazpi Sunday market sa Makati business district, at Mercato Centrale sa Fort Bonifacio. Farmers markets na hindi naman talaga. Ambiance, orkestradong feeling kundi man branding na lamang ito, para ang init at ulan ng labas ay maging kaiga-igaya pa ring halina sa mga maykaya na mamili sa palengke’t tiangge na inukol ng negosyo para sa kanila.

Naalaala ko ang isang skema ng mga ekonomista para magbunsod ng paggastos at kaunlarin: ang farm to market roads, o ang paggawa ng kalsada mula taniman patungong palengke. Ang konsiderasyon dito ay hindi naman para maibsan ang krisis ng agrikultura o ng mga magsasaka kundi para makapasok ang negosyante para angkatin sa murang halaga ang tanim, maibyahe’t maibenta ito sa palengke.

Ang farmers market ay isang aberasyon: walang magsasaka, di naman lubos na palengke ang hitsura. At precisely ginawa nga itong gentrifikasyon para sa iilang maykaya sa lipunan na may oras at may perang makapamili. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post